NAIIBANG pagpupugay para sa Ama ng Wikang Pambansa.

Bilang paggunita sa ika-135 anibersaryo ng kapanganakan ng Tomasino at Pangulo ng Philippine Commonwealth na si Manuel L. Quezon, napagpasiyahan ng pamahalaan ng Quezon na gawan ng replika ang kanyang bahay-bakasyunan sa nasabing lungsod.

Ang dating bahay ni Quezon ay orihinal na matatagpuan sa Gilmore Avenue, New Manila sa Quezon City kung saan siya namalagi ng dalawang buwan noong 1930s habang siya ay nagpapagaling sa sakit na tuberculosis.

Kasalukuyang tinatapos ang pagpapatayo ng replika nito sa loob ng Quezon Memorial Circle kung saan din matatagpuan ang mga labi ng dating pangulo at ang museo na itinatag para sa kanyang alaala. Inaasahang bubuksan ito sa Oktubre.

“Hindi talaga tumira si Quezon doon [sa bahay na iyon]. Mula noong [magkasakit siya], tumira lang siya [nang panandalian], lumipad papuntang Amerika, at namatay na. Ang tumira talaga doon ay ‘yung pamilya niya,” ani Propesor Zerrudo, heritage consultant ng lungsod at direktor ng Center for Conservation of Cultural and Environment in the Tropics (CCPET) ng UST.

Ayon kay Zerrudo, ang pinakamalapit na bahay na mapagkukunan ng inspirasyon ng buong lungsod ay matatagpuan sa Baler, Aurora kung saan siya ipinanganak. Ngunit aniya, hindi na iyon maaaring mailipat sa lungsod.

“Meron naman tayong Quezon Memorial Circle na nagpapaalaala sa atin sa kahalagahan ni Quezon bilang ating pangulo at Ama ng Wikang Pambansa, ngunit wala tayong bahay. Walang istruktura na magsasalita sa buhay ng nagtatag ng buong lungsod,” aniya.

Ayon kay Zerrudo, ang bahay-bakasyunan sa Gilmore na ang pinakamalapit na bahay na naapakan ni Quezon sa Kalakhang Maynila.

READ
'Passion' is key in acing board exams

Kumuha ng abogasiya si Quezon sa UST noong huling bahagi ng 1890s. Pansamantala siyang tumigil sa pag-aaral noong 1899 upang makibahagi sa pag-aaklas ni dating pangulong Emilio Aguinaldo laban sa mga Amerikano. Bumalik siya sa pag-aaral nang matapos ang digmaan. Nakamit niya ang ika-apat na puwesto sa bar exams noong 1903.

Demolisyon ng ari-arian

Ngunit bago pa man matapos ang pagpapatayo sa kawangis na bahay, sumailalim na sa demolisyon ang orihinal na istruktura noong Mayo.

Hinimay-himay muna ng mga cultural conservation experts ang mga salik bago ito tuluyang ipagiba at ilipat sa pook na mas mapahahalagahan ito.

Wala na umanong nakatira sa nasabing bahay magmula noong pumanaw si Doña Aurora, ang maybahay ni Quezon na siyang nangalaga sa 500 kuwadrado-metrong bahay.

“Pinanatili na lang nila ‘yung bahay kasi isa [na lang ito sa mga kaunting] istruktura na nagbibigay-alaala sa kanila tungkol kay Manuel Quezon,” ani Zerrudo.

Dagdag pa niya, isa ring dahilan ang urbanisasyon kung bakit napagpasyahan ng Lungsod Quezon na ilipat na lamang ito sa Quezon Memorial Cirlce.

Sa New Manila dati nakatira ang mga mayayaman noong araw. Unti-unti itong naging urbanisado dahil sa pagsulpot ng mga mall at condominiums.

Nagkaroon din ng consensus sa buong angkan ng Quezon-Avanceña bago mapagpasyahang ibenta at ipalipat ang bahay-bakasyunan.

“Itong bahay hindi magagalaw ‘yan kung walang consensus sa buong Avanceña, at lahat pa ng buong kamag-anakan,” ani Zerrudo.

Ang pamilya Avanceña na kinabibilangan ni Zenaida, anak ni Quezon. Isa siya sa mga nangalaga sa bahay-bakasyunan noong namatay ang kanyang ina noong 1949.

READ
Kultura, sandigan ng kaunlaran ng sarili at sambayanan

Nabili ang bahay at lupa ng pribadong korporasyong Zenara Holdings Corporation ngunit ibinigay din naman nito ang mga ari-arian sa Lungsod Quezon dahil wala na rin umano silang paggagamitan sa bahay.

Hindi isang heritage site

Ayon sa pamantayan ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP), bago ituring na isang heritage site ang isang pook, mayroon dapat itong historical significance gaya ng dito ipinanganak o namatay ang isang bayani o kung may importanteng pangyayari sa kasaysayan na naganap dito.

Hindi maituturing na heritage site ang nasabing bahay.

“So basically, itong site na ‘to, it is a site associated to. Hindi nga siya diyan nagkasakit eh, diyan lang siya nagpahinga. Hindi siya core site, it is just an auxillary site,” paliwanag ni Zerrudo.

Isinaalang-alang din ng Lungsod Quezon ang mga heritage laws sa pagpapanatili ng isang lumang bahay bago nila ito ilipat sa Quezon Memorial Circle.

Wala ring marker sa labas ng bahay dahil hindi ito nasaliksik nang maayos, ani Zerrudo.

Ang replika ng bahay-bakasyunang Quezon ay magiging isang tourist destination umano.

Ngunit bukod sa isang pagiging pook-pasyalan, nais ng pamahalaang panglungsod na bigyang-diin ang kuwento kung paano naging isang padre-de-pamilya si Quezon at maalagang asawa. Itatampok din nito kung paano siya binisita ng mga pulitikong kaalyado, at kung paano siya “inalagaan ng kalikasan” noong may sakit siya.

“Ang bisa ng kuwentong ‘yan ay hindi pulitikal. Ito ay about sa pamilya, ang pagkaka-padre-de-pamilya ng ating pangulo,” ani Zerrudo. Jon Christoffer R. Obice

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.