(para sa mga nasawi sa nangyaring stampede noong Peb. 4, 2006, sa Philippine Sports Arena)

Matamis na ngiti
ang isinalubong mo
sa kawalang katiyakan
na para bang kalakip
ng pagbukang liwayway
lahat ng kasagutan
sa iyong kakapusan.

Wala kang pagsidlan sa pananabik.
Nag-uumapaw sa pag-asa
ang iyong dibdib
habang paulit-ulit
sa pag-usal ng panalangin.
Isang awit ng pakikiusap—
sana naman pagpalain…
sana naman swertehin…

Hinarap mo lahat ng hadlang,
sinuong mo ang mga panganib
nagbakasakali’t nakipagsapalaran
hindi ininda ang anumang sakit
maabot lamang mga bituin.

Hindi ka tumigil
sa pagbagtas ng daan
tungo sa tagumpay
na iyong inaasam,
habang patuloy naman
sa pag-ikot-ikot
ang gulong ng kapalaran.

Binulag ng liwanag
ang iyong mga mata
mula sa kaganapan
sa iyong paligid.
Nalulunod sa iyong pandinig
ang mga panaghoy,
sigawan…hinagpis
at mga iyakan

Nakabibinging musika lamang
ang iyong tanging naririnig
mula sa ‘di kalayuan
at tila may kung anong hiwaga
na bumabalot sa iyong katawan
para magpatuloy ka
sa iyong paglalakbay.

At sa huli,
hindi mo namalayan
ang paghalik sa lupa,
pagbabalik sa pinanggalingan,
natutupad na mga pangarap…
habang unti-unting nagbubukas
para sa iyo ang pintuan…
ang walang hanggan. Kaginhawaan.
Isang tahimik na buhay
sa piling ng Pinakamakapangyarihan.

Montage Vol. 9 • February 2006

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.