Dibuho ni Matthew Niel J. HebronaSA PARAANG lektyur kami sinanay ng mga propesor ng Journalism hinggil sa tamang paraan ng pakikipanayam sa iba’t ibang klase ng tao, magsulat ng magandang lead (pangunahing talata ng artikulo) at maglatag ng mga ideya upang makabuo ng isang makabuluhang artikulo.

Bukod pa rito, paulit-ulit din nila kaming pinaalalahanan kung ano ang dapat naming asahan sa ”tunay na mundo,” na aming haharapin pagkatapos naming mag-aral. Ilan sa mga ito ay ang mga ”sermon” na maririnig namin sa aming magiging mga patnugot kung sakaling mahuli kami sa pagpasa ng artikulo o may nailagay kaming mga maling detalye sa ipinasang artikulo.

Bitbit ko ang mga kaalamang ito, kasama ang tiwala sa sarili kong kakayahan sa pagsusulat, nang pumasok ako sa Agence France-Presse (AFP), isang pang-internasyonal na wire agency, bilang isang on-the-job trainee ngayong bakasyon.

Nang magpasulat ng artikulo ang isang patnugot ng AFP sa akin, kasama ang isa pang intern noong unang araw ng aming OJT, nanibago ako sapagkat napagtantuan kong hindi ako kasinggaling ng iba sa pagsusulat na dati kong inakala.

Kaiba sa mga reporter ng mga national broadsheet at mga broadcasting network, isinusulat ng mga staff members ng AFP ang kanilang mga balita para sa mga mambabasa sa ibang bansa. Kung kaya inuulat lamang nila ang mga pangyayaring, sa tingin nila at ng kanilang editor, ay mayroong malaking epekto o magiging interesante para sa mga mambabasang naninirahan sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Dahil sinanay kaming mga mag-aaral ng journalism na magsulat para sa mga lokal na pahayagan, minsan kong nakaligtaang lagyan ang aking mga artikulo ng mga eksaktong detalye kagaya ng pangalan ng bansa na kung saan naganap ang isang balita at kung anong nasyonalidad ng mga taong nabanggit sa mga iyon.

READ
Lectures held in honor of Thomasian literature pedagogues

Kung sa Pilipinas naganap ang mga pangyayaring ito, kaagad na maiintindihan iyon ng mga Pilipinong mambabasa subalit magiging isang palaisipan naman ang mga balitang ito sa mga Amerikano o mga Hapon dahil hindi naman nila kabisado ang mga lugar dito sa Pilipinas.

Sa sandaling iyon ko naalala ang sinabi ng isa naming propesor na maaaring amin nang kalimutan ang mga natutunan namin sa Unibersidad kapag nagsusulat na kami ng balita para sa mga pahayagan o ahensyang pagtatrabahuan namin. Hindi tulad sa mga exact sciences na gaya ng matematika at pisika na kung saan naituturo ang tiyak na sagot sa bawat tanong o sitwasyon, walang iisang tamang tugon sa mga tanong sa kurso ng social sciences at humanidades. Higit pa ang kawalang katiyakan ng maisasagot sa mga ito sa kursong journalism, na kung saan ang karanasan sa pag-uulat at pagsusulat ang pinakamainam na ”gurong” magtuturo sa isang estudyanteupang maging mas mahusay sa pagsusulat ng artikulo.

Subalit higit pa sa kung paano magsulat ng balitang pang-internasyonal ang natutunan ko sa aking mahigit na isang buwang pananatili sa AFP. Sa aking pakikipag-usap sa editorial assistant ng ahensya na dati ring patnugot ng Philippine Star, nabigyan ako ng ideya tungkol sa kalakaran ng pagsusulat sa diyaryo at napayuhan kung paano makikisalamuha sa mga makakasama ko sa trabaho.

Kinuwento niya sa akin na marami na siyang nakilalang ”sources” na nagbibigay ng ”lagay” sa mga reporter at mga reporter naman na humihingi ng mga ito. Sabi niya, nasa aking pagpapasiya na lamang kung tutularan ko ang kanilang mga ginagawa.

READ
To a different focal point

Bukod sa aking pagkabatid sa mga pasikot-sikot sa larangan ng pagsusulat, natutunan ko rin ang lagay ng buhay ng ating mga kababayan. Halimbawa nito ang kaugalian na ginagawa ng mga Kapampangan na pagpapapako sa krus tuwing Semana Santa.

Namangha ako sa tibay ng kanilang paniniwalang maililigtas ng kanilang pagpepenitensya bagaman at nangangailangan ito ng katapangan nila upang matiis ang sakit ng pagbaon ng pako sa kanilang mga kamay.

Natuklasan ko rin ang kakaibang mukha ng Divisoria nang isinama ako ng isa naming patnugot doon upang kumuha ng mga litrato at makipagpanayam ang isang lalaking gumagabay sa mga batang-kalye at pati na rin sa kanilang mga pamilyang nakatira lang sa mga lansangan. Lingid sa kaalaman ng ilan na naninirahan sila sa mga lansangan at mga hagdan ng mga gusaling kanilang nilalakaran tuwing umaga at hapon.

Sa huli, hindi lahat ng kailangang matutunan ay malalaman sa loob ng klasrum. Batid ko bilang isang nangangarap maging manunulat, kinakailangan kong matutong magsulat sa gitna ng mga aktwal na kaganapan upang magkaroon ng lalim at konteksto ang aming mga isinusulat na artikulo. Joseinne Jowin L. Ignacio

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.