BILANG pagbibigay-pugay sa ika-150 anibersaryo ng kaarawan ng pambansang bayaning si Jose Rizal, inihandog ng makata na si Vim Nadera at ng tanyag na pintor na si Elmer Borlongan ang isang eksibit na naglayong maisalarawan ang katauhan ng isang man of letters.
Tampok ng mga tula ang mga mahahalagang tao at pangyayari sa buhay ni Rizal, habang binihisan ni Borlongan ang 28 na letra ng wikang Pilipino. At dahil sa pagsasama ng dalawang uri ng sining—panitikan at pagpipinta—nailuwal ang Rizalpabeto.
Isinalaysay ni Nadera, isang Tomasino at premyadong makata at manunulat, ang talambuhay ni Rizal sa pamamagitan ng mga tanaga, awit, korido, at akrostiko.
Itinampok din sa Rizalpabeto ang ilang talakayin ukol sa buhay ni Rizal gaya ng kaniyang nobelang Tagalog na Makamisa, ang pagbili niya ng isang loteng lupain sa Sabah, at maging ang kontrobersiyal na paksa tungkol kay Dolores, ang anak ni Vicente Abad kay Josephine Bracken na ‘di umano’y tunay na anak ni Rizal.
Isinalarawan din ni Nadera ang ilang mga prominenteng tao sa buhay ni Rizal gaya nina Francisca, Gomburza, Josephine, Paciano, at inang si Teodora Alonzo.
Kasama rin dito ang mga pook na may kaugnayan sa kaniyang buhay tulad ng Bagumbayan, Calamba, Dapitan, Hong Kong, at Sabah, hanggang sa mga higit na komplikadong tema gaya ng kaniyang kamatayan at ang kondisyon ng Pilipinas matapos ang kaniyang pagpanaw.
Sa istilo na ginamit ni Nadera upang ipahayag ang mga pangyayari sa buhay ng bayani, nabigyang linaw ang misteryosong buhay ni Rizal. Nagsilbing tulong din sa mga mambabasa ang mga iginuhit na larawan ni Borlongan upang lalong mabigyan ng konkretong pagsasalarawan ang mga tula ni Nadera.
Upang mas tangkilikin ng mga kabataan ang kinagisnang mga istorya ng nakalipas, ginamit nina Borlongan at Nadera ang istilo na tinatawag na “Araliw”—ang pagsasanib ng “aral” at “aliw.”
Lalo pang naging kapanapanabik ang araliw dahil sa paggamit ni Borlongan ng makabagong teknolohiya. Kung dati’y pintura at canvas ang ginagamit ng isang pintor upang lumikha ng larawan, iPad ang midyum na ginamit niya upang bumuo ng obra na nababagay sa kritikal na panlasa ng makabagong henerasyon. Sa ganitong paraan, hindi lamang ang kabataan ang naipakilala sa nakaraan, naipakilala rin si Rizal sa kasalukuyan.
Isinalibro
Inilunsad kamakailan ang aklat ng eksibit sa galeriya ng Center for Art, New Ventures, and Sustainable Development (Canvas) sa Quezon City noong Hulyo 20.
Para kay Nadera, ang bago sa libro ay ang pagsasaletra ni Borlongan sa mga bagay na nauukol kay Rizal, kaayon sa estilong artes y letras noong panahon ng Kastila kung kailan namayagpag ang pintor na si Jose Honorato Lozano.
“Naging mabisa pang paggamit ni Borlongan ang iPad sapagkat ‘in’ ito sa kasalukuyang henerasyon,” ani Nadera.
“Sa paggawa nito, nagpugay siya hindi lamang kay Rizal kundi pati na rin kina Jose Honorato Lozano, sa kaniyang paggamit ng letras y figuras, at kay Steve Jobs sa kaniyang paggamit ng iPad,” ani Nadera. “Biswal ngayon ang lengguwahe ng henerasyong ito. Kaya akma ang ginawa ni Elmer.” Jon Christoffer R. Obice at Sarah Mae Jenna A. Ramos