Sa matimyas na pagtatalik ng hangin at tubig,
doon sa mahiwagang sinapupunan ng dagat
unti-unti kang nabuo, nagkahugis hanggang sa ganap
na isilang sa maputing buhanginan.
Alindog ng katawan mong walang saplot na iginuhit
sa pinong dalampasigan: hinahagkan ng araw at
buwan, dinidilaan ng alon, hinihimod ng bula,
niyayakap ng hangin. Anong pag-aangkin ng iyong
kaluluwa! May hihigit pa ba sa ganitong
maluwalhating tanawin?
Kariktan mo’y kapilas ng isang pangarap, gumigising
sa kamalayan at pandamang mistulang makina.
Yaman kang nakaladlad: inaangki’y di maigapos,
Sinisinta’y di matalos! Kaluluwa mo’y ipahiram,
o, pinipintakasing Boracay!
Montage Vol. 11 • September 2008