NOON pa mang panahon ng diktadura ni Ferdinand Marcos, mayroon nang paninindigan ang Simbahang Katolika na ipagtanggol at protektahan ang karapatan at dignidad ng taumbayan.
Ayon sa ulat ng Varsitarian noong 1982, binigyang-diin ito noon ni Jaime Cardinal Sin, dating arsobispo ng Maynila, noong ika-15 Thomas More Lecture sa kaniyang panayam na “The Church and Philippine Society in the 1980s” sa College of Education Auditorium.
Paliwanag niya, nagtataglay ng moralidad ang politika kaya’t maaaring magbigay ng pahayag ang mga pari ukol ditto ngunit ito ay dapat umayon sa “critical collaboration policy,” na nagsasaad na dapat panatilihing nakabatay sa Diyos ang pakikipag-ugnayan ng Simbahan sa politika.
Nabanggit din ng kardinal na marapat taglayin ng Simbahan ang pagkakaroon ng katapangan at pag-asa sa pagpapahayag ng katotohanan at pagbibigay ng pansin sa “trilogy of church-state-people.”
Ipinaliwanag niya na hindi dapat paghinalaan ang mga madre, pari at mga relihiyoso kapag nagbibigay sila ng tulong lalo na sa mga mapanganib na lugar.
Winika rin niya na patuloy na tutulungan at poprotektahan ng Simbahan ang taumbayan kahit na magkakaiba sila ng ideolohiya at pananaw sa politika.
Binanggit din ni Sin na kapag nagsasalita ang Simbahan alang-alang sa taumbayan, nagiging suliranin ito ng institusyon sapagkat nagiging target ito ng panunupil.
Iginiit niya na sa kalagayan ng bansa, hindi lang dapat ituon ang sisi sa gobyerno bagkus pagtuunang-pansin din ang taumbayan sapagkat mayroon din silang responsibilidad sa estado nito.
Ayon din sa kaniya, may tatlong pagsubok na kinakaharap ang Simbahan noong dekada ’80: ang pluralism, pagiging saksi sa katotohanan at ang pagdepensa at pagtaguyod ng dignidad ng tao.
Tomasino siya
Kinilala ang mga Tomasinong nanguna sa pamamahagi ng ideolohiya at kaalamang magsisilbing liwanag at gabay sa mga susunod na henerasiyon.
Sa ika-80 anibersaryo ng UST Graduate School na may temang, “Refracting the Light, Illuminating the Mind, Reflecting the Glory: Light the Torch, Pass it On,” ginawaran ng parangal mga Tomasinong nagtagumpay sa kani-kanilang mga larang sa pagkadalubhasa.
Pinarangalan bilang oustanding alumni sina Augusto Antonio Aguila (Arts and Humanities), Fr. Edgardo De Jesus (Community Service), Fr. Joseph Chusak Sirikut (Church), Ofelia Malate-Mirando (Education), Giovanni Melgar (Entrepreneuship), Joselito Zulueta (Media), Rowen Yolo (Medicine and Allied Health), at Julie Barcelona (Science).
Binigyang-parangal din ang mga dalubguro na sina Rosalia Caballero (Pschology), Nora Claravall (Library and Information Science), Rosalito De Guzman (Pschology), Irineo Dogma, Jr. (Science), Edwin Martin (Public Administration), Agnette Peralta (Medical Physics), Enrico Aurelio Torres (Business), at Trinidad Trinidad (Food Science).
Kinilala rin ang mga retiradong dalubguro na sina Fr. Franz-Josef Eilers (Theology), Marcela Leus (Education), Fr. Leonardo Mercado (Philosophy), Rosalinda Solevilla (Pharmacy), at Lydia Tansinsin (Engineering).
Iginawad ang Enterprise Achievement Award kay Vivien Co Say, presidente at direktor ng ICCT Colleges, na nagtapos ng doktorado sa Development Studies sa Unibersidad.
Ginawaran naman ng Excellence in Community Development Extension Award ang UST Graduate School Psychotrauma Clinic.
Iginagawad ang Outstanding Alumni Award sa mga Tomasinong miyembro ng Graduate School Alumni Association, Inc., praktisyoner sa kaniyang larangan nang hindi bababa sa limang taon, at nagpamalas ng kahusayan sa kaniyang larangan sa loob o labas ng bansa.