SA MUNDO kung saan lahat ng bagay ay nabibigyan ng kahulugan ng siyensya, teknolohiya, pulitika, o maging ng pera, may lugar pa ba ang etika?
Ito ang katanungang sinagot ng mga eksperto mula sa UST Center for Ethics sa idinaos na colloquium na “Ethics at UST Revisited” noong Agosto 24 sa Thomas Aquinas Research Complex.
Ayon kay P. Fausto B. Gomez, O.P., direktor ng UST Center for Ethics, ang etika ay hindi lamang nakasandig sa lantay na pagpapakahulugan nito bilang sukatan ng asal o ng tama at mali, bagkus ito ang nagtuturo sa tao na linangin ang iba’t-ibang aspeto ng buhay.
“Mahalagang isabuhay at malaman ng tao na ang etika ang siyang humubog sa kanyang pagkatao dito sa mundo. Ito ang gumagabay sa kanya patungo sa landas ng kaluguran sa mata ng kapwa niya at ng Maykapal,” ani Gomez.
Ani Gomez, may dalawang uri ng etika, ang general at special. Pinag-aaralan ng una ang iba’t-ibang teorya at kaugalian tungkol sa isang paksa, habang ang huli naman ay tumatalakay sa mga personal, sosyal, at propesyonal na dimensyon ng pag-uugali.
Samantala, ang etika ng propesyon, na hangaring ipabatid sa tao ang kanyang tungkulin sa komunidad, ay nahahati rin sa general at specific. Ang una ay sumasaklaw sa pag-aaral ng etika alinsunod sa mga salik ng isang partikular na propesyon. Ang huli naman ang nag-uugnay sa mga konsepto ng etika sa katangian ng isang propesyon sa pamamagitan ng paglalapat ng mga teorya sa mga kongkretong problemang hinaharap nito.
Dahil naniniwala ang Unibersidad sa kahalagahan ng paglinang sa isipan at pag-uugali ng mga estudyante nito, minarapat ng UST na ituro ang etika at iba pang mga asignaturang may kinalaman dito sa bawat kurso.
Isa na rito ang Christian Ethics na iniuugnay ang asal ng tao sa kanyang relasyon sa Diyos.
“Nakapaloob ang Christian Ethics sa lahat ng kurso sa UST,” sabi ni Gomez.
Ang etika ay nagmula sa salitang Griyego na “ethos” na tumutukoy sa asal, gawi, at kilos ng tao, maging ang ang mga batas na sumasaklaw dito.
Pagsulong ng Center
Naitatag ang Center for Ethics noong Hulyo 1, 2002 sa pangunguna ni dating rektor P. Tamerlane Lana, O.P. sa hangarin na gawing Center for Contextualized Theology sa Asya ang Unibersidad sa taong 2011.
Ang pagkakabuo ng Center ay batay sa atas ng 1988 Bologna General Chapter ng mga Dominiko (Talata 69) at ng Seventh Provincial Chapter ng Dominican Province of the Philippines.
Nakapaloob dito na kailangang magtatag ang Unibersidad ng isang Asian Center para sa “inter-faith dialogue,” isang makabuluhang pag-uusap ng mga tao mula sa iba’t-ibang relihiyon sa pamamagitan ng magkakawangis na gawaing pang-kawang-gawa at mapang-linang (Talata 73). Si P. Vicente G. Cajilig, O.P. ang unang direktor ng Center.
Ang taong 2006-2007, ayon kay P. Pablo Tiong, O.P., ang panahon ng transisyon para sa Center, at ang colloquium ang naging daan upang suriin ang kasalukuyang antas nito.
Upang matukoy ang progreso ng etika sa Unibersidad, pinag-aralan naman ni P. Arthur Dingel. O.P, ang mga kolehiyo, fakultad, at instituto na may kaukulang mga yunit para sa nasabing asignatura.
Batay sa kanyang pag-aaral, ang UST lamang ang natatanging unibersidad sa bansa na nagdaragdag ng mga yunit na sa palagay nito’y makakatulong sa paglinang ng aspetong moral, intelektuwal at ispiritwal ng mga mag-aaral. Isang halimbawa ang karagdagang mga yunit para sa etika, bagamat ang Commision on Higher Education ay naglalaan lamang ng kaukulang bilang ng mga yunit para sa isang kurso.
Nakapaloob sa mga layunin ng Faculty of Medicine and Surgery na makamit ng mga estudyante ang di-madurungisang diwa ng professional ethics at tamang konsensya sa pakikitungo sa kapwa na nakasandig naman sa malakas na paniniwala sa Diyos. May asignaturang Bioethics sa kolehiyo, at halos kawangis nito ang ibang kolehiyo at instituto hinggil sa layuning itaguyod ang etika.
Hangad ng UST Center for Ethics na samahan ang bawat estudyante sa paglalakbay nila patungo sa kani-kanilang mga propesyon. Layon nilang bigyan ng katangiang moral ang mga susunod na lider ng bansa. Sa tulong ng etika, mas dadami ang mga propesyonal na may tunay na kakayanan, dedikasyon na paunlarin ang buhay, at hangaring paglingkuran ang mamamayan. Samakatuwid, ang etika ay may lugar pa sa mundong ito, at mahalaga ito sa buhay. Minsan nang pinatunayan ni Aristotle na nakakatulong ang etika na maabot ang tunay na kasiyahan habang naglalakbay hanggang sa marating ng tao ang kanyang ang paroroonan. Yve Camae V. Espeña