ANG AGHAM at kababalaghan ay kadalasang hindi maipagsama. Ngunit sa panitikan, maaari itong mangyari. Kailangan lang sagutin ng mga manunulat at mambabasa ang isang tanong: “Paano kung?” Sa pagsagot sa tanong na ito nabubuo ang isang uri ng katha na tawag ay speculative fiction.
Ayon kay Victor Emmanuel Carmelo Nadera, direktor ng Institute for Creative Writing sa University of the Philippines, ang speculative fiction ay naiiba sa karaniwang anyo ng katha tulad ng science, fantasy, at horror fiction.
“Winawasak nito ang mga harang na nagbubukod sa iba’t-ibang uri ng katha,” ani Nadera. “Sa prosesong ito nabubuo ang speculative fiction.”
Ayon naman kay Ralph Semino Galan, propesor ng panitikan sa Faculty of Arts and Letters, walang pinagkaiba ang proseso ng paggawa ng isang speculative fiction sa ibang uri ng katha.
“Lahat naman ng klase ng katha, agham man o kababalaghan, ay nagsisimula sa pagmumuni sa mga bagay na lihis sa katotohanan,” ani Galan.
“Nagkakaiba lang sila sa pagpapalawak ng kuwento kung saan nakikilala sila sa mga kategoriya kagaya ng science fiction o fantasy fiction.”
Sa pagsusulat ng speculative fiction, ang manunulat ay tumatalakay sa mga kaisipang kakaiba o mga bagay na hindi puwedeng mangyari sa totoong buhay.
Ang mga tumatangkilik ng ganitong katha ay yoong mga gustong pinapaglaro ang isip nila at nagnanais lumagpas sa mga karaniwang bagay na pisikal na nadarama ng tao, ani Nadera.
Dagdag pa niya, sa ganitong uri ng katha nakaiimbento ang mga manunulat ng mga “diyos, bagong planeta o ng kahit ano pa mang bagay na puwedeng maisip ng manunulat sapagkat hamon sa kanila ang mapatunayang mayroong mga bagay na puwedeng maisip na hindi hango sa tunay na buhay.”
“Kung ikaw ay may malawak na kaisipan, puwede kang makalikha ng ibang kultura mula sa wala,” dagdag niya.
Ito ang nakikitang dahilan ni Galan kung bakit maraming nagbabasa ng katha ngayon.
“Sa kasalukuyan, marami ang nagbabasa ng katha dahil nagsisilbi itong isang uri ng pagtakas sa realidad,” aniya.
Ngunit ayon sa kanya problema pa rin ang pagbansag sa isang uri ng katha.
Mahilig daw kasi ang mga Pilipino na magbigay ng pangalan sa bagay na akala nila ay bago ngunit hindi pala. Maaari kasing ginagawa ng tao noon pa ang isang sining ngunit hindi niya ito namamalayan.
Kaya naman kahit ang pag-usbong ng terminong speculative fiction ay isang malaking kuwestiyon hanggang ngayon.
“Lahat naman ng katha tulad ng science, fantasy at horror fiction ay speculative fiction,” ani Galan. “Lahat ng mga likha ay humahantong sa pag-iisip sa kung ano’ng puwedeng mangyari sa tauhan sa kuwento.”
Sa panitikan dito sa Pilipinas, namamayagpag ang mga manunulat na tulad ni Douglas Candano na sikat sa kaniyang “Dreaming Valhala” na nagkamit ng ikalawang gantimpala sa Don Carlos Palanca Award for Literature noong 2007.Kuwento ito ni Ericsson Chua at ng kaniyang lupain sa Maynila na pinangalang Valhalla.
Nandiyan din si Joseph Nacino at ang kaniyang kuwentong “Brigada” na nagpapakita sa mga Pilipino ng kanilang gampanin sa mundo ng mitolohiya.
Kasama rin ang likha in Gabriella Lee na pinamagatang “Hunger” na naglalarawan sa buhay ng isang dalagang manananggal.
Hindi rin mawawala ang gawa ni Chiles Samaniego na pinamagatang “The Saint of Elsewhere,” isang kuwentong metapisiko na tumatampok sa bidang nakikipaglaban sa kaniyang nakaraan at naghahamok sa kaniyang kinabukasan.