SA IKALAWANG pagkakataon, hindi nakapagpadala ng volunteers ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ng simbahan ng Santissimo Rosario sa nakaraang halalang pambarangay noong ika-29 ng Oktubre.
Matatandaan na hindi rin nakapagpadala ang sangay ng PPCRV sa UST noong nakaraang Mayo sa pambansang halalan dahil sa kakulangan ng tauhan at pinansyal na supports.
Ayon kay Ricardo Galang, PPCRV Coordinator ng ikaapat na distrito ng Maynila, malaki ang nasasakripisyo kung kulang sa tauhan ang PPCRV katulad na lamang ng nangyari sa nakaraang botohan.
“Bukod sa Santissimo Rosario, hindi rin naki-isa ang mga simbahan ng San Roque, Archdiocesan Shrine of Our Lady of Loreto, at Nuestra Señora del Perpetuo Socorro,” ani Galang sa Varsitarian. “Dahil dito, maraming botante ang hindi natulungan at maraming lumabag sa batas ang nakalusot.”
Isa sa mga istasyon na kabilang sa nasasakupan ng parokya ng Santissimo Rosario ay ang Mataas na Paaralan ng Ramon Magsaysay, ang pinakamalaking kalipunan ng mga presinto sa ikaapat na distrito ng Maynila.
Tanging PPCRV Roving Team na kinabibilangan lamang ng PPCRV district coordinator, isang volunteer ng Holy Trinity Parish, at ng tatlong miyembro ng Varsitarian ang tumugon sa mga reklamo ng mga botante at pollwatchers. Ngunit umalis din ang grupo matapos ang tanghalian upang lumibot sa iba pang istasyon sa ikaapat na distrito.
Ipinaliwanag ni Ben Rabuco, presidente ng PPCRV unit ng Santissimo Rosario, ang dahilan kung bakit hindi nakapagpadala ng volunteers ang parokya.
“We did not receive a formal call to organize for this elections (Wala kaming natanggap na pormal na tawag upang gumanap ngayong eleksyon),” ani Rabuco sa Varsitarian. “We lack men and logistical support for our volunteers, and personally, I think participating is not that urgent because this is only barangay elections (Kulang kami sa tao at tulong para sa aming mga volunteers, at sa tingin ko, hindi gaanong importante ang pakiki-isa rito dahil halalang pambaranggay lamang ito).”
Ayon pa kay Rabuco, hindi niya gusto na sumama ang PPCRV ng Santissimo Rosario kung hindi naman nito magagampanan ang dapat nitong gawin.
Gayunpaman, sinabi ni Rabuco na hindi isinasara ng PPCRV ng Santissimo Rosario ang pintuan nito sa paglahok sa pagbabantay ng mga boto ng mamamayan.
“Hopefully, the voting system will be automated by 2010 so that the PPCRV monitoring would be easier (Sana de makina na ang pagboto sa 2010 para madali-dali na ang pagbabantay ng PPCRV),” sabi ni Rabuco. “If not, we will discuss again what our participation will be (Kung hindi, pag-uusapan pa namin kung ano ang pakiki-isa na gagawin namin).”
Ang PPCRV ay isang pambansang samahang itinaguyod noong 1991 alinsunod sa tawag ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines. Ito ay umaagapay sa Commission on Elections (Comelec) upang tumulong sa pagbibigay ng edukasyon ukol sa halalan at sa pagbabantay sa boto ng bawat mamamayan.
Katiwalian sa barangay
Inikutan ng PPCRV Roving Team ang Ramon Magsaysay High School, Burgos Elementary School, Lopez-Jaena Elementary School, Antonio Maceda Integrated School, P. Pelaez Elementary School, at Malvar Elementary School na nasasakupan ng ikaapat na distrito ng Maynila.
Mga pulitikong patuloy na nangagandidato sa mga presinto at ang pagkawala ng mga pangalan ng mga rehistradong botante sa opisyal na listahan ng Comelec sa kanilang presinto ang mga suliraning tumambad sa ikaapat na distrito ng Maynila sa nakaraang eleksyon.
Ayon kay Cely Dolot, PPCRV pollwatcher sa Mababang Paaralan ng Padre Burgos, nakakapanghinayang at nakakaawa ang mga bagong rehistradong botante.
“Ang daming hindi nakakaboto dahil hindi maayos ang listahan ng mga botante,” ani Dolot sa Varsitarian. “Ang mga kabataan, excited ang mga ‘yan bumoto pero dahil sa kakulangan ng ilang opisyal nasusupil ang karapatan nila para bumoto.”
Kung ang ilan na nakapagparehistro ay wala sa listahan, marami namang inereklamo ang mga residente na mga taong nairehistro sa Comelec ngunit hindi naman residente ng kanilang pook.
Ayon kay Benjamin Sansano, Jr., pinuno ng PPCRV Voters’ Education Committee ng Most Holy Trinity Parish, maaaring pabotohin ang mga inerereklamong indibidwal ngunit kailangan muna nilang manumpa na pangalan nila ang nakasulat sa listahan at tunay na residente sila ng lugar kung saan sila boboto.
“Kapag napatunayan na hindi totoo ang sinumpaan ng bumoto, makakasuhan at makukulong siya, at hindi na makakaboto pang muli,” sabi ni Sansano sa Varsitarian.
Sa kabila ng mga kaparusahang ito, hindi nawala ang problema sa mga flying voters.
Sa pagsubaybay ng PPCRV at Varsitarian sa Burgos Elementary School, tatlong babaeng flying voters na menor de edad ang isinangguni ng mga poll watchers sa voting precinct ng Brgy. 575, Zone 56, District IV, Sampaloc, Manila. Isa sa kanila ay 17 anyos at ang dalawa ay kambal na may gulang na 15 anyos.
Ginamit na address ng mga nahuling flying voters ang 911 at 912 Mindoro St. Sampaloc, Manila bilang kanilang tirahan na mariin namang itinanggi ng mga naninirahan dito.
Ayon kay Pasba Pabalan, residente ng 911 Mindoro St. sa loob ng 27 na taon, hindi niya kilala ang mga dalagitang nahuli.
“Hindi ko sila kilala at lalong hindi sila nakatira sa aming compound,” sabi ni Pabalan sa Varsitarian.
Upang alamin ang nararapat na gawin sa tatlong flying voters, tumawag ang PPCRV coordinator sa Comelec.
Ayon kay Galang, nais sanang ipakulong ng Comelec ang tatlong nahuli ngunit dahil pumayag ang mga ito na tumestigo laban sa nag-recruit sa kanila, pinayagan silang umuwi sa kanilang mga tahanan.
Sa sinumpaang salaysay ng mga dalagita, kinuha at babayaran diumano sila ni Melvin Paculan, dating Sangguniang Kabataan chairman ng Brgy. 575, upang iboto si MJ Dantes, kandidato sa pagka-SK.
“Ipinabigay niya ang birth certificate namin sa Comelec sa may SM (North Edsa) tapos sila na ang nag-asikaso,” sabi ni Risa (hindi tunay na pangalan) sa Varsitarian. “Akala namin sa barangay pa rin namin kami ire-rehistro kaya nagulat kami dahil ang layo ng bobotohan namin.”
Taliwas sa Resolution No. 8220 ng Comelec na inilabas noong ika-29 ng Hulyo ang naging proseso ng pagrerehistro ng tatlong dalagita.
Nasasaad sa resolusyong ito na dapat personal na humarap sa opisyal ng Comelec ang magpaparehistro at sabihin ang kanilang eksaktong adres. Dapat ding tiyakin ng election officer kung totoo ang mga binigay na detalye ng nagpaparehistro. Matapos ang prosesong ito, dapat ipaalam ng opisyal kung qualified o disqualified ang nagparehistro, at kung saan siya boboto.
Inamin din ng mga dalagita na mayroon pa silang mga kasama na hindi nahuli.
Upang makasiguro sa kaligtasan ng mga dalagita, nagdesisyon ang PPCRV Roving Team na ihatid sila sa kanilang tahanan sa siyudad ng Quezon.
Nagtungo ang grupo kasama ng mga dalagita sa isang liblib na pook sa Project 8 sa siyudad ng Quezon.
Isang silong ang bumungad sa pagbaba ng grupo sa sasakyan. Ang pinagtagpi-tagping kahoy at yero na iyon ang nagsilbing voting station ng barangay.
Upang makarating sa tahanan ng tatlong dalagita, dumaan ang grupo sa mga pasikut-sikot na eskinitang humigit-kumulang tatlong talampakan lamang ang lapad.
Nakarating ang PPCRV Roving Team sa bahay ng kambal kung saan nakausap ng grupo si Celso Ostulano, ang ama ng dalawang nahuli.
“Alam ko na boboto ang mga anak ko,” ani Ostulano. “Pero kaninang umaga ko lang nalaman na sa Maynila sila boboto at hindi ko na sila napigilan.”
Samantala, nagpatuloy ang grupo patungo sa bahay ng isa pang nahuli kung saan kinailangan ng grupo na manulay sa gilid ng estero na walang harang o hawakan man lang.
Tumangging makipag-usap ang ama ng dalagita ngunit nakausap naman ng PPCRV ang nanay nito. Ipinaliwanag ni Galang na tetestigo ang mga bata sa kasong isasampa kay Melvin Paculan.
Ayon kay Sansano, may pananagutan ang mga magulang sa nangyari.
“Alam ng mga magulang ng mga bata ang pagboto nila sa Maynila kaya maaari rin silang managot kung sakaling nagkaroon ng kaso ang mga bata,” aniya.
Matapos ihatid ang mga nahuling flying voters at ipaliwanag sa mga magulang nila ang mga nangyari, bumalik ang PPCRV Roving Team sa Burgos Elementary School upang kunin ang pahayag ni Paculan subalit hindi na ito naabutan ng grupo. Tumanggi rin namang magpahayag ang mga poll watchers na kasamahan ni Paculan.
Tugon
Hindi man nanalo ang kandidatong dapat ay naiboto ng mga nahuli, isinulong ng partido ni Leona Paula Santicruz, ang nanalong SK chairman, ang pag-aksyon sa anomalyang naganap sa nakaraang eleksyon.
“Wala sa pagkapanalo o pagkatalo ang pag-aksyon sa maling nangyari,” ani Sylvia Santicruz, ina ni Leona, sa Varsitarian. “Kung sakaling nakaboto ang tatlong batang nahuli, natalo ng isang boto ang anak ko.”
Upang maging maayos ang proseso ng pagsasampa ng kaso laban kay Paculan, dumulog si Sylvia sa PPCRV.
“Humingi ng tulong sa PPCRV si Mrs. Santicruz para maiayos ang mga dokumento at proseso ng kanilang hakbang,” sabi ni Galang sa Varsitarian. “Bilang tulong, nagbigay ang PPCRV ng legal assistance upang gumabay sa kanila sa kasong kanilang isasampa.”
Gayunpaman, nilinaw ni Galang na ang pagtulong ng PPCRV ay hindi nangangahulugan ng pagpanig sa isang partido.
“Tumulong kami dahil kabilang ito sa aming advocacy na malinis, makatotohanan, at mapayapang eleksyon,” ani Galang. “Wala kaming pinapanigan kundi katotohanan.”