SA PAGPASOK natin sa ika-21 siglo, panibagong hamon na naman sa Pilipino ang suriin ang kanyang katauhan at pag-isipan kung saan niya ilalagay ang sarili sa mundo. Sa panahong ito, unti-unting nabubura ang mga bakod ng mundo at ang kaalaman ang siyang nagiging sandata sa makabagong digmaan.

Sa pangunguna ni Feorillo Demeterio, propesor sa Faculty of Philosophy ng UST, ginanap ang kauna-unahang “Junior Congress of Filipino Philosophy Students” noong Oktubre 4, 2002 sa Faculties of Ecclesiastical Studies. Sa pakikipagtulungan ng UST-Faculty of Philosophy Students Forum at San Beda College-Philosophy Circle, naganap ang naturang kongreso na dinaluhan din ng mga mag-aaral ng pilosopiya mula sa UST-Faculty of Arts and Letters at San Agustin Seminary ng Mindoro. Nagbunga ito ng mainit na diskusyon at nag-iwan ng mga panibagong katanungan para sa mga mag-aaral ng pilosopiya.

Bumabalangkas ang naturang Kongreso sa temang “Defining the Agenda of Filipino Philosophy in the 21st Century.” Hinati ang mga dumalo sa apat na grupo kung saan naatasan ang bawat kolehiyo na magbigay ng mga nasaliksik na tema na nauukol sa umuusbong na aralin na Pilosopiyang Pilipino. Pagkatapos, isang mainit na pakikipagtalastasan ang naganap kung saan ang bawat lahok na salaysay ay binatikos, pinag-aralan, ipinaliwanag, at binigyan ng mas malawak na kahulugan.

Pilosopiyang Pilipino

Ang mga dumalo ay naniniwalang buhay ang Pilosopiyang Pilipino dulot ng ating kakayahang higupin ang mga iba’t ibang kaugalian at kaisipan na dulot ng ating yumayaman pang kultura. Subalit may istruktura kaya ito?

Para kay Dr. Emerita Quito, tanyag na pilosopo at minsan ding nag-aral sa UST, ang ating natatanging pagtingin sa mundo at buhay ang siyang magandang batayan upang umangkin tayo ng sariling pilosopiya. Sinang-ayunan ito ni Paulo Jesus Nazareno ng UST-AB Philosophy nang sinabi niyang, “Ang kultura ng isang bayan ay ugat ng pandaigdigang paningin na naaaninag sa kamalayan ng bawat mamamayan…(isang) pagtingin…sa ating katauhan bilang isang bahagi ng malaking kabuuan—ang mundo.”

Sa ginawang pananaliksik ni Paul Christian Mendoza ng UST-Faculty of Philosophy, napansin niyang marahil ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay pinagtatalunan pa rin ang naturang pilosopiya ay dahil sa magkakaibang pananaw ng mga akademiko tungkol dito.

May naniniwalang ang masusing pag-aaral sa kultura at antropolohiya ng ating bayan ang siyang susi sa pagtuklas sa pilosopiyang Pilipino. May tumatahak naman sa tradisyonal na landas kung saan hinahati ang ating kaisipan sa mga mismong tao na nakakaisip nito. Ito ay batay sa mainam na pagsusuri ng mga kilalang Pilipino, tulad nina Rizal at Mabini, na nag-ambag ng malaki sa kamalayang Pilipino. At ang huling landas ay ang paniniwalang kulang ang ating kamalayan sa pagbuo ng isang natatanging pilosopiya. Upang matugunan ang naturang kakulangan, mainam na humiram ng mga banyagang kaisipan at pilitin itong isabuhay sa ating kamalayan.

“(What) Filipino philosophers (must do) is to be (familiar) and…be grounded to our own unique culture and at the same time develop an attitude of openness,” wika ni Mendoza.

READ
A cruise to remember

Ito na marahil ang panahon upang buksan natin ang ating pintuan sa mga aral na dulot ng ating mga kapitbahay, partikular ang mayamang kaisipan ng mga Bumbay at Tsino.

Hanggang ngayon, mahirap pa ring tukuyin ang isang istruktura ng pilosopiyang Pilipino. Dahil ito ay nababatay sa kultura at kamalayan ng isang lahi na patuloy na umuusbong, lumalago, namimingwit ng mga bagong kaisipan.

Kurikulum

Sa mga institusyong naglalaan ng kursong Pilosopiya, waring nahahati ang mga ito. Thomistic ang UST, Analytic ang UP at Phenomenological naman ang Ateneo. Isang napakalaking hamon sa atin na magdisenyo ng mga kurikulum sa pagbuo ng pilosopiyang Pilipino.

Ayon kay Christopher Daguimol ng UST-AB Philosophy, “This particular epoch of world history has been called the knowledge era, a breaking down of barriers in accessing information.”

Para kay Daguimol, ang paghalo ng makakanluran at makasilangang kaisipan ang siyang makakasagot sa mga katanungan ng pilosopiya. “The aim of philosophy (is to) be achieved by combining the wisdom of the east with the brilliance of the west,” wika niya.

Sa ating panahon, walang sinuman ang may monopolya ng katotohanan. Ang natatanging paghalo ng mga iba’t ibang kaisipan ng mundo ay isang maliwanag na landas tungo sa pagtuklas ng mga sagot at paghabi ng mga iba pang katanungan.

Hinimok ni Daguimol ang pagbubukas ng ating mga pintuan sa mga iba’t ibang kaisipan sa pamimilosopiya.

Sinang-ayunan ito ni Marvin Araojo ng San Agustin Seminary (SAS), Mindoro, na nagsabing, “Sa pag-unlad ng pilosopiyang Pilipino, isa sa pinakamagandang aspeto nito ay ang paglalapat ng mga kanluraning pilosopiya sa konteksto ng Pilipinas.”

Samantala, “The development of philosophy is founded on the culture of discourse,” wika ni Luis Anthony Warren ng San Beda College (SBC). Sa pag-usbong ng pilosopiyang Pilipino, malaki ang naiambag ng mga paaralan dahil sa mga institusyon na ito nabubuhay ang mainit na pakikipagtalastasan at malayang palitan ng karunungan.

Subalit hindi pa lubos naipipinta ang tunay na larawan ng Pilosopiyang Pilipino. Ayon kay Warren, mas makakabuti sa ating mga paaralan na palakasin ang mga “non-philosophy subjects” upang magsilbing gabay sa pagtuklas ng naturang pilosopiya. Kanyang iminungkahi na ang pagpapatibay ng edukasyon, ang malayang pag-usbong ng ating wika, ang kritikal na pag-aaral sa ating kasaysayan, at ang pagpapalakas ng mga araling panlipunan ay magsisilbing daan sa pagtuklas ng ating katutubong pilosopiya.

Globalisasyon

Sa ating bansa, malalabong konsepto ang demokrasya, kapitalismo at globalisasyon. Nasasalamin ito sa mga kilos-protesta ng mga makakaliwang aktibista.

Ayon kay Jeffrey Micianto ng SAS, mahina ang demokrasya ng ating bansa dahil sa mapanirang uri ng kapitalismo at ang panganib na dulot ng mapang-aping globalisasyon.

“Ang globalisasyon ay lalong nagsusulong sa kapitalismo…(kung saan) ang mga mamamayan ay (nabubuhay sa kagustuhan) ng mga dayuhan at lokal na naghaharing-uri (at) sistematikong sinusipil nito ang gobyerno na siyang gumagawa at nagpapatupad ng batas,” aniya.

READ
Always fashionable Farrales

Ayon kay Raphael Joseph Seares ng UST-Faculty of Philosophy, ang mga batas komersiyo natin ay hindi natutugunan ang makabagong kalakalan. Takot ang mga banyaga na mamuhunan sa bansa dahil sa napakahigpit nating mga labor laws at ang walang sawang welga ng mga makakaliwang unyon ng mga manggagawa.

Sa pananaw naman ni Amando Kenneth Romero III ng SBC, mahina ang demokrasya at kapitalismo sa ating bansa dahil hindi ito angkop sa katauhan ng Pilipino. Kanya ring hinimok ang matibay na ugnayan ng estado, ng “civil society” at ng pribadong sektor na magkapit-bisig upang matugunan ang panibagong hamon ng globalisasyon.

Sa pananaw naman ni Suzzane Pascua ng UST-AB Philosophy, hindi maganda ang naging pasok ng ating bansa sa mundo ng globalisasyon.

“The government, blinded by the lures of liberalization and profit, plunged into the global community without first considering the possible consequences it can yield into our economy,” wika niya.

Dagdag ni Romero, hindi na natin kayang takasan ang higop ng globalisasyon. Kung nais ng ating bansa na lumahok sa malawak na mundo nito, ang inaalala dapat ng gobyerno ay kung paano mapapagaan ang hirap ng mga mamamayan, sa pagpapalago ng mga industriya, matibay na hawak ng gobyerno sa mga negosyo, pagpapalakas ng sektor ng mga manggagawa, at pagtulong sa mga malilit na lokal na negosyante upang pantayan ang mga dayuhang korporasyon sa ating bansa.

Mga Hamon

Sa puntong ito, nararapat lamang na tugunan ng pilosopiyang Pilipino ang anumang tanong na ibabato sa kanya ng makabagong panahon. Sa mga nagsulputang teorya ng naturang pilosopiya, wala sa kanila ang tunay na nakapagbigay ng sapat na aksyon sa pagsusuri ng ating lipunan. Ito ang hamon ng ika-21 isang siglo.

Naniniwala si Juan Carlos Torres ng UST-Faculty of Philosophy na dalawa ang dapat harapin ng pilosopiyang Pilipino. Ito ay ang ating tunay na pagkakakilanlan at pagtahak sa mga proyekto ng kanluranin at silangang kaisipan.

“The question of identity…does not mean exclusivity,” diin ni Torres. “The identity of Filipino philosophy must be founded first before we can reach out to the world with this philosophy.”

Subalit, para kay Robern Allan Zorilla ng SBC, mas mainam na harapin ng pilosopiyang Pilipino ang mga kongkretong konsepto. Ayon sa kanya, nakakalamang ang ibang bansa dahil sa mabagal na pag-agos ng teknolohiya sa ating bansa, daan upang mahuli tayo sa mga kumakalat na kaisipan ng mundo. Idinagdag rin niya na kailangang palakasin ang edukasyon, ang sektor ng mga manggagawa, ang “women empowerment” at pagpapaigting ng agwat ng mga mayayaman at mahihirap. Ayon sa mag-aaral ng San Beda, kung matutugan ang lahat na ito, ang pilosopiyang Pilipino ay hindi na lamang isang pilosopiyang mapanuri kundi gumagabay na rin sa pagsugpo ng mga sakit ng ating lipunan.

READ
CSC to launch new projects

Sang-ayon naman si Xryn Morotez ng SAS sa pananaw na ito ng kanyang sinabi, “Tungkulin ng pilosopiya…na tulungan ang tao na masagot ng maayos at makabuluhan ang mga suliranin…ng buhay.”

Dagdag pa niya na sa pag-apak ng Pilosopiyang Pilipino sa bagong siglo, nararapat lamang na tugunan nito ang mga suliraning dulot ng epekto ng kolonyalismo, etnikong pagkakaiba at pambansang pagkakakilanlan, kahirapan, pulitika, simbahan at estado, at media.

Panibagong Hamon

Tinapos ng isang pagtitipon ang naturang Kongreso kung saan lahat ng mga nasaliksik na papel ay binalangkas at pinag-usapan. Sa kanyang talumpati, hinimok ni Demeterio, moderator ng nasabing kongreso, ang mga mag-aaral ng pilosopiya na manguna sa paghahanap ng sagot sa mga katanungang bumabagabag sa makabagong panahon.

Sinabi niya na matagal nang nakalugmok ang mag-aaral sa depektibong istruktura ng pilosopiya. At sa pamamagitan ng naturang kongreso, umaasa siyang magpapamulat ito sa mga mata ng mga mag-aaral upang tahakin ang tamang landas ng pamimilosopiya.

“Ngayon magkakaroon tayo ng pagkakataon na magiging kapwa-tagapaglikha ng landas na tatahakin ng Pilosopiyang Pilipino,” wika ni Demeterio

Isa si Demeterio sa mga masugid na mananaliksik sa larangan ng pilosopiyang Pilipino. Nakapag-ambag na siya ng mga sanaysay na tuwirang tumatalakay sa mga suliranin at katanungan ng naturang pilosopiya.

Ayon sa kanya, ang pilosopiyang Pilipino ay magiging tapat lamang sa kanyang pangalan kung mapapalaya nito ang kanyang sarili sa mga mapang-aping impluwensiya ng mga mananakop. “Paano…magiging mapagpalaya ang isang pilosopiyang hindi malaya?” tanong ni Prop. Demeterio.

Dahil ang ating kaisipan ay nabalutan ng “diskursong kolonyal,” mainam na palayain muna natin ang ating mga kamalayan bago natin ganap itong pausbungin at pagyamanin. Diin niya, pagkatapos sabihing ang pilosopiya ang tuluyang magpapalaya sa kumunoy na kinasasadlakan ngayon ng lahing Pilipino.

Ayon naman kay Carlo del Rosario, presidente ng UST-Faculty of Philosophy Student’s Forum, ang naturang Kongreso ay pasimula pa lamang sa isang proyekto na binabalak ng naturang organisasyon.

“Maganda ang participation at na-develop naman maigi ang mga topics,” wika niya. “This gave us the inspiration to continue ‘yung plinaplano naming 1st Philosophy Students Congress, to coincide with the University week, kung saan invited ang mga philosophy schools within NCR and regional seminaries outside Manila.”

Ang naturang kongreso ay nagbitiw ng mga panibagong katanungan na magsisilbing hamon sa mga mag-aaral ng pilosopiya. Ito rin sana, ayon kay Prop. Demeterio, ang magbigay ng inspirasyon sa mga guro at propesor na ang pilosopiya ay hindi lamang pagtuturo ng mga pilosopiya ng iba kundi pagsagot at pagharap na rin sa mga isyu at bagay na bumabagabag sa mundo. Hector Christian D. la Victoria

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.