ALAM n’yo bang bago pa man sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay marami nang samahan ng mga mag-aaral sa Unibersidad?
Itinatag ang kauna-unahang samahan ng mga mag-aaral na tinawag na Santo Tomas Students Association, na binubuo ng dalawang kinatawan sa bawat kolehiyo. Ang asosasyon ay naglalayong pag-ibayuhin ang mabubuting gawain at paunlarin ang pisikal, sikolohikal, at moral na aspekto ng mga mag-aaral.
Taong 1928 naman nang itatag ang Alpha Sigma Tau, ang unang fraternity sa Unibersidad na may layuning pagtibayin ang kapatiran at mabuting samahan ng mga kalalakihang Tomasino. Hindi naman nagpahuli ang mga kababaihan, dahil matapos ang isang taon ay itinatag ang Epsilon Kappa Phi, ang unang sorority sa UST.
Ilan pa sa mga samahan ng mga mag-aaral sa Unibersidad ay ang Theological Society, Medical Society, Pharmaceutical Society at Civil Engineering Society. Kasabay ng mga ito ay ang UST Law School Debating Society, na naghahasa sa mga mag-aaral sa pagkamanananggol sa pamamagitan ng mga criminal case practice court trial. Naroon din ang UST Athletic Society na kinabibilangan ng mga magagaling na manlalaro ng football, baseball, basketball at tennis. Habang ang Alpha Kappa Tau at Aquatic Club ay para naman sa mga Tomasinong magagaling lumangoy. Phi Mu Kappa naman ang samahan ng mga mag-aaral na mahusay sa larangan ng pisika at matematika.
Sa kasalukuyan ay mayroong 31 samahan ng mga mag-aaral na kinikilala ng Unibersidad.
Tomasino siya
Bagaman hindi pumasa sa audisyon ng glee club noong siya’y nasa mataas na paaralan, pinatunayan ng Tomasinong si Joan Cano na ang minsang pagkabigo ay hindi sapat na dahilan upang sumuko.
Nagtapos ng kursong Bachelor of Music in Voice at naging guro sa Extension Class Program ng Conservatory of Music, nakilala hindi lamang sa Pilipinas si Cano kung saan naging bahagi siya ng mga concert tour ng UST Singers mula 1995 hanggang 2002.
Nagkamit si Cano ng Honorable Mention sa Category C in Voice sa National Competition for Young Artists noong 1999. Ilang beses din siyang naanyayahang umawit sa Singapore habang nag-aaral pa siya sa Unibersidad.
Taong 2001 nang imbitahan siya bilang guest soprano ng Philharmonic Chorus Singapore sa pangunguna ni Maestro Lim Yau sa produksiyong Laude! ng Italyanong si Ottorino Respighi, isang kilalang kompositor, musicologist, at konduktor. Sa parehong taon ding ito ay naging bahagi siya ng koro ng Singapore Lyric Opera Company.
Bukod pa rito ay napagtagumpayan din ng Tomasinong mang-aawit na ito ang ilan sa mga prestihiyosong paligsahan sa pag-awit tulad ng Dr. Marjorie Peatee Art Song Competition at National Association of Teachers of Singing Buckeye Chapter Competition. Nagkaroon din siya ng pagkakataong umawit sa mga lokal na opera tulad ng Ginintuang Moreno at Gilas! A Celebration of Filipino Opera sa Cultural Center of the Philippines noong 2004.
Bagaman maituturing nang matagumpay si Cano sa kaniyang karera, patuloy pa rin siyang gumagawa ng mga hakbang upang mapaghusay pa ang kaniyang pag-awit. Patunay na rito ang pagkaroroon niya ng master’s degree sa vocal performance mula sa Bowling Green State University Ohio noong 2007.
Tomasalitaan:
bihíd (pnr)–hindi pantay; hindi makatarungan
Halimbawa: Dama ni Lita ang bihíd na pagtingin ng kaniyang ina sa kanilang magkakapatid sapagkat madalas nitong pinapaboran ang kaniyang ate.
Mga Sanggunian:
The Varsitarian: Tomo 63 Blg. 5, ika-5 ng Nobyembre, 1991
The Varsitarian Break time Magazine: Tomo 3 Blg. 1, Abril 2005
http://www.ust.edu.ph/index.php/component/content/article/247.html
http://musicartsevents.com/artists.html