NANG marinig ng Tomasinong si Marvin Nicole Leabres, nasa ikalawang taon sa kursong Behavioral Science, ang kantang “Lawlaw,” Tagalog na bersiyon ng sikat na kantang “Low” ni Flo Rida, sa radyo, isang salita lamang ang naisip niya: “Corny.”
“Parang sinira nila ang kanta at hindi pa maganda ang pagkakasalin (dahil) hindi bagay na i-translate iyon sa Tagalog,” ani Leabres.
Ang “Lawlaw” ay isa lamang sa mga kantang kabilang sa album na Hip-Rap ng Warner Music Philippines, na kalipunan ng ilang mga sikat na awitin sa Ingles na isina-Tagalog.
Tulad ni Leabres, marami ang nagpahayag ng kanilang pagkadismaya nang malaman ang nauusong pagsasalin ng mga sikat na banyagang kanta sa Tagalog. Bukod sa kantang “Low” ni Flo Rida, ilan pa sa mga kantang binigyang bersiyon sa Tagalog sa nasabing album ay ang “Umbrella” at “Please Don’t Stop the Music” ni Rihanna na siya namang naging “Payong,” at “’Wag mong Pipigilan.”
Matapos mamayagpag sa radyo ang mga kantang ito, nagsunud-sunod na ang pagpapatugtog ng iba pang kantang isina-Tagalog tulad ng “Binibining Ganda” (mula sa “Beautiful Girls” ni Sean Kingston), “Lampa” (“Clumsy” ni Fergie), “Sugat sa Puso” (“Bleeding Love” ni Leona Lewis) at “Sa’yo” (“With You” ni Chris Brown).
Ngunit umani man ng puna ang mga ganitong uri ng awitin, hindi maikakailang nakapasok na ito sa industriya ng musika.
Ayon kay Marina Gamo, isang sosyologo mula sa Faculty of Arts and Letters, dahil sa ito’y madalas mapakinggan sa radyo at telebisyon, tinatangkilik ng publiko ang mga isinaling kanta sa Tagalog.
Gayunpaman, hindi na bago sa mga Pilipino ang gawi ng pagsasalin ng mga banyagang kanta sa Tagalog. Sa artikulong “Foreign Original Soundtracks turned Pilipino” sa www.pep.ph, tinukoy ang ilan sa mga sumikat na awiting Pilipino na isinalin mula sa awiting banyaga. Isa sa mga ito ang “Hindi ako si Darna” ni Janine Desiderio na mula sa “Superwoman” ni Karyn White.
“Noong una pa lang, mayroon nang (isinasalin na kanta sa Tagalog) pero hindi lang ganoon kasikat,” ani Papa Dudot, isang disc jockey sa istasyong LS FM sa isang interbyu sa programang Mel & Joey. “Ang ginagawa kasi (ngayon), isinasabay mo sa kasikatan ng (orihinal na) kanta iyong mga itina-translate sa Tagalog.”
Bukod sa kasikatan ng orihinal na awitin, isang pang kadahilanan kung bakit nauuso ang pag-sasalin ng mga awiting banyaga sa Tagalog ay ang banyagang mangaawit ng kanta.
Ani Gamo, kung sikat ang banyagang mang-aawit, tiyak na malakas ang magiging “hatak” ng kanyang mga awitin sa masa, lalo pa’t kung ito ay isinalin sa sariling wika ng mga Pilipino, dahil mas nagkakaroon ito ng temang Pilipino na tatangkilikin ng mas malaking bahagi ng populasyon.
“(Gayunpaman), maaaring masalamin dito ang kawalan ng creativity ng (mga) Pilipino at masasabing sila ay great imitator o mangagaya,” ani Gamo.
Unang depensa
Para naman kay Eros Atalia, propesor ng Filipino sa Faculty of Arts and Letters, ang nauusong pagsasalin sa Tagalog ng mga kantang orihinal na kinatha sa Ingles ay maituturing na “counter-culture” o ang pagkontra sa banyagang kulturang pumapasok sa sariling bansa.
Ngunit sinabi rin niyang hindi lamang ito maituturing na “counter-culture” kundi isang pag-uugali ng mga bansa na madalas maimpluwensiyahan ng makadayuhang kultura.
“Ang unang depensa ng ating kultura ay protektahan ang kanyang sarili mula sa dayuhang konsepto, kultura at pamumuhay,” ani Atalia.
Sa akdang “Filipinolohiya: Tungo sa Pagbuo ng Disiplinang Filipino sa Panahon ng Globalisasyon” (2003) ni Pamela Constantino ng Unibersidad ng Pilipinas, ang ganitong kaugalian ay sumasalamin sa kakayahan ng bawat bansa sa mundo na sumabay sa globalisasyon nang hindi isinasakripisyo ang kanilang identidad.
Sa ganitong pamamaraan, inaangkop ng naiimpluwensiyahang kultura sa kanyang sariling panlasa ang makadayuhang kultura.
“Kapag ang isang kultura ay napakalakas kaysa sa atin (at) hindi natin masabayan, kinukuha natin ito at inaangkop sa ating sarili na magtutugma sa ating pangangailangan,” ani Atalia.
Inihalintulad ni Michael Coroza, propesor ng Filipino sa Ateneo de Manila University at dating patnugot ng Filipino ng Varsitarian, sa telenobelang nagmula sa Mexico, Japan at Korea ang pag-aangkop ng makadayuhang kultura sa sariling atin. Aniya, maaari namang isalin sa Ingles o kaya naman ay lagyan ng Ingles na subtitle ang mga telenobela subalit pinili ng mga television network na isalin ito sa Filipino.
“Ang nangyayari sa telenobela…na isinalin sa Filipino at nagiging hit sa tao…ay isang paraan upang ang mga nagmumula sa ibang panig ng mundo ay nakapapasok sa kamalayan ng mga Pilipino,” ani Coroza sa kanyang lektyur sa pagsulat sa Filipino na idinaos sa ikalawang araw ng Inkblots: 10th UST National Campus Journalism Fellowship noong ika-21 ng Oktubre sa Thomas Aquinas Research Complex Auditorium.
Dagdag pa ni Coroza, ang pagsasalin sa Filipino ng mga makadayuhang kultura ay nagiging daan upang matutunan ng ordinaryong Pilipino ang mga karunungan ng ibang bansa. Aniya, upang maangkin ang kulturang dayuhan, ito’y dapat maisalin sa wikang naiintindihan ng nakararami.
Kawalan nga ba ng orihinalidad?
Kolonisasyon, ayon kay Gamo, ang maituturing na ugat ng pagkahilig ng mga Pilipino sa mga awiting banyaga.
Aniya, kasabay ng pagtatayo ng matatag na ekonomiya at pamahalaan sa bansa ay ang pagpapagawa ng mga paaralan na ang itinuro ay ang pagtangkilik sa Kanluraning kultura.
“Ang edukasyong nakabatay sa kulturang dayuhan ang nagmanipula sa kaisipang Pilipino na may kiling sa sistemang dayuhan,” ani Gamo.
Dagdag pa niya, dito rin nagmula ang “kawalang kalayaan ng mga Pilipino upang bumuo ng konseptong sariling atin” dahil sa ang mga kantang sumisikat ay sa banyaga.
“Ang industriya ng musika ay may oryentasyong makadayuhan,” ani Gamo. “Kung ito ay ugaling mapanlikha wala nang iba pang gagawin ang mga Filipino kundi mangopya.”
Kung gayon, aniya, maituturing umano ang pagsasaling ito na kawalan ng orihinalidad.
“Sa isang banda, maituturing itong negatibo kasi hindi natin maipaibabaw ang (sariling) atin,” ani Atalia.
Subalit “wala namang orihinal sa mundo” ani Atalia, dahil ang bawat kultura ay nakakaimpluwensiya sa isa’t isa.
Para kay Atalia, ipinapakita lamang ng pagsasalin ng mga dayuhang kanta sa Tagalog ang katangian ng mga Pilipino na mahusay makisalamuha at makibagay sa anumang kultura.