9 Agosto 2015, 7:00 p.m. – ANG MGA
mananampalataya ng Simbahan ay may misyong maihahalintulad sa “asin at
liwanag.”

Ito ang mensahe ni P. Francis Mateo, O.F.M., custos ng mga
Conventual Franciscans sa Pilipinas, sa kaniyang homiliya sa mga
mananampalatayang dumalo sa pagdiriwang ng kapistahan ni Santo Domingo de Guzman
kahapon sa Simbahan ng Santo Domingo sa Lungsod Quezon.

Ani P. Mateo, maihahambing sa asin at liwanag ang
pananampalataya dahil sa taglay nitong katangian na makatutulong sa
pagpapalaganap ng Mabuting Balita, bagay na itinuro ni Santo Domingo at ang mga
prayle, madre at laikong sumunod sa kanyang mga yapak.

(Kilalanin si Santo Domingo de Guzman, tagapagtatag ng Order of Preachers)

“Tayo ay asin na kapag nawalan na ng alat ay tila wala ng
silbi at saysay, ngunit tayo rin ay liwanag na [dapat] ilagay sa tamang lagayan
upang mag-ilaw at maging regalo sa iba,” ani P. Mateo sa kaniyang homiliya.

Iginiit ni Mateo ang kahalagahan ng pagpapakumbaba upang
manatili sa liwanag, sa kabila ng pagkakasala at mga pagkakakamali.

“Kahit na nagkasala tayo, mayroon pa ring natitirang liwanag
o Dominiko sa atin at iilaw ito kapag [tinanggap] natin ang yaman ng payak na
pamumuhay at ang kasiyahang dulot nito. Tanggapin natin ang mga biyaya upang
maikalat natin ito bilang bahagi ng Mabuting Balita,” aniya.

Nagsilbing concelebrants ang mahigit 40 na paring Dominiko
sa banal na misa na pinangunahan ni P. Cielo Almazan, O.F.M., pinuno o vicar
provincial ng mga Pransiskano sa Pilipinas sa ilalim ng Probinsiya ng San Pedro
Bautista.

Naging tradisyon na sa pagitan ng mga Dominiko at
Pransiskano sa Pilipinas ang pagpapalit ng tagapangaral tuwing pista ng mga
tagapagtatag ng kanilang mga orden, dahilan upang ang mga Pransiskano ang
manguna sa Banal na Misa sa punong dambana ng mga Dominiko sa Pilipinas.

Bago ang Misa, pinangunahan ni P. Giuseppe Arsciwals, O.P.,
rektor ng Santo Domingo, ang pagbabasbas sa ikalawang bahagi ng Santuario de
Santo Domingo. Kathryn Jedi V. Baylon, at Angeli Mae S. Cantillana

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.