BAGO ba ang tinig ng iyong tula, batang makata?
Hamon para sa mga makata ngayon ang paglahad ng kanilang mga pananaw sa masining at makabagong paraan. Ito ay sa gitna ng paglitaw ng iba pang mambebersong tumatalakay sa mga katulad na ideya.
Mapapansin sa Latay sa Isipan (UST Publishing House, 2007), na pinamatnugutan nina Allan Popa at Cirilo Bautista, ang pagtatangka ng mga kabataang makata upang matugunan ang hamong ito. Kasalukuyang propesor sa Filipino sa Ateneo De Manila University at isa sa mga kasaping nagtatag ng grupong High Chair si Popa habang professor emeritus naman ng De La Salle University si Bautista.
Makikita sa 140 tulang naisama rito ang samu’t saring paraan ng paghimay, pagtalakay, at paglarawan ng mga may-akda hinggil sa iba’t ibang mga paksa. Maaaring pagninilay-nilay ito hinggil sa hirap sa pakikipagtagpuan ng mga magkasintahan, na makikita sa tulang “Soap” ni Rosmon Tuazon, o hindi kaya ay paglalarawan sa takot na naramdaman ng mga taong nasaksihan ang pambobomba ng isang mosque sa Iraq sa tulang “Papuntang Najaf,” ni Sonny Sendon.
Mababakas din ang mga panibagong tinig na ito sa ilang tulang pumapaksa sa mga usaping panlipunan. Ginamit ni Jose Jason Chancoco ang paraang monologo sa kanyang tulang “Bakwet” upang ilahad ang paninindigan ng tauhang isang evacuee na manatili na lamang sa mga masisikip na evacuation centers kaysa “hihintaying/ silipin ng punglo ang (kanilang) bungo.”
Inihambing naman sa “Sining ng Gutom,” ni Ronald Atilano, ang bisa ng gutom mula sa punto-de-bista ng manunulat na si Ernest Hemingway at ng tauhan ng tula matapos makakita ang huli ng paglalagalag ng isang pulubi sa kalsada: “Kakambal umano ng pagkatha/ Ang malikhaing ayuno ng pag-iisa…/ …Ngunit kakatuwang walang saysay ito/ sa taong grasang…lumayong sumusuray-suray sa J.P. Rizal.”
Ipinakita naman ni Sonia Gerilya sa kanyang mga tula na maaaring maipagsama sa pagsasataludtod ang mga usaping personal at paksang panlipunan. Sa “Bigat,” kanyang inilarawan sa paraang dayalogo kung paano nagsusuyuan ang dalawang magkasintahang rebelde sa gitna ng kanilang pagganap sa kanilang mga gawain sa kilusan. Samantala, sentimental naman ang isa pa niyang tula, ang “Habilin,” na kung saan nagpapaalam ang tauhan sa kanyang ina bago tuluyang sumabak bilang isang rebelde sa kanayunan.
Dahil na rin sa malawak na saklaw ng mga paksain at sa paggamit ng mga malalalim na salita, may mga tulang maaaring mahirap maunawaan ng mga mambabasa tulad ng “Aracatag” ni Niles Breis, at “Sa Rizal, Isang Bilog na Berso” ni Richard Gappi. Bukod pa rito, posible ring mapupuna ng mambabasa ang kahabaan ng ilan sa mga tula, gaya ng “Ang Akin” at “Pas de Deux, “na kapwa mga akda ni Mayo Uno Martin.
Subalit sa kabuuan, masasabing kapuri-puri ang koleksyong Latay sa Isipan.  Naipakita ng mga tulang nilikom dito ang kakayahan ng mga batang makata na magdulot ng malalim na “hagupit” sa kaisipan ng mambabasa upang pagbulay-bulayin ang mga pangyayaring matagal na nating nababalewala, kapwa karaniwan man o hindi.

Montage Vol. 11 • September 2008

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.