MALIBAN sa pagsusulat ng mga artikulong Filipino sa Varsitarian, lumipas na naman ang buwan ng Agosto nang hindi ko natatanto kung bakit ito tinaguriang buwan ng wika. Bukod sa mga manunulat at guro ng Filipino sa akademya, sino pa nga ba ang marunong magsalita ng diretsong Filipino? At lahat nga ba ay nakaaalam na ang Filipino, ang ating opisyal na wika, ay kaiba sa Tagalog, na isa lamang diyalekto sa Pilipinas?

Isang pagsubok na ginawa naming magkakaibigan sa klase ay ang pagsasalita ng Filipino sa huling linggo ng Agosto. Bawat salitang Ingles na bibigkasin namin ay may katumbas na piso, na mapupunta sa pondo ng aming tesis. Gaya nang inaasahan, isa iyong magandang paraan para tumaas ang pondo ng grupo. Natapos ang unang araw na marami kaming naidagdag sa aming pondo. Wala ni isa man ang nakapagsalita ng purong Filipino. At siyempre, hindi na namin tinangkang ituloy iyon sa mga sumunod na araw.

Hindi ko alam kung mayroong dapat sisihin sa kakulangan ng kaalaman ng mga tao ngayon ukol sa wikang Filipino. Itinuturo naman ang asignaturang Filipino sa elementarya, hayskul, at maging sa kolehiyo. Subalit sa panahon ng text messaging at chatting, at dahil sa na rin sa epekto ng globalisasyon, mas nagiging madali ang pag-aaral ng wikang Ingles, kung kaya’t nabuo ang wikang tinatawag na “taglish,” ang pinagsamang Ingles at Filipino na ginagamit ng kabataan ngayon. Tila nakokompromiso na hindi lamang ang ating kaalaman sa sariling wika kundi pati na rin ang estetika nito dahil sa paghahalo ng dalawang wika at mga pagpapaiksing ginagawa rito.

READ
Nursing cops first Pautakan team title

Mabuti na lamang at nakasusunod ang wika natin sa mga pagbabagong ito. Ang UP Diksiyonaryong Filipino, pinamatnugutan ng Pambansang Alagad ng Sining na si Virgilio Almario, ay naglalaman ng mga salitang hiram na naging bahagi na ng kulturang Pilipino. Nagtatag din ng patimpalak ang Filipinas Institute of Translation noong 2004 na tinaguriang “Sawikaan,” kung saan itinatampok ang mga salitang namayani sa kamalayang Pilipino sa loob ng isang taon. Sa Sawikaan 2006 at 2007, itinanghal na salita ng taon ang “lobat” at “miskol,” na kapwa sumasalamin sa pagiging “techie” ng mga Pinoy. Nakapaglimbag na rin ng tatlong edisyon ng Makata sa Cellphone ang makata at mandudulang si Frank Rivera, isang koleksiyon ng mga maiikling tulang Filipino na maaaring ipasa sa cellphone sa halip na mga quotes o jokes na madalas ipinapasa ng karamihan.

Ngunit lagi nating dapat isaisip na hindi wika ang sukatan ng pagiging makabayan ng isang tao. Isa lamang itong behikulo sa pagpapahayag ng damdamin. Ang importante ay ang nilalaman ng mga sinasabi at sinusulat, tulad na lamang ng ating panitikan, kung saan maraming mga akda sa Ingles ang nagbibigay ng komentaryo sa lipunang ginagalawan natin.

***

Isang pagbati para sa Batch 2007 ng Kolehiyo ng Narsing, na nagtamo ng 98% passing rate sa nakaraang board exams ngayong Hunyo. Nawa’y magsilbi kayong liwanag sa aming mga susunod sa inyong mga yapak.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.