MULA nang nadiskubre ang gamot, lubos na itong nakatulong sa tao na kalabanin ang iba’t-ibang sakit.
Subalit sa paglaganap ng mga peke o counterfeit na gamot, imbes na mapaginhawa ang taong maysakit na umiinom nito, kabaligtaran ang nangyayari. Lalo pang lumalala ang kanyang kalagayan o kung mas grabe pa ang epekto ng pekeng gamot, maari pang mamatay ang umiinom nito.
Base sa isang report nang Pfizer noong Abril, nanggagaling sa India ang 35 porsyento ng mga gumagawa ng pekeng gamot. Noong 2001, ibinalita na may 500 na illegal na gawaan ng gamot ang China. Dagdadg pa rito, peke raw ang isa sa apat na binebentang gamot sa nasabing bansa. Mga 200,000 hanggang 300,000 na tao ang namamatay bawat taon sa China dahil din sa pekeng gamot.
Ayon sa World Health Organization (WHO), peke ang 25 porsyento ng lahat ng gamot na ginagawa sa less developed countries tulad ng Pilipinas.
Bagaman hindi nangunguna ang Pilipinas sa mga bansang gumagawa ng pekeng gampot, lumalaki na ang bilang ng nagbebenta nito sa bansa.
Noong nakaraang taon lamang, pinasara ng Department of Health (DOH) ang isang botika sa Pangasinan matapos itong mahuling nagbebenta ng pekeng Viagra tablets at nagpapatakbo ng botika na may expired na lisensya.
Sa isang report na isinagawa sa London, ang antihypertensive drugs, anti-asthma drugs, analgesic medicines, anti-diarrhea medicines, at vitamins ang pinakamadalas i-counterfeit sa Pilipinas.
Upang pigilan ang paglaganap ng pekeng gamot, naglabas ang DOH at Bureau of Food and Drugs ng kampanya para ipaalam sa mga tao ang mga dapat tandaan kapag bumibili ng gamot. Malalaman daw kung peke ang gamot kapag mas malaki ang brand name sa generic name, walang generic name ang gamot, mabilis madurog ang gamot na hindi dati mabilis madurog at kapag iba na kaysa dati ang kulay ng binibiling capsule, ampoule at liquid na gamot.
Bagaman hindi nagkulang ang gobyerno sa pagpigil sa paglaganap dahil napakadaling ipadala sa iba’t-ibang bansa ang mga pekeng gamot, maging sa Europa
Base sa London report, namatay ang 89 na tao sa Haiti matapos makainom ng pekeng gamot sa ubo na ginawa pa sa China na nakarating din sa Germany.
Kailangan maiwasan ang ganitong pangyayari sa Pilipinas, kung saan maraming tao ang bumibili ng mas murang gamot na kadalasang peke. Ang isyu na ito ang mas kelangan tuunan ng pansin ng gobyerno kaysa sa pagbabago ng konstitusyon na wala namang patutunguan sa panahong ito.