ISANG mag–aaral ng Pharmacy sa UST ang nasawi sa nasunog na Manor Hotel sa Kamias Road, Quezon City noong Agosto 18.
Kasamang nasawi ni Kristina Agustin, 17, ang kanyang ama’t ina na sina Renato at Elizabeth.
Tubong Santiago City, Isabela, nasa ikalawang antas sa Faculty of Pharmacy si Kristina na tumutuloy sa Santa Catalina Residence sa A.H. Lacson St., Sampaloc. Pangatlo siya sa apat na magkakapatid.
Miyembro ng Jesus Is Lord (JIL) Movement ang kanyang pamilya. Kasama niya na tumuloy ang kanyang mga magulang sa Manor Hotel noong Agosto 17. Nagmula pa sa Isabela ang kanyang mga magulang na nakatakdang dumalo noon sa “Dawn Flower Destiny Conference,” isang Christian Crusade na pinamamahalaan ng Don Clowers Ministries ng Texas, Estados Unidos.
Isinasaad sa death certificate ng pamilya Agustin na nasawi sila dahil sa asphyxia by suffocation at hindi dahil sa sunog sa katawan. Ang iron bars sa bintana at balkonahe ng hotel ang nagsilbing hadlang sa mga biktima upang hindi sila agad makatakas sa malagim na trahedya.
Dakong alas–kuwatro ng madaling araw nang magsimula ang sunog na tumagal ng mahigit sa dalawang oras. Hindi pa rin matukoy ng mga awtoridad ang naging dahilan ng sunog subalit pinaniniwalaan na nagsimula ito sa isang short circuit.
Miyemro ng JIL ang karamihan sa mga biktimang nasawi dahil sa suffocation at smoke inhalation.
Ayon kay Aisa Mari Dimayacyac, isa sa mga kamag–aral at matalik na kaibigan ni Kristina, matalino ngunit tahimik lamang sa klase si Kristina.
Hindi niya inaasahan ang maagang pagkasawi ng kanyang matalik na kaibigan sapagkat kasama pa niya ito sa isang ensayo sa UST noong Biyernes ng hapon, bago maganap ang insidente.
Naaalala pa ni Dimayacyac na noong nag–eensayo sila sa UST Colayco Park, tanging kay Kristina lamang siya nakatitig nang matagal habang sinasabi sa sariling maganda at simple lamang ang kanyang kaibigan. Hindi niya alam na iyon na pala ang huling pagkakataon na makikita niya si Kristina.
Isang misa ang ginanap sa UST Chapel noong Agosto 23 para sa mga kaluluwa ng pamilya Agustin.