DULOT ng taun-taong failure of elections sa Unibersidad, minsan nang isinulong ang pagbuwag sa Central Student Council ng UST.
Sa forum na “What went wrong… what should be done? Redefining the role of the CSC in the University” noong Hulyo 2000, iminungkahi ni Kathrina Rallanka, pangulo ng CSC noong 1999, ang “Oxford Model” sa pamumuno ng mga mag-aaral sa Unibersidad matapos ang sunud-sunod na failure of elections sa UST. Sa modelong ito, magtatalaga ang mga lokal na student council ng isang mataas na pamunuan na may mga kapangyarihang ehekutibo at lehislatibo. Sa pamamagitan daw nito ay magiging mas maayos umano ang representasyon ng mga estudyante sa UST.
Nag-ugat ang panukalang ito sa halos limang taong magkakasunod na failure of elections sa Unibersidad dahil sa mababang voter turnout. Nagsimula ito noong 1996 matapos hindi makakuha ng sapat na boto si Christian Maque ng College of Education para maging pangulo ng CSC. Dahil dito, isang special election ang isinagawa na nilahukan ng mga pangulo at pangalawang pangulo ng bawat lokal na student council kung saan nagwagi si Walter Jalgado ng Faculty of Medicine and Surgery.
Nang sumunod na taon, napilitang magsilbi si Jalgado ng isang “hold-over” na termino matapos muling maitala ang isang failure of elections.
Special elections din ang naging solusyon sa problema noong 1998 kung saan mahigit 40 porsyento lamang ng nakarehistrong estudyante ang bumoto. Ipinroklama si Patrick Sanchez ng College of Science, ngunit makalipas ang dalawang linggo ay nagbitiw din siya sa puwesto.
Dahil sa sunod-sunod na mga bigong halalan, sinuspinde ng UST Central Commission on Elections (Comelec) noong 1999 ang probisyon sa saligang-batas ng CSC na “50 percent plus one majority” dapat ang kabuuan ng voter turnout para makapagdeklara ng panalo sa eleksyon. Ipinroklama naman ang noo’y ingat-yaman ng CSC na si Rallanka bilang pangulo.
Muli na namang nabakante ang CSC noong 2000 nang magtalang muli ng mababang voter turnout. Isang “interim CSC body” na binubuo ng mga pangulo ng lokal na student council ang itinatag.
Lumala ang problema sa CSC nang ipatigil ng Manila Regional Trial Court (RTC) noong Pebrero 2001 ang pagdiskwalipika ng Central Comelec sa dalawang pangunahing pambato ng Alyansa ng Kristiyanong Lakas (AKLAS) sa bisa ng isang temporary restraining order. Dahil dito, naantala ang eleksyon sa taong iyon.
Nagsampa naman ng kasong sibil ang AKLAS sa Manila RTC Branch 45 na hindi naglaon ay iniurong din.
Tomasino siya
Katangi-tangi ang mga naging kontribusyon sa simbahan at medisina ng namayapang si Dr. Gregorio Moral, Jr.
Tubong Naic, Cavite, nagtapos si Moral ng Medisina at naging manunulat ng balita ng Varsitarian habang nag-aaral sa UST. Naglingkod siya bilang medical director ng noo’y Santo Tomas University Hospital (STUH) sa loob ng anim na taon at bilang assistant dean for hospital affairs at tagapamuno ng Department of Medicine sa UST mula 1987 hanggang 1993.
Naging miyembro rin siya ng lupon ng Philippine Charity Sweepstakes Office at ng board of regents ng Philippine College of Physicians. Naging kalihim at tagapamuno rin siya ng Philippine Specialty Board of Internal Medicine.
Dagdag pa rito ang mga parangal na natanggap niya, kabilang na ang Outstanding Medical Doctor Award, the Thomasian Outstanding Medical Award noong 1984, at Distinguished Teacher Award noong 1987. Pinili rin siya bilang Most Outstanding Catholic Physician ng Catholic Physicians Guild of the Philippines noong 1999 at 2000.
Taong 1991 nang parangalan si Moral ng Santo Papa ng Pro Ecclesia at Pontifice para sa kaniyang kontribusyon sa matagumpay na Vatican Exposition at taon ng Jubilee.
Isa ring premyadong manunulat si Moral. Nagtamo siya ng Palanca para sa kanyang mga dulang May Iba Pang Daigdig at Nakalipad ang Ibon at nakamit din niya ang ikatlong gantimpala sa Centennial Literary Award noong 1998 para sa zarzuelang Si Rizal, Ang Maestro, Ang Mangingibig, Ang Bayani.
Pumanaw si Moral noong Disyembre 29, 2000 sa edad na 74 dahil sa terminal prostatic cancer. Inilagak ang kanyang mga labi sa simbahan ng Santisimo Rosario bago ito inilibing sa Naic, Cavite. Ma. Karla Lenina Comanda at may ulat mula kay Mark Andrew S. Francisco
Tomasalitaan:
Lí-ngaw (png) – sigaw; hiyaw; palahaw
Halimbawa: Napalingaw siya nang malaman niyang nasagasaan ng pison ang alaga niyang aso.
Mga sanggunian:
The Varsitarian, Tomo LXX, Blg. 5, Setyembre 12, 1998
The Varsitarian, Tomo LXXI, Blg. 12, Abril 25, 2000
The Varsitarian, Tomo LXXII, Blg. 3, Agosto 7, 2000
The Varsitarian, Tomo LXXII, Blg. 8, Enero 10, 2001
The Varsitarian, Tomo LXXII, Blg. 9, Marso 3, 2001