MADALAS na minamaliit ng mga taga-lungsod ang mga taong naninirahan sa mga malalayong lalawigan tungkol sa kanilang kakulangan ng kaalaman sa modernong pamumuhay. Subalit sa aspeto ng talino at sipag sa pag-aaral, hindi hamak na lamang ang mga mag-aaral na taga-lalawigan sa mga taga-lugsod ayon na rin sa resulta ng pambansang pagsusulit na isinagawa ng Department of Education (DepEd).

Ayon sa datos ng National Statistical Coordination Board (NCSB), higit na matataas ang mga markang nakuha ng mga mag-aaral na mula sa mga lalawigan sa National Achievement Test (NAT) noong 2005, kaysa mga mag-aaral sa National Capital Region (NCR). Nakuha ng Eastern Visayas Region ang pinakamataas na average sa Matematika, Agham, English, Filipino at Araling Panlipunan na may near mastery level na 69.2 porsiyento para sa primaryang antas at 58.6 porsiyento para sa sekundaryang antas ng mga pampublikong paaralan. Kinakailangang makaabot sa 70 porsiyento pataas ang natamong marka ng mga mag-aaral upang maituring na may mastery sila ng mga asignatura. Sa kabila ng pagiging liblib ng mga lugar kung saan matatagpuan ang mga paaralan at matinding kakulangan sa kagamitan tulad ng mga aklat, ang Caraga Administrative Region at Ilocos Region ay nakakuha rin ng matataas na marka sa pagsusulit sa parehong antas.

Samantala, nasa ika-walong puwesto lamang ang NCR na may average na 57.9 porsiyento sa paaralang primarya at 46.8 porsiyento sa paaralang sekundarya, sa kabila ng pagkakaroon sa rehiyong ito ng mga bagong kagamitan tulad ng mga kompyuter na higit pang makatutulong sa pag-aaral.

Kaugnay ng datos na inilabas ng NCSB, sinabi ng DepEd Region 8 na maaaring nagbunga ang pagpapatupad ng “Best Practices” sa pagtuturo sa pagkakaroon ng matataas na marka ng mga estudyante sa pagsusulit na ito. Layunin ng mga programang ito na tulungan ang mga mag-aaral na mas maunawaan ang kanilang mga aralin. Ilan sa mga ito ang Reinforcement, Remediation and Enrichment (RRE) at Twinning Approach – Pairing the High Performing Schools with Low Performing Schools.

READ
Liwanag ng pagtatapos

Sa isang panayam sa Philippine Information Agency (PIA) noong nakaraang taon, sinabi naman ni Susan Estigoy, assistant regional director ng DepEd, na nakatutulong sa mga estudyante ang focused approach ng pagtuturo ng kanilang mga guro. Dito, mas natututukan ng mga guro ang kanilang mga estudyante sa pag-aaral nila ng kani-kaniyang leksyon.

Sa aking pananaw, masasabing nakatutulong din sa mga estudyanteng mula sa mga probinsya sa pagkuha ng matataas na marka ang paglalaan nila ng mas mahabang panahon sa pag-aaral kaysa maglaro o manood sa sinehan. Idagdag pa rito ang pagsusumikap ng karamihan sa kanila upang maiahon ang kanilang mga pamilya mula sa kahirapan.

Bagaman at maaaring maipagmalaki ang matataas na grado ng mga taga-probinsya, marami pa ring kailangan gawin upang mas mapaunlad ang edukasyon sa Pilipinas. Ayon sa dalawang pagsusulit ng Trends in International Mathematics and Science Studies (TIMSS) na ibinigay noong 2003 sa mga mag-aaral ng first year high school, pang-41 ang Pilipinas sa Matematika at nasa pang-42 naman sa Agham mula sa 46 na bansang lumahok sa pagsusulit. Patunay ito na marami pang reporma ang dapat isagawa upang makaagapay ang ating mga mag-aaral sa international standards sa edukasyon.

Maaaring isang hakbang pasulong ang mga epektibong programang ito sa pagsasaayos ng sistema ng edukasyon sa bansa. Dapat ring gawing batayan ng mga taga-lungsod ang halimbawa ng mga taga-lalawigan pagdating sa pagpapahalaga nila sa pag-aaral. Joseinne Jowin L. Ignacio.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.