BAHAGI na ng buhay ng Tomasinong doktor na si Anthony Rolando Golez ang paglilingkod sa kanyang mga kapwa. Mula sa kanyang propesyon hanggang sa posisyon niya sa pamahalaan, nakatatak na kay Golez ang taos-pusong serbisyo publiko na kanyang ibinabahagi umulan man o bumagyo.

Bilang tagapagsalita ng National Disaster Coordinating Council (NDCC), pinahahalagahan ni Golez ang mahusay na komunikasyon ng kaalaman laban sa iba’t-ibang uri ng aksidente at kalamidad. Patunay rito ang pagsasagawa niya ng mga earthquake drills sa mga paaralan at evacuation plan para sa mga gusali ng Makati at lungsod Quezon. Gumawa rin si Golez ng libro na pinamagatang Family Survival: A Guide to Family Safety During Disasters na tungkol sa mga tamang hakbang na dapat gawin tuwing may kalamidad. (Basahin ang artikulong “Aklat Pangkaligtasan” sa isyung ito.)

“Sa isang flashflood sa Quezon, maraming namatay dahil hindi sila naihanda. Sa Silangang Leyte naman, higit sa 800 katao ang namatay dahil sa pagguho ng lupa. Napigilan sana ang lahat ng ito kung alam ng tao kung paano ililigtas ang kanilang mga sarili,” ani Golez na kasalukuyang tumatayong katulong na tagapangasiwa ng Office of Civil Defense na nasa ilalim ng Kagawaran ng Tanggulang Pambansa. Si Golez din ang namamahala sa Disaster Communications and Advocacy Committee ng NDCC.

Bunsod na rin ng pagiging isang reservist sa militar ang mga mabuting hangarin ni Golez tungkol sa kaligtasan ng kanyang mga kababayan. Naglilingkod si Golez sa Hukbong Sandatahan ng Pilipinas bilang isang reserve major sa ikatlong Technical Services Brigade, at executive officer ng ikatlong Technical Service Battalion, na binubuo ng mga propesyonal sa larangan ng kalusugan na ipinapadala sa mga lugar ng sakuna o digmaan.

READ
Bathwater

Dahil sa kanyang aktibong pagtulong sa kapwa, nominado si Golez sa Ten Outstanding Young Men of the Philippines at The Outstanding Thomasian Alumni Award.

Munting simula

Bagamat mas kilala ngayon bilang tagapagtaguyod ng kaalaman tungkol sa kaligtasan tuwing may sakuna, nagsimula si Golez bilang isang simpleng mag-aaral na naghangad na magbigay-serbisyo sa mga tao.

“Bago ako makapasok sa Pakultad ng Medisina at Sirurhiya, tinanong sa akin kung bakit ko piniling maging doktor,” ani Golez. ”Sinabi kong gusto ko para makapaglingkod sa mga barrio pero walang naniwala sa akin.”

Kahit noong estudyante pa lamang ng medisina si Golez ay nagawa pa rin niyang makatulong sa kapwa, lalo na sa mahihirap sa pamamagitan ng Lingkod ER.

Ang Lingkod ER, na binuo ni Golez noong 1998 kasama ang ilan sa kaniyang mga kaibigang estudyante, ay isang organisasyong nagbibigay ng suportang pinansyal sa mga mahihirap na pasyente at nagpapaayos sa mga emergency rooms ng mga pangunahing klinika at ospital.

Hindi nagtagal, dumami ang mga kasapi ng Lingkod ER at umabot ang serbisyo ng organisasyon sa Philippine General Hospital (PGH), University of the East, Quirino Labor Hospital, at Corazon Locsin Montelibano Regional Hospital. Dahil sa kanilang aktibong pagtulong sa mga mahihirap, nakamit ng organisasyon ang Pope Leo XIII Communitarian Service Award noong 1998.

Ang daan patungong Negros at pabalik

Sa kanyang ikatlong taon ng pag-aaral ng Medisina, naimbitahan si Golez ng Rotary Club ng Negros na magsalita tungkol sa Lingkod ER. Humingi siya ng tulong doon para sa USTH at PGH ngunit, sa halip na suporta, tinanong siya ng mga tao kung bakit kailangan pa nilang suportahan ang adhikain ni Golez kung marami pang ospital sa kanilang sariling probinsya ang mas malubha pa ang kundisyon.

READ
V is for Victory

Pinuntahan ni Golez ang mga ospital sa Negros at dito niya nakita kung gaano kasama ang kalagayan ng mga ito. Ito ang nag-udyok sa kanya na magtungo sa Corazon Locsin Montelibano Regional Hospital sa lungsod ng Bacolod sa Negros Occidental upang manggamot.

“Ako lang ang post-graduate intern na nagpunta sa Corazon Locsin Montelibano. Lahat ng duktor duon ay nag-aalisan dahil sa kasamaan ng kondisyon,” ani Golez.

Sa Corazon Locsin Montelibano naranasan ni Golez ang epekto ng kawalan ng kakayahan ng gobyerno na matulungan ang mga mahihirap na pasyente.

“Nalaman ko na hindi lahat ng pera mula sa gobyerno ay napupunta sa mga tao. Kahit na sa tingin mo ikaw ang pinakamagaling na doktor, kapag walang pambili ng gamot ang iyong pasyente, wala ka ring magagawa,” ani Golez.

Matapos ang dalawang taon sa Negros, bumalik si Golez sa Maynila at tumulong *sa Kagawaran ng Kalusugan upang malaman kung bakit walang kakayahan ang gobyerno na suportahan ang mahihirap na pasyente. Sa kabutihang palad, naging tagapayo si Golez at umangat sa pagiging executive assistant ni Kalihim Manuel Dayrit noong 2002. Ayon kay Golez, noon siya gumawa ng mga programa para sa ikabubuti ng mga pasyenteng Pilipino, tulad ng paglulunsad ng Responsible Parenthood Movement at Healthy Lifestyle Movement. Maliban dito, siya rin ay naging medical specialist sa Philippine National AIDS Council, bago siya malipat sa Kagawaran ng Tanggulang Pambansa.

Ayon kay Golez, naging instrumento ang edukasyong natamo niya sa Unibersidad sa kanyang tagumpay at sa pagpili ng panghabambuhay niyang panata.

“Nagawa ko ang lahat ng ito dahil binalikan ko ang aking pinanggalingan. Ang edukasyong natanggap ko sa UST ang nakatulong nang husto sa pagtuklas ko sa landas na tatahakin ko sa buhay,” ayon kay Golez. Alena Pias P. Bantolo

READ
Manindigan para sa kapaligiran

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.