SA HALIP na mabigyang-pansin ang mga akdang nakasulat sa rehiyonal na wika sa hiwalay na kategorya nito sa National Book Awards (NBA), iginiit ng mga manunulat na nagiging sanhi ito ng pagkakaroon ng dibisyon sa mga wika.
“[N]aisasantabi lalo ang mga aklat na nasa rehiyonal na wika sa paglalaan ng espesyal na kategorya para sa kanila. Maaari namang isailalim sa iisang kategorya ayon sa genre,” wika ni Allan Popa, isang makata mula sa Ateneo de Manila, sa isang panayam.
Dagdag pa niya, mabibigyang-galang ang mga rehiyonal na wika bilang kapantay ng mga dominanteng wika kung magkakaroon lamang ng isang kategorya rito.
Ayon naman kay Jerry Gracio, manunulat at komisyoner para sa mga wika ng Samar-Leyte sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), mainam na alisin ang kategorisasyon dahil parangal sa lahat ng akda sa Filipinas ang NBA.
“Kung nangangarap tayo ng isang ‘Pambansang Panitikan’ na hindi lang nakasulat sa English o Filipino, kailangan nating isama ang lahat ng aklat na na-publish sa iba’t ibang wika na sinasalita sa bansa,” wika niya.
“[H]iwalay ba na kategorya ang literature written in other Philippine languages dahil hindi nito kayang sumabay sa English or Filipino? Kaya nga dapat wala nang paghahati,” dagdag pa niya.
Winika ni John Barrios, komisyoner para sa wikang Hiligaynon sa KWF, na imposibleng manalo ang mga akda mula sa rehiyon na walang salin sa Filipino o Ingles kaya mainam na bigyan ng pagkakataon ang mga akdang walang salin.
“[B]uksan ang award sa mga akda o aklat na walang salin at maghanap ng husgado na maaaring maghusga. Mahirap itong gawin dahil na rin sa kakulangan ng mga eksperto na maaaring kunin bilang tagahusga,” paliwanag niya.
Mga rehiyonal na akda
Ayon kay Romulo Baquiran, Jr., makata at propesor sa Unibersidad ng Pilipinas, nararapat lamang bigyan ng pagkilala ang mga akda mula sa rehiyon sa pamamagitan ng mga teksbuk na obligasiyon ng gobyerno.
“Trabaho ito ng [Department of Education] na maisama sana ang mga akda [mula sa mga rehiyon]. Nagsimula na ito sa K-12 at sana ay masustain…Pero ang gobyerno, mga kongresista at senador, ay hindi naman masyadong interesado sa literatura kaya ano ang maaasahan sa kanila?” giit ni Baquiran.
Mungkahi naman ni Abdon Balde, Jr., komisyoner para sa wikang Bikol sa KWF, mainam na tularan ang ginawa ng bansang Norway sa pagbili ng gobyerno ng mga akda mula sa rehiyon at pagpapamigay nito sa mga aklatan.
Sinanga-ayunan ito ni Gracio na nagsabing hindi lang dapat napupunta sa mga imprastraktura ang aksiyon ng gobyerno ngunit higit na dapat bigyang-pansin ang “utak ng bayan.”
Isinaad din niya na sa proseso ng nominasiyon sa NBA, hindi kinakaya ng maliliit na publikasiyon ang pagbibigay ng sampung kopya ng akda sa National Book Development Board at Manila Critics Circle.
“[D]apat may pondo para sa pagbili ng mga aklat na iko-konsider para sa NBA. [K]ung kailangan magkampanya sa mga mambabatas o sa Pangulo para pondohan ito, gawin. Sa ganito lamang higit na magkakaroon ng katuturan ang NBA, at hindi magiging award lang para pataasin ang ego ng writer,” paliwanag niya.
Isa sa pinakaprestihiyosong gawad sa mga manunulat ang NBA na isinasagawa ng Pambansang Lupon para sa Pagpapaunlad ng Aklat katuwang ang Manila Critics Circle.
Layunin nito na kilalanin at gawaran ang mga natatanging akda mula sa iba’t ibang panig ng Filipinas.