Lata ng sardinas ang mga ring sa Negros kung saan sumusuntok
ang mga bata’t nangangarap
sa hinaharap.
Tindig-kabayo ang maliliit na hubog ng katawang hindi maipagkakamali
sa mga nilalang na paborito ng mga inang
hindi lubusang nahulaan ang kapalaran ng kanilang inakay-
ang hatid na pananabik at pag-asa ng pagbulaga ng silahis, at ang kaakibat
na pangamba at takot ng pagbagsak ng araw. Idinugtong
ng mga ama ang kanilang bituin sa katauhan ng mga supling
habang inaalala ang larawan ng sariling pakikipagsabong. Pinamamahayan ng kinang
ang kanilang mga matang nanlabo na sa mga nasalong sali-saliwang pwersa
ng pagtadyak ng mga kamao. Hindi santo
ang mga kapatid sa pagpapakita ng talas at gilas sa sandali
ng pakikipagbakbakan. Laban.
May kalakip na buntong-hininga ang bawat preno
ng pakikipagbuno. Laban. May kulo sa dibdib ang batang isasalang.
Laban.
May buhay ang mga panalangin at santo sa mga alaala. Laban. May imahe
ng pagkagalak ang pagtapak sa kalaban. Laban.
Laban. Ang superkids ay lalaban.
Montage Vol. 9 • February 2006