Sa umpisa ng pag-inog ng oras,
‘di masariling segundo,
’di mayakap na minuto,
bilanggo na tayo at nakagapos
sa ’di mapigilang pag-ikot.
Tatlong libo’t anim-na-raang sulyap
sa lumilipas na tadhanang
may dalawang kamay.
Paano ito babaliin?
Sana ay magawang pigilan
ang init ng araw,
o ang silay ng buwan.
Maantala ang pagbuka ng bulaklak,
Mabalam ang pagpatak ng ulan.
Ngunit sadyang tapat ang oras
sa kaniyang paglalandas,
Tuluy-tuloy ang lahat:
Tik
Pagmulat
Tak
Pagbangon
Tik
Pagdating
Tak
Paglisan
Tiktak
tiktak tiktak
Pagkaumay.
Montage Vol. 11 • September 2008