BILANG tugon sa pangangailangan ng lipunan sa mga matapat at maka-Kristiyanong paraan ng pamamahayag, itinatag noong 1969 ang kauna-unahang lupon ng mga mamamahayag sa Unibersidad.

Tinawag na Thomasian Press Association (TPA) ang naturang samahan, na pinamunuan ng noo’y punong patnugot ng Varsitarian na si Hernando Gonzalez II. Siya rin ang nagsilbing tagapangulo sa kauna-unahang pagpupulong ng TPA noong ika-14 ng Disyembre, 1969 upang aprubahan ang kontitusyong magsisilbing gabay ng mga kasapi nito.

Ilan sa mga layunin ng samahan ay ang protektahan ang mga student journalist, paigtingin ang kaalaman ng mga ito, at magkaroon ng malayang palitan ng ideya at opinyon ang mga kasapi mula sa iba’t ibang pampaaralang publikasyon.

Mayroong dalawang uri ng pagsapi sa TPA—ang regular membership, na kinabibilangan ng mga lehitimong staff mula sa iba’t ibang publication sa mga kolehiyo sa Unibersidad, at ang associate membership, na kinabibilangan ng mga alumni at mga mag-aaral.

Isang beses sa isang taon kung magtipun-tipon ang mga kasapi ng samahan para sa University Press Congress. Gayon pa man, kung walang pagpupulong ay kinakailangan magtipon ng mga miyembro ng Executive Council tatlong beses sa isang buwan.

Tomasino siya

Alam n’yo ba na isang Tomasino ang nasa likod ng sikat na komiks na Pugad Baboy?

Si Apolonio Medina Jr., o mas kilala bilang Pol Medina ay nagtapos ng Architecture sa Unibersidad noong 1983.

Tubong Bulacan, dalawang taong gulang pa lamang si Medina ay nakakitaan na siya ng husay sa pagguhit. Nagtrabaho siya sa Atlantic Golf and Pacific, na isang construction firm, ngunit matapos lamang ang ilang buwan, tumungo siya sa Iraq upang mamasukan bilang contract worker sa TechniPetrol Corporation.

READ
Medicine, OT, Architecture top exams

Taong 1988 nang bumalik si Medina sa bansa at nagsimulang magtrabaho bilang cartoonist para sa Philippine Daily Inquirer.

Ang Pugad Baboy, na isa ring tunay na lugar sa Bulacan, ay sumasalamin sa lipunang Filipino. Binubuo ang komiks ng mga tipikal na karakter na Filipino mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Inilalabas ni Medina ang kaniyang mga puna at komentaryo sa pamamagitan ng karakter na si Polgas.

Higit na sumikat ang naturang komiks matapos ipalabas sa GMA 7 noong 1993 ang isang live action TV show base rito na pinamagatang “Pugad Baboy sa TV”. Pinagbidahan ito nina Edgar Mortiz at Giselle Sanchez.

Sa ngayon, mayroong 20 libro ng Pugad Baboy at ang Ink and Politics series, isang kalipunan ng mga editorial cartoon ni Medina. Nakapaglathala rin siya ng isang magasin na pinamagatang Polgas Comics, na naglalaman ng kaniyang mga komiks at iba pa. may ulat mula kay Patricia Isabela B. Evangelista

Tomasalitaan:

Hiwág (pnr) – tiwalág; hindi na kasapi

Halimbawa: Ikinagulat ng lahat ang balitang hiwág na sa samahan si Alex dahil magtutungo na siya sa ibang bansa upang doon mag-aral.

Mga sanggunian:

The Varsitarian: Tomo 41, Blg. 29, ika-17 ng Disyembre, 1969

The Varsitarian: Breaktime. Tomo 5, Hunyo 2007

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.