HINDI umano solusyon ang pagtanggal sa asignaturang Mother Tongue sa lumalalang problema ng edukasyon sa bansa, giit ng isang grupong nagtataguyod ng wikang pambansa sa hayskul at kolehiyo.
Ayon kay Jonathan Geronimo, guro sa Filipino sa UST Senior High School at miyembro ng Alyansa ng mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino o Tanggol Wika, masyadong nakaasa sa wikang Ingles ang kurikulum kaya’t hindi umuusad ang sistema ng edukasyon sa bansa.
“Bumabagsak tayo sa mga pagsusulit dahil nanatiling atrasado ang patakarang pang-wika sa Filipinas. Patuloy ang pananalig natin sa Ingles kaysa sa [ating] wika kung saan makakaunawa at matututo ang bata,” wika niya sa Varsitarian.
Tinanggal ang Mother Tongue sa bagong “Matatag Kurikulum,” produkto ng dalawang taong rebisyon ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) na nagsimula sa panahon ni Leonor Briones para lutasin ang ilan sa mga suliraning hinaharap ng sistema ng edukasyon.
Bunga ito ng resulta ng 2018 Programme for International Student Assessment kung saan bagsak ang mga Filipinong mag-aaral edad 15 taong gulang sa reading comprehension at ikalawang pinakamababa sa agham at sipnayan mula sa 79 na bansa.
Limang functional skills na lamang ang isinama sa kurikulum para sa mga mag-aaral mula una hanggang ikatlong baitang upang mabawasan ang labis na learning competencies. Kabilang sa bagong kurikulum ang literacy, numeracy, at socio-emotional skills.
Mahahasa din umano ang pag-uugali at kaalaman sa modernong panahon sa pamamagitan ng Good Manners and Right Conduct at 21st Century Skills.
“DepEd’s track remains to be fundamentally illuminated by the wisdom of our slogan ‘MATATAG: Bansang Makabata, Batang Makabansa,’ meaning DepEd’s programs and reforms are intentionally tailored to produce competent, job-ready, active, responsible and patriotic citizens,” wika ni Bise Presidente Sara Duterte, na siyang tumatayong kalihim ng DepEd.
(Ang tinatahak na direksyon ng DepEd ay ginagabayan ng aming slogan na ‘MATATAG: Bansang Makabata, Batang Makabansa’ na tumutukoy sa mga programa ng kagawaran na layong magbunga ng mga mamamayang may kakayahan, handa na magtrabaho, aktibo, responsable, at makabayan.)
Pero para kay Geronimo, hindi uubra ang simpleng pagbabawas.
“Kailangang maunawaan na hindi lamang simpleng pagbabawas ang kailangang gawin, mahalagang unawain din ang konteksto ng estudyante, sitwasyon ng guro at iyong mismong sistema ng ating mga paaralan sa bansa bilang salik sa pagkatuto ng bata,” wika niya.
Hangad ng Tanggol Wika ang isang kurikulum na “socially relevant” na gigising umano sa kamalayan ng mga mag-aaral.
“Socially relevant kung ang kurikulum ay malay sa mga isyu, kalagayan at pangangailangan ng lipunang Filipino. Hindi sa dikta lang ng mga pandaigdigang pagsusulit kundi nakalapat sa pang-araw-araw na realidad ng batang Filipino,” suhestiyon ni Geronimo.
Giit niya, hindi sila tutol sa pagsasaayos ng kurikulum ngunit dapat umanong mas marami eksperto at sektor ang isinama sa mga konsultasyon.
Dagdag ni Geronimo, mas maaayos daw ang sistema ng edukasyon sa bansa kung uunahin ng pamahalaan na taasan ang sahod ng mga guro, magtayo pa ng mga klasrum at maglaan ng pondo para sa dekalidad na learning materials.
Taong 2014 naitatag ang Tanggol Wika, na binubuo ng mahigit 500 delegado mula sa 40 paaralan at organisasyong layong itaguyod ang wikang Filipino sa lahat ng antas ng edukasyon. Isa sa mga convenor nito ay ang yumaong Bienvenido Lumbera, Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan.
Ipapatupad ang “Matatag Kurikulum” sa mga mag-aaral mula kindergarten, una, ika-apat at ika-pitong baitang sa susunod na taong akademiko.