“Nasaan ang kabataang naglalaan ng kanilang magagandang sandali, mga pangarap at kasiglahan sa ikabubuti ng kanilang bayan?”
– Padre Florentino, El Filibusterismo
HABANG dumaan at lumipas ang Araw ng Kagitingan noong Abril 9, biglang sumagi sa isip ko ang paksang “kabayanihan.” Kung hindi ako nagkakamali, karamihan, kung hindi halos lahat, sa mga sundalong Pilipino na kabilang sa mga tagapagtanggol ng Bataan ay nasa kasibulan pa ng kanilang kabataan. Bilang isang kabataan ng kasalukuyang henerasyon, hindi ko lubos isipin na sa kabila ng batang edad ng mga sundalong-Pilipino ay nagawa nilang tiisin ang mga hirap na dulot ng digmaan at pagkakapiit.
Pero ngayon, tila pagsuong na sa digmaan para sa ilang kapwa kabataan ang kahit man lamang alamin ang mga balita hinggil sa mga usapin sa bansa: Sino ang nasangkot sa panibagong iskandalo tungkol sa pondo ng Quedancor? Bakit nagkakaroon ng rice hoarding ngayon? Ano ang masasabi mo sa desisyon ng Korte Suprema hinggil sa hindi pagsasalita ni Romulo Neri sa mga Senate hearing? Ilan sa aking nakausap ang nagsasabing mas nakabubuting huwag nang pansinin ang mga balitang iyon dahil sa pawang patungkol na naman sa polítika lamang ang mga ito. “Nakakasawa nang panoorin ang mga iyon,” anila.
Kaugnay rito, naalala ko ang isang artikulong nalathala noong Abril 30 sa Newsbreak Online na ibinabalita ang panghihikayat ng punong patnugot ng pahayagan ng Cavite State University sa mga kapwa kabataan na makilahok sa mga usaping-panlipunan. Ayon kay Zeus Agustin, hindi lamang dapat nakatuon ang kabataan ng kasalukuyang henerasyon sa pag-u-update ng kanilang mga account sa Friendster o Multiply dahil marami pang problema ang bansa na kailangan nilang kaharapin. Aniya, malulutas lamang ito kung magsasama-sama ang mga kabataan na manawagan at magmungkahi ng mga reporma sa ating lipunan.
Bagama’t nakailang ulit nang isinisagaw ng mga naunang student leader ang mga pahayag na ito ni Agustin, nagsisilbi namang pampagising sa atin ito dahil sa tila hindi naman gaanong aktibo ang mga kabataan ngayon upang iparinig ang kanilang mga tinig sa mga kinauukulan.
Subalit, ang isang magandang argumento laban sa panghihikayat na ito ni Agustin ay ganito: ano ba ang mapapala ko kung makikisangkot kami sa mga usapin sa politika?
Oo nga naman at ano ang kagyat na pakinabang ang makukuha natin kung makikilahok tayo sa mga masalimuot na debate at isyu sa politika? O kahit man lamang iyong matamang pagmamasid sa mga balitang ipinapakita sa telebisyon? Ano nga ba naman ang ating mapapala kung papanoorin natin sa telebisyon ang mga ulat tungkol sa mga nag-aawayang mga politiko, habang tayo’y naghahapunan, kung matapos nito’y wala rin tayong magagawa? Kung gayon, naniniwala pa rin tayo sa kasabihang Latin na “carpe diem.” Lasapin ang buhay habang inaalok pa nito ang kasaganaan ng kasalukuyan.
Pero sa agos ng kasaysayan ng bansa at ng mundo, malaki ang ginanap na tungkulin ng kabataan upang magkaroon ng mga pagbabago sa kani-kanilang mga lipunan. Sa Pilipinas pa lamang, hindi ba’t ang mga ilustradong nakapag-aral sa Europa ang nagpasimuno ng mga panawagan upang ayusin ng pamahalaang Kastila ang pamamalakad nito sa kanyang kahuli-hulihang kolonya sa Asya? Kaya nga’t umusbong ang mga tulad nina Jose Rizal, Marcelo del Pilar at Graciano Lopez Jaena.
Hindi rin naman nauubos ang kasaysayan ng daigdig sa mga personalidad na nakapagdulot ng pagbabago sa kabila ng kanilang batang-edad. Gawin nating halimbawa ang Imperyong Ottoman. Kung ating babalikan ang kasaysayan nito, hindi ba’t isang grupo ng mga batang-opisyal sa hukbo ng imperyo ang nanawagan ng mga pagbabago upang makasabay ang itinuturing nang “Sick Man of Europe” sa mga pagbabago noong ika-19 at unang bahagi ng ika-20 siglo? Ang tawag pa nga rito ay “Young Turks,” na sa kasalukuyang gamit ay tumutukoy sa sinumang baguhang politiko na nananawagan kaagad ng mga radikal na reporma.
Mainam na paraan upang mas maging makabuluhan ang pakikisangkot, o kahit man lamang ang kritikal na pagmamasid, natin sa mga isyung-panlipunan ay ang isiping tayo rin naman ang nakaatang na lulutas sa mga problemang iyon. Sa ngayon, maaari pa tayong mag”Ma” at” Pa” (malay ko at pakialam ko) sa mga ito, at patuloy na mag-update ng ating mga account sa Friendster at Multiply. Ngunit pagsapit ng panahon na tayo na ang mga propesyonal at opisyal ng bansa, ibang usapan na.
Sa huli, isa nang kabayanihan sa bahagi ng mga kabataan ang pakikisangkot o ang pag-aalam man lamang hinggil sa mga balita’t usaping panlipunan ng kasalukuyang panahon.
you’e message is very overwhelming…
tama nga naman… maituturing na anyo ng kabayanihan bilang isang kabataan ang pagkakasngkot o pag-aalam sa mga isyu o problema sa ating lipunan sapagkat kahit anong pagtakas natin ukol dito, tayo ay maaapektuhan pa rin at itoy katotohanan na hindi natin matatakasan.