IPINAGDIRIWANG natin ang buwan ng Agosto hindi lamang upang malaman ang kahalagahan ng ating sariling wika o kung para sa Pilipinas ba tayo o sa Filipinas. Ito rin ay ang panahon upang ipaalala sa ating mga Pilipino ang ating pagkakakilanlan at kinagisnan.

Nito lamang nakaraang bakasyon nang maging intern ako sa isang pahayagan, dumalo ako sa isinagawang press conference ng dating pangulong Joseph Estrada kung saan inilatag niya ang kaniyang mga plano kung sakali siya ang manalo bilang mayor ng Maynila. Isa sa mga ito ang gagawing pagbabagong mukha ng Intramuros bilang isang komersalisadong lugar tulad ng Fort Bonifacio sa Taguig. Sinabi niya na hihikayatin niya ang mga negosyanteng magtayo hindi lamang ng mga kainan kundi pati na rin ng boutiques at iba pang establisimyento na makaeengganyo sa mga lokal at dayuhang turista.

Nakakalungkot isipin na imbes na pagandahin na lamang ang pader na nilalamon na ng lumot, ang mga daang nagbibitak-bitak na at ayusin ang mga lugar na nananatili pa ring nakatiwangwang matapos ang nagdaang mga giyera, gagawin na lamang itong tambayan ng mga taong mahilig mamili o mag-party.

Nalilimutang ipakilala ang Intramuros bilang simbolo ng ating kolonisadong nakaraan at saksi sa paghihirap ng ating mga bayani makamit lamang ang inaasam na kalayaang ngayon ay inaabuso naman natin. Sa ngayon, makikita ang Intramuros bilang tampulan ng mga magnanakaw, kinakanlong ang 3,900 na mga pamiliyang itinuturing na informal settlers at bahagi rin ito ng mabahaing Maynila.

Ngunit hindi lamang ang Intramuros ang napapabayaang mga makasaysayang lugar sa Maynila. Nariyan din ang Escolta, ang dating shopping district ng bansa, kung saan ang mga dating hinahangaang gusali ay tuluyan nang iniwan o ginuho na at ang ilan ding mga monumento sa Maynila na kung hindi putol na ang braso ay wala nang ulo.

READ
SOCC shows the way

Hindi maikakakila na dahil sa sinasabing “Korean wave,” naipakilala ang kultura ng South Korea sa buong mundo. Sa ating bansa, araw-araw tayong pinaiiyak at pinakikilig ng kanilang mga “Koreanovela,” napapaindak tayo sa kanilang mga kanta at nahuhumaling sa kanilang paraan ng pananamit.

Ang nakamamahanga pa sa Koreano na kasabay ng pagpapahayag nila sa kanilang mga sarili ay ang pagyakap din nila sa kanilang kultura’t tradisyon.

Ngunit sa ating bansa naman, kahit batid natin na mayroon tayong makulay na kultura’t sining, mas pipiliin ng ilan sa ating mga kababayan na gumawa ng remake na mga telenebola at mga kanta ng mga banyaga. Kaunti na lamang maituturing na orihinal sa ganitong industriya.

Naiisantabi na ang malikhaing pag-iisip at nalilimita ang pagkuha ng inspirasyon sa mga banyaga. Nalilimutan na nilang tumingin sa mga obra na kapuwa nila mga Pilipino. Dahil para sa ilan, cliché ang maging makabayan.

Katulad ng sinabi ni Virgilio Almario, Pambansang Alagad ng Sining, sa kaniyang naging panayam noong nakaraang Hunyo, masyado nang nagiging malilimutin ang mga mga Pilipino hindi lamang sa sariling wika kundi pati na rin sa sariling kultura’t kasaysayan.

Wala namang masama kung tatangkilikin din natin ang kultura ng ibang bansa. Ang nagiging problema kasi ay nagiging malilimutin tayo na payabungin ang sariling atin.

Ang buwan na ito ay ang paggunita na ating naging kolonisadong nakaraan at pagiging dekolonisado sa kasalukuyan. Ating bigyang halaga ang mga pinamana sa ating mga ninuno at pagyamanin sila.

Sana, hindi lamang tuwing buwan ng Agosto natin naaalala na mayroon tayong maganda’t makulay na kultura’t kasaysayan. Higit sa lahat, hindi rin sana ito ang tanging buwan na kikilalanin natin ang wikang Filipino.

READ
Employers still prefer graduates from 'Big Four' RP universities

Padayon, Pilipinas!

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.