TILA isang lumang bahay lamang kung papansinin ang gusaling nakatayo sa kanto ng Taft at Escobal sa Maynila. Ngunit sa kabila ng makalumang imahe nito, nagbibigay ito ng panibagong pag-asa sa mga kabataang nakaranas ng malupit na kahapon.
Sa loob ng dalawampu’t isang taon, nagbibigay serbisyo sa mga batang lansangan ang Pangarap Foundation. Sa pamamagitan ng kanilang kanlungan, binibigyan nila ng libreng pagkain, edukasyon, at matutuluyan ang mga batang nakaranas ng mga pang-aabuso, adiksyon, at pag-abandona mula sa kani-kanilang mga pamilya.
Sa tulong ng kongregasyon ng Sons of Mary, Ina-anak Inc., at Ladies of Charity, napagkaisahan nilang bumuo ng isang organisasyong mangangalaga sa mga batang lansangan. Noong 1989, itinayo nila ang Pangarap Foundation.
Ang lahat ng ito ay dahil sa pamumuno ng isang Tomasinong doktor na si Bro. Francisco Tanega, F.M.S.I., ang tumatayong direktor ng foundation.
Batang doktor
Mula sa bayan ng Naic, Cavite, si Tanega ang bunsong anak na lalaki sa anim na magkakapatid. Aniya, malaki ang naging impluwensiya ng kaniyang pamilya sa paghubog ng kaniyang pananaw sa pagtulong sa kapwa.
“Naging bukas ang aking pamilya sa maraming bagay. Tinatanggap namin ng maluwag sa aming loob ang pagtulong sa mga matatanda at may mga kapansanan,” ani Tanega.
Nag-aral siya ng elementary at high school sa Naic at pagkatapos, pumunta siya sa Maynila upang mag-aral ng pre-medicine course sa Colegio de San Juan de Letran.
Pumasok siya sa Unibersidad ng Santo Tomas at nagpakadalubhasa sa Family Medicine and Public Health noong siya ay 15 taong gulang. Sa edad na 20, nakapasa siya sa board exam.
Ani Tanega, ang acceleration na ipinagkaloob sa kaniya matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig ang dahilan kung bakit nakapag-aral siya ng medisina sa edad na 15. Dahil sa kaniyang kaibahan sa mga kamag-aral, nakaranas siya ng ilang panunukso mula sa kanila, ngunit sa kabila nito, naging normal parin ang kanyang karanasan sa pag-aaral.
“Wala naman [akong kakaibang mga karanasan noong ako ay nag-aaral pa]. Mga kaunting panunukso lamang [mula sa mga kaklase],” ani Tanega.
Matapos mag-aral sa Pilipinas, nagpunta siya sa San Marcos University sa Lima upang kumuha ng pagsusulit na siyang nagpatunay sa kaniyang pagiging doktor. Sumunod dito, nag-aral siya sa Harvard University para makakuha ng masteral degree sa Public Health. Tumungo din siya sa New Jersey upang kunin ang kaniyang post-graduate training.
Bilang tugon sa bokasyong matagal niya nang nais itaguyod, sumapi siya sa kongregasyon ng Sons of Mary, Health of the Sick sa edad na 22. Dahil sa samahang ito, unti-unting natupad ni Tanega ang kanyang kagustuhang mabigyan ng pagkakataon ang mga batang lansangan na matupad ang kanilang mga nasirang pangarap.
“Bata pa ako [nang simula kong maramdaman ang pagnanais na magbigay serbisyo], ngunit yung bokasyon na maging isang religious brother, nagsimula ito nang ako ay pumasok sa Letran at UST,” aniya.
Ang mga batang kinukupkop sa Pangarap Foundation ay mga batang lansangan, out-of-school youth, at mga anak ng mga Overseas Filipino Workers.
“Ang mga batang lansangan ang pinaka-nangangailangan ng tulong at sila din ang pinaka-naaabuso sa lipunan,” ani Tanega.
Ayon sa kaniya, ang mga batang nasa pangangalaga ng foundation ay mula sa mga inirekomenda ng Kagarawan ng Kagalingang Panlipunan at Pagpapaunlad (DSWD), at mga nakikitang batang lansangan ng kanilang mga street educators. Tumatanggap din sila ng walk-ins na nakikikain at nagpapalipas ng ilang gabi sa kanilang tahanan.
“Bilang miyembro ng Sons of Mary, Health of the Sick, nagbibigay-serbisyo kami sa iba’t-ibang lugar ng mundo upang matulungan ang mga mahihirap,” aniya.
Ilan sa mga tulong na ipinagkakaloob nila ay ang street education program, night shelter, residential shelter, at community outreach program.
Tinuturuan din nila ng iba’t-ibang gawaing pagkakakitaan ang mga bata gaya ng paggawa ng kandila, rosary, at pagpipinta upang makalikom sila ng pera para sa kanilang mga gastusin.
Kaso ng pang-aabuso
Sa mahigit dalawang dekada ng pagtulong, maraming kaso ng pang-aabuso ang nalaman ni Tanega. Karamihan sa mga ito ay biktima ng paggamit ng bawal na gamot, illegal recruitment, at pagkakakulong.
Ngunit sa mga kasong ito, bukod-tangi sa alala ni Tanega ang kwento ng isang batang lalaki na kanilang natulungan mula sa pang-aabuso ng sarili nitong mga magulang.
Ayon sa kaniya, nagtitinda ang bata ng mga rosas sa Makati Avenue. Ang mga magulang nito ay nasa impluwensya ng bawal na gamot, at umaasa lamang sa perang kinikita ng anak. Kapag walang perang maibigay ang bata, ibinibitin siya ng patiwarik at pinapalo ng dos-por-dos ng kaniyang mga magulang. Bukod pa rito, ginagamit siya bilang pusher kaya siya lumayas at nagpunta sa Pangarap Foundation.
“Ang mga batang ito ang sumasalamin sa kasalukuyang estado ng ating lipunan. Kung sila ang kinabukasan ng bayan, kawawa lamang tayo kung hindi sila matutulungan. Hindi lamang sila ang ating kinabukasan ngunit sila rin ang ating kasalukuyan,” ani Tanega.