BALAK sana ni Jun Cruz Reyes, dating punong patnugot ng Dyaryo Hagonoy at batikang kuwentista sa Filipino, na magtayo ng isang community library katabi ng kanilang barangay hall sa Hagonoy, Bulacan. Dito niya ilalagay ang mga librong pampanitikang kanyang nakalap mula sa iba’t ibang awtor. Ngunit naudlot ito dahil noong Hunyo, inokupahan ito ng mga sundalo. Hindi na rin siya makauwi sa Bulacan dahil bilang isang propesor sa Unibersidad ng Pilipinas (UP), minamanmanan siya ng mga operatiba ng Armed Forces of the Philippines sa paghihinalang kaalyado siya ng New People’s Army.

Hindi na bago ang mga kuwento ng panggigipit sa mga manunulat at mamamahayag tulad ng kay Reyes. Ngunit tila lumalala ang ganitong sitwasyon sa isang bansang kinikilalang pinakamalaya sa pamamamahayag.

Balik-tanaw

Tatlumpu’t apat na taon ang nakalipas mula nang ipatupad ng dating Pangulong Ferdinand Marcos ang Presidential Decree 1081 o Batas Militar noong Setyembre 21, 1972. Sa ilalim nito, nagkaroon ng kapangyarihan ang pamahalaan na manghimasok sa gawain ng mamamayang Pilipino.

Kasabay dito ang paninikil ng rehimeng Marcos sa mga manunulat, lalo na sa midya. Ipinasara ang lahat ng mga estasyon ng telebisyon at radyo, gayundin ang mga pambansang pahayagan, maliban sa iilang nasa ilalim ng pamamalakad ng pamahalaan, tulad ng Manila Bulletin, Voice of the Philippines at mga estasyon ng Philippine Broadcasting System. Dinakip ang ilang mamamahayag at malikhaing manunulat tulad nila Max Soliven, Napoleon Rama, Teddy Casiño, Betty Go-Belmonte, Eugenia Apostol, Alejandro Roces, Sr., at Bienvenido Lumbera.

Sa isang pulong ng Philippine PEN noong Agosto, isinalaysay ng Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si Francisco Sionil Jose ang ginawang panloloob ng mga di-kilalang tao sa kanyang opisina sa Solidaridad Bookstore sa Ermita, Maynila noong panahon ng Batas Militar. Ayon sa kanya, naabutan na lamang niyang nakakalat ang kanyang mga papeles ngunit wala namang nakuha sa kanyang mga kagamitan. Bilang panakot sa kanya upang itigil ang pagsusulat laban sa administrasyon, sinira ang kanyang fountain pen na madalas niyang gamitin sa paglagda.

READ
AB-BSE scrapped

Dahil sa paghihigpit na ito, itinatag ang alternative o mosquito press bilang instrumento ng pagtutol sa pamamalakad ng administrasyon. Kabilang dito ang We Forum at Malaya ni Jose Burgos Jr., at Mr. & Ms ni Eugenia Duran Apostol. Nakiisa rin dito ang iilang mga underground publication at pahayagang pampaaralan tulad ng Philippine Collegian ng UP.

Bukod sa mga nakulong, may iilan ding mga manunulat ang pinatay at hindi na natagpuan maging pagkatapos ng pamamahala ng diktaturyang Marcos. Isang halimbawa ang dating sensura ng balita at kaalyado ni Marcos na si Primitivo Mijares, na nagsulat ng librong The Conjugal Dictatorship of Ferdinand Marcos and Imelda Marcos noong 1976. Patungkol ito sa katiwalian ng rehimen at maluhong pagwawaldas ng dating first couple sa kaban ng bayan.

Matapos ng EDSA Revolution, muling bumalik ang karapatan ng pamamahayag sa ilalim ng Saligang Batas ng 1987.

Malayang pamamahayag?

Ngunit tila muling bumabalik ang multo ng Batas Militar sa kasalukuyan dahil sa dumaraming insidente ng pananakot at pagpatay sa mga mamamahayag.

Ayon sa datos ng Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR), 60 mamamahayag na ang pinatay mula 1986 hanggang Hulyo 2006. Dalawampu’t pitong kaso naman ng pamamaslang sa mga media men ang naitala mula 2001 hanggang 2006 sa ilalim ng administrasyong Arroyo.

Inilahad sa isang pag-aaral ng CMFR noong nakaraang taon na mga freelance journalist o radio block timer ang karaniwang biktima ng pamamaslang. Sa 25 na biktimang mamamahayag, 19 ang pinatay malapit o sa loob ng kanilang bahay o opisina. Dalawampu’t isa sa mga biktima ang nagtatrabaho bilang mga brodkaster sa radyo o telebisyon. Tinatayang pinakamapanganib sa mga mamamahayag ang Calabarzon (Rehiyon 4-A) at Zamboanga (Rehiyon 9) dahil dito ang may pinakamataas na bilang ng mga pagpatay. Bagaman mayroong nadakip na mga suspek sa mga nasabing pamamaslang, wala sa kanila ang naituring na utak sa mga pagpatay na ito.

READ
Viral resist

Bagaman inatasan na ni Pangulong Arroyo ang Task Force Usig ng Philippine National Police na makalutas ng 10 kaso sa loob ng 10 linggo, hindi pa rin natigil ang mga puna na kulang pa rin ang mga hakbang ng pamahalaan upang malutas ang mga ito. Bilang tugon, itinatag ng pamahalaan ang Melo Commission na kinabibilangan nila National Bureau of Investigation director Nestor Mantaring, Chief State prosecutor Jovencito Zuño, Bishop Camilo Gregorio ng Batanes, at Nelia Gonzalez ng Board of Regents ng UP.

Sino ang may sala?

Sa kaso ni Reyes, hindi niya maunawaan kung bakit ginigipit siya ng militar gayong wala naman siyang nilalabag na batas.

“Nagbibigay ako ng workshop sa pagsusulat at pagpipinta sa aming bayan. Problema ko lamang talaga ang lugar na aking pinagtuturuan dahil inokupahan na ito ng militar,“ sabi ni Reyes sa isang panayam sa Varsitarian.

Idinagdag pa niya na hindi ang mga sundalo ang kalaban ng manunulat kundi ang mga pagkukunwari at panatismo sa lipunan.

“Kultura ng pagpapaunawa ang itinuturo ng mga tulad naming manunulat, hindi ang kultura ng paninindak,” ani Reyes. “Libro ang aming panlaban, hindi armas.”

Ayon naman kay John Manalili, propesor ng Computer sa Faculty of Arts and Letters at isang brodkaster sa Radyo ng Bayan, isang sanhi ng mga pagpatay ang pagkakaroon ng kultura na kung saan nagiging personalan ang pagtingin sa mga isyu.

“Kung nababanatan ng mga mamamahayag ang isang opisyal ng pamahalaan, titingnan ito na pag-atake sa kanyang pagkatao,” ani Manalili.

Ayon pa sa kanya, ginagamit naman ng ilang mamamahayag ang pag-atake sa katauhan ng isang pulitiko bilang pagganti kung mayroong hindi pagkakaunawaan.

READ
'Be agents of change,' Prior Prov'l tells Thomasians

“Nauuwi kasi sa name-calling ang mga komentaryo lalo na sa broadcasting. Nagmumura na sila, kahit hindi ito kailangan.”

Pagdating naman sa pamamalakad ng pamahalaan sa mga government media outfit, sinabi ni Manalili na malaya pa ring nakakapag-ulat ng mga balita ang mga mamamahayag nang walang pakikialam mula sa mga matataas na opisyal.

“Nililinaw lamang ng pamahalaan kung anu-anong mga bagay ang dapat bigyang-pansin namin,” aniya. “Tinatalakay namin ang mga ginagawang hakbang ng gobyerno para sa bansa.”

Dagdag pa ng pag-aaral ng CFMR na hindi lisensyado ang karamihan sa mga biktima. Walumpong porsiyento ng mga biktima ang hindi accredited ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas(KBP). Kung gayon, maaaring maging sagot ang pagsunod sa mga alintuntunin ng pamamahayag tulad ng pagkakaroon ng lisensya sa kasalukuyang insidenteng nagaganap.

Bagaman may magkakaibang kuro-kuro ukol sa pamamaslang at panggigipit sa mga manunulat, totoong hindi ganap na nalalasap ang kalayaan sa pagpapahayag. Kasalanan man ito ng mga manunulat o ng mga politiko, nawawalan ng saysay ang kapangyarihan ng panulat na tuluyang makapagpabago ng lipunan. Ruben Jeffrey A. Asuncion at Lee V. Villanueva

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.