POSIBLENG magkaroon na naman ng bagong kurso sa Faculty of Arts and Letters.
Naniniwala si Cristina Pantoja-Hidalgo, direktor ng UST-Center for Creative Writing and Literary Studies (CCWLS), na kailangan ng UST ang isang undergraduate course sa Creative Writing.
Sa kasalukuyan, kakaunti lamang ang pumapasok sa kursong Creative Writing sa UST-Graduate School at masisisi ito sa kawalan ng kaakibat nitong undergraduate course, ayon kay Hidalgo.
Ayon sa kanya, malaki ang magiging pagkakaiba ng kursong ito sa isa pang kursong pampanitikan ng AB—ang AB Literature dahil iikot ito sa mga writing workshop kung saan paiigtingin ang talinot kakayahan ng mga estudyante sa pagsulat ng katha, tula, at panitikang pambata.
“Hindi naman tinuturuan ang mga Literature majors kung papaanong magsulat, tinuturuan lamang sila kung papaano mag-turo ng literatura—ito’y purong pang akademiya lamang.” aniya.
"UST has so many writers, but they have none to teach," dagdag niya.
Ayon kay Hidalgo, maraming indikasyon na interesado ang mga mag-aaral sa Creative Writing—tulad na lamang ng sigasig ng mga Tomasino sa pagpapasa ng kanilang mga akda sa Ustetika (ang taunang patimpalak ng Varsitarian sa panitikan) at sa TOMAS, ang opisyal na literary journal ng CCWLS.
‘Mas imporanteng magbasa’
Samantalang iba naman ang pananaw ng National Artist na si F. Sionil Jose na nininiwalang hindi kailangan ng UST makipagkumpitensiya sa ibang unibersidad katulad ng University of the Philippines at Ateneo na parehong mayroong kurso sa Creative Writing.
Aniya, hindi naman naituturo ang imahinasyon at ang pagiging malikhain sa pagsusulat ng isang estudyante.
“Hindi kailangan ang isang kurso sa Creative Writing, I never took a writing course and neither did any of the great writers.”
Kung itataguyod man ang kurso sa Creative Writing at tuturuan ang mga estudiyante kung paano magsulat, magiging problema ang pagkakatulad o pagkakahawig at pagkakapurol ng kanilang mga akda, aniya.
“Writing becomes homogenous and a writer’s style is cramped with all these authors given to them—what models do most of the teachers give? They’re all boring writers…they give you Henry James, he’s boring!”
Nang magturo siya ng literatura sa unibersidad at pati na rin sa kinikilalang Berkley Institute sa Amerika, inulit lamang niya ang itinuro sa kaniya ng dati niyang guro na si Paz Latorena, na isa ring batikang manunulat.
“Miss Latorena never taught me how to write, she taught me how to read.”
Ang nais niyang mangyari ay patatagin ang kurso ng literatura sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga klasiko gaya ng mga epiko ng mga Griyego kaakibat ng pagpapakila muli ng mga alamat sa mga estudyante.
Ang pagbabasa ng mga klasiko at ng mga kuwentong sariling atin ang magpapatatag ng pagkakakilanlan ng mga manunulat.
Isa sa pinakamainam na simula na maaaring tahakin ng isang estudyante tungo sa mabuting pagsusulat ay ang patuloy na disiplinang magsulat, dagdag ni Jose.
Sinubukan ng Varsitarian kumuha ng pahayag mula sa pamunuan ng Arts and Letters subalit wala pa raw silang paglilinaw na maibibigay ukol sa usapin.