Ingat lang habang nasa bayan ka namin.
Sobra kaming masaya, baka di mo ma-teyk
kung bakit kahit gutom ang ilan-ilan dyan
ay nagvi-videoke pa rin ang karamihan.
O kapag may napapaslang na sinuman
ay telenobelang Koreano pa rin
ang pinag-uukulan ng panahon.
Short time sa motel, pata tim, lechong kawali,
leche flang buo o sa halo-halo, may ube
ice cream pa — yan ang mga nakahihiligan
sa kama o papag, hapag o dulang, hanggang
maduling sa kalandian at kabusugan.

Wala raw namamatay sa gutom sa aming bayan.
Magtapon ka lang ng kahit anong buto
sa labas ng bintana, at ito’y uusbong
at ilang tulog lamang ay may maitutulak na
sa kalunggaan ng iyong bunganga.

Ganyan na nga ang lagay dito sa’ming paraiso.
Kay sarap, kay sarap, kay dali, kay dali,
kaya nga ba madami kaming abogado
at politiko. Sila na’ng bahala
na pag-alaberdehin kaming lahat
na mga bata batuta.

Ingat lang sa aming bayan. Oy, turista!
Ingat lang. Baka mapamahal ka,
baka di magkamayaw sa kasasayaw
ang iyong pananalig sa puting isla,
sa linaw ng tubig, gaan ng karagatan.
Malunod man ang libu-libo sa malagim
na sakuna, kungyari’y wala kaming nadidinig
kundi patalbugan ng itlog ng mga matsing,
batbatan ng trumpo, liksi ng dakilang patotot
sa larong patintero, husay ng pagsipa
sa tumbang preso, at doktor-doktoran,
bahay-bahayan, tulad ng mga gawain
ng mga mistulang bayani ng bayan.

Ingat, ‘Igan. Ingat.

Montage Vol. 11 • September 2008

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.