Pinangunahan ng Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA) at ni Mayor Alfredo Lim ng Lungsod ng Maynila ang pagdiriwang sa ika-149 taong kamatayan ni Bonifacio sa pamamagitan ng pag-aalay ng bulaklak sa kaniyang monumento noong ika-30 ng Nobyembre sa Dambanang Gat Andres Bonifacio.

Ikinagalak ni Emiliano Distrito, apo ni Bonifacio, ang patuloy na paggunita sa kabayanihan ng kaniyang lolo.

“Proud ako kasi hindi nila nalilimutan lahat [ng inialay ni Bonifacio sa bayan],” ani Distrito. “Kung hindi [dahil] kay Bonifacio, wala tayo rito at baka alipin pa rin tayo ng ibang bansa.”

Dagdag pa sa galak ni Distrito at ilan pang kamag-anak ni Bonifacio na sina Purita Distrito Dimalanta, Amor Catalasan, Eleanor Catalasan, at Jose Enrico Morales ang pagsasapubliko ng opisyal na logo ng “Bonifacio @ 150,” tanda ng simula ng isang taong paghahanda para sa sesquicentennial na pagdiriwang ng araw ni Bonifacio.

Bonifacio, isinalibro

Para kay Virgilio Almario, pambansang alagad ng sining, ang araw ni Bonifacio ang tamang pagkakataon upang ilunsad ang kaniyang aklat na “Pag-ibig sa Bayan ni Bonifacio” na inilimbag ng UST Publishing House.

Laman ng libro ang mga impormasyong sumasalungat sa karaniwang mga kaalaman tungkol kay Bonifacio.

Sa kaniyang aklat, pinagkumpara rin ni Almario sina Kristo at Bonifacio.

“Si Kristo, tinubos tayo sa pamamagitan ng pagpapakasakit, sa pamamagitan ng pagtitiis; hindi ganoon ang ating bayaning si Andres Bonifacio,” ani Almario. “Ang modelo ni Bonifacio ay modelo ng bayaning handang mamatay at pumatay para sa kalayaan ng kaniyang bayan.”

Ilang karaniwang kaalaman din tungkol kay Bonifacio ang sinalungat ni Almario.

READ
Arrogance of Philippine universities

Ayon kay Almario, hindi tabak kundi revolver ang ginamit ni Bonifacio sa pakikipaglaban. Totoo man na hindi siya nagkaroon ng mataas at pormal na pag-aaral, hindi ito sapat na sukatan upang sabihing si Bonifacio ay pobre at ‘di kaaya-ayang manamit.

“Kung siya (Bonifacio) ay mahirap, hindi siya tatanggapin sa masonry at sa ‘La Liga Filipina’ dahil ang masonry noon ay binubuo lamang ng mga Ilustrado at mayayaman dito sa Maynila,” ani Almario.

Paliwanag ni Almario, ang nakatala sa kasaysayang maliliit na trabaho ni Bonifacio tulad ng pagtitinda ng abaniko ay ginagawa lamang niya upang makapag-ambag at makatulong sa gastusin ng mga samahang kinabibilangan niya.

“Iwasan na rin natin ang kaisipang laging nakadamit na gusgusin si Bonifacio,” ani Almario. “Kung gusgusin siya, bakit ang isang kapitan na si Emilio Aguinaldo ay dumayo pa ng Maynila para sumumpa sa kaniya?”

Lingid din sa kaalaman ng nakararami, isang makata si Bonifacio.

“Nakapagsasalita siya (Bonifacio) ng Ingles at Espanyol,” ani Almario. “Katunayan, nakasulat pa siya ng isang tula na Espanyol.”

Ayon kay Almario, kung ihahambing ang pagiging makata ni Bonifacio sa Pambansang Bayaning si Jose Rizal, kapuwa sila mahalagang mga kawil sa kasaysayan ng tula—magkaiba lamang ang katangian ng kanilang mga isinulat.

“Ang tula ni Rizal ay para sa tradisyong edukado at Espanyol, [samantalang] ang tula ni Bonifacio ay para sa tradisyong katutubo at Filipino,” ani Almario.

‘Lungsod ng mga bayani’

Ayon kay Lim, ang naturang pagdiriwang ay isang pagkakataon upang ipalaganap ang tunay na katauhan ng Maynila: isang lungsod ng mga bayaning binigyang buhay ng mga dumalong kamag-anak ng iba pang mga bayaning Pilipino—Franz Villafuerte, kamag-anak ni Hen. Leon Villafuerte, Edgardo Ocampo, kamag-anak ni Hen. Glicerio Geronimo, at Henry Resurreccion, kamag-anak ni Hen. Antonio Luna.

READ
Integrity in media broadcast, entertainment stressed in USTv

Para kay Lim, ang pagbibigay-pugay sa mga bayaning tubong Maynila ay pagbantayog na rin sa kadakilaan ng lungsod.

“Ang Maynila ang nagdulot ng mga anak ng pagbabago sa lahat ng larangan ng buhay mula sa mga manunulat, siyentista, abogado, doktor, negosyante, at iba pang propesyonal,” ani Lim.

Kadakilaan din ang buod ng mensahe ni Felipe de Leon, tagapangulo ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at Sining. Nais iwasto ni De Leon ang imaheng marahas ni Bonifacio bunga ng paghihimagsik niya.

Ayon kay De Leon, nararapat lamang ang naging karahasan ni Bonifacio dahil sa pang-aabuso ng mga Kastila at mula dito’y nabuo ang Katipunan at naisulat ang kanilang kartilya.

“Ang Kartilya ng Katipunan ay walang anumang tungkol sa karahasan,” ani De Leon. “Tungkol ito sa pagkamakatao, paggalang sa kapuwa lalo na sakababaihan, pagmamahal sa bayan at sa Diyos, at tungkol sa karangalan.”

Ang pagdiriwang ay naging daan din upang idaos ang Citizen’s Day Awards kung saan pinarangalan ni Lim ang piling mga mamamayan na nagpakita ng ‘di pangkaraniwang pagmamahal sa bayan at nagsisilbing mga makabagong bayani. JONAH MARY T. MUTUC

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.