IPAGBABAWAL na ang pagpapatalastas ng mga formulated infant milk.
Tuloy na tuloy na ang prohibisyon laban sa pagpapatalasatas ng mga breastmilk substitutes, breastmilk supplements, infant formulas, at mga katulad na produkto matapos magkabisa ang Administrative Order 2006-0012, mas kilala bilang “Milk Code,” ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH) noong Agosto 5, para pangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng mga sanggol.
Ayon kay Dr. Buena Fe Apepe, Ob-gyne ng UST Health Service, hindi na gaanong ginagawa ng mga nanay ang pagpapasuso dahil sa mga patalastas na ito.
“Katulad ng mga brain enhancers, nahihimok ang mga nanay na gamitin iyong produkto. Pero mas maganda pa rin ang natural na gatas ng ina,” ani Apepe.
Isinulong ng kautusan ang pagpapasuso ng ina sa kanilang mga sanggol hanggang sa ikaanim na buwan, at ang hindi pagpapainom ng ibang likido sa bata sa loob ng panahong iyon.
Itinigil din ng Korte Suprema ang pag-iisyu ng restraining order laban sa pagpapatupad ng kautusang ito, na nililimitahan ang paggamit ng mga produktong pumapalit sa natural na pagpapasuso ng ina.
Ayon sa DOH, maaari lamang simulan ang pagpapainom ng piling milk substitutes makalipas ang anim na buwang pagpapasuso, ngunit kinakailangan pa rin ang madalas na pagpapasuso ng ina. Kung kulang o may problema ang gatas ng ina, mas mainam umano na humanap ng ibang magpapasuso. Pati umano natural at malinis na gatas ng baka o kalabaw, mas mainam kaysa infant formulas.
Paliwanag ni Apepe, pagkatapos ng anim na buwan, kaunti na lang ang gatas ng mga nanay kaya kailangan na ng panghalili upang patuloy na lumusog ang bata. “Maliban dito, maguumpisa na rin dapat kumain ng ilang food supplements ang sanggol,” dagdag pa niya.
Sa pagpapatupad ng batas na ito, pagbabawalan na ang pagpapalabas ng impormasyon tungkol sa mga tinitimplang gatas pangsanggol na maaaring sumapaw sa kahalagahan ng pagpapasuso ng ina. Nakasaad sa kautusan na labis na nabibigyang-pansin ang mga breastmilk substitutes kaya lumalabas na hindi sapat ang naihahatid na nutrisyon ng gatas ng mga ina.
Sa aksyong ito ng DOH, maraming nagpetisyon laban sa batas dahil mapipigilan ang pagpapalaganap ng impormasyon tungkol sa nutritional claims ng mga produktong ito, maging ang mga bagong pag-aaral sa mga ito. Kabilang sa mga umapela ang malalaking kumpanya ng mga gatas pangsanggol tulad ng Abbott Laboratories, Wyeth Philippines, Mead Johnson at Mercury Drug.
Sa isang artikulong lumabas sa Philippine Daily Inquirer, sinabi ng kumatawan sa mga kumpanyang nagpetisyon na galing daw sa maling paniniwala ang regulasyon ng DOH tungkol sa pagpapatalastas ng mga panghaliling gatas. Ipinalalabas daw ng DOH na masama sa kalusugan ng sanggol ang mga gatas na tinitinda nila, at tanging gatas galing sa mga ina lamang ang paraan para matustusan ang pangangailangang pangnutrisyon ng mga sanggol.
Magkakaroon na rin ng mga babala sa kalusugan ng mga sanggol ang bawat lalagyan ng mga produktong ito, tulad ng “important notice” o “government warning” na susundan ng ilang pahayag sa kahalagahan ng pagpapasuso ng ina at sa tamang panahon kung kailan lamang maaaring gamitin ang produkto. Laurence John R. Morales