MADALAS na umalingaw-ngaw ang linyang “ang hustisya ay para sa mga mayayaman lamang” mula sa mga maralita habang kanilang ipinapahayag ang mga hinaing ukol sa ‘di umano’y hindi patas na “pagtrato” sa kanila sa loob ng hukuman.
Isang halimbawa nito ang nakasaad sa isang artikulo sa Inquirer.net tungkol kay Zosimo Buco, isang 27 taong gulang na magbabalut mula sa Leyte na lumuwas sa Maynila upang maghanap ng trabaho. Ngunit sa kasamaang palad, naakusahan siya ng pagbaril at pagpatay sa isang sibilyan sa Quezon City. Ipinagtapat niyang kinabahan siya sa paglilitis ng kanyang kaso dahil nahihirapan siyang makapagsalita at makaintindi ng wikang Ingles na ginagamit sa mga korte.
Tanging sa diyalektong Waray lamang matatas magsalita si Buco kaya’t laking pasasalamat niya nang isinagawa ang kanyang paglilitis sa wikang Filipino na nababatay sa Tagalog. Bagama’t hindi siya bihasa sa pagsasalita nito, mas naintindihan naman niya ang mga naganap sa kanyang paglilitis. Batay sa isinagawang pag-aaral ng Social Weather Stations (SWS) noong 2003, 46 na porsiyento ang nagsabing nahihirapan silang makaintindi ng Ingles.
Ang ganitong pagbibigay ng pagkakataong maipagtanggol ng mga nasasakdal ang kanilang mga sarili ay bahagi ng proyektong Forum on increasing access to justice: Bridging gaps and removing roadblocks ng Mataas na Hukuman. Layunin nito ang mapabuti ang pag-unawa ng mga nasasakdal sa paglilitis ng kanilang kaso at mabigyan sila ng pagkakataon na maipahayag ang kanilang panig sa korte sa pamamagitan ng paggamit ng wikang Filipino.
Hindi na bago ang paggamit ng wikang pambansa sa mga paglilitis. Sa akdang Mga Saliksik sa Batas at Politika (2003) ni Cezar Peralejo, inisa-isa niya ang mga probisyon sa Mga Alituntunin ng Hukuman (Rules of Court) ukol sa paggamit ng Filipino sa korte tulad ng pagsasalin ng sakdal sa akusado sa diyalektong nauunawaan niya. Nararapat ding isalin sa diyalektong naiintindihan ng nasasakdal ang mga katibayang dokumento at paunang pagsisiyasat sa krimen.
Ayon kay Peralejo, “ang pagpapatupad sa paggamit ng pambansang wika sa paglilitis ng krimen” ang siyang tanging kinakailangan sa pagtatanggol ng nasasakdal sa kanyang mga karapatan.
Sa ulat ng Inquirer.net noong ika-1 ng Hulyo, sinabi ni Punong Hukom Reynato Puno na naging epektibo ang paggamit ng wikang Filipino sa mga paglilitis. Nagkaroon ng malinaw na komunikasyon sa pagitan ng mga nasasakdal, abogado, hukom at miyembro ng korte.
Una itong isinagawa sa lalawigan ng Bulacan. Dahil sa tulong na naidulot ng paggamit nito sa mga paglilitis, isinusulong na rin ang pagpapatupad nito sa iba pang probinsyang gumagamit ng Tagalog tulad ng Cavite at Batangas.
Ngunit maganda man ang resulta ng proyekto, nagkaroon pa rin ng mga problema sa pagpapatupad nito. Nagpapahirap ang pagkakaroon ng iba’t ibang diyalekto sa bansa bukod sa Tagalog na nagpapatagal sa pagpapatupad ng proyekto sa buong Pilipinas.
Ilan pa sa mga suliraning kinakaharap ng proyekto ay ang pagkakaroon ng mga hukom na hindi matatas sa Tagalog at ang kinakailangang pagsasanay ng mga stenographer o ang mga tagapagtala ng mga pahayag ng nasasakdal para sa panghinaharap na gamit.
Noong taong 2003 at 2004, lumabas sa isang pag-aaral ng SWS na 76 na porsiyento ng 889 na hukom mula sa mga regional trial courts ang tumutol sa paggamit ng wikang pambansa sa mga hukuman.
Subalit kung mabibigyan lamang ng karampatang solusyon ang mga problema sa pagpapatupad ng nasabing proyekto, malaki ang maitutulong nito upang maging mas epektibo at mabilis ang pagkamit ng hustisya ng mga mamamayang nahihirapan sa paggamit ng Ingles.
Mapapalad ang mga nakakapag-aral dahil nakakaintindi sila ng wikang Ingles na ginagamit sa mga pormal na pagtitipon, sa pakikipagkalakalan, at maging sa pagbuo ng mga batas. Ngunit paano na ang mga hindi nakakapagsalita o nakakaintindi ng Ingles? Hindi ba’t bilang mga mamamayan ng bansa, karapatan din nilang maipagtanggol ang kanilang mga sarili?
Kung ang ilang bansa tulad ng Saudi Arabia, Japan at China ay gumagamit ng kanilang pambansang wika sa mga gawaing pang-estado, kaya rin itong gawin ng mga Pilipino.
Ani Peralejo, “ang wika ang pangunahing kasangkapan sa pag-uugnayan sa pagitan ng namamahala at pinamamahalaan; o ng gobyerno at ng mamamayan. Samakatuwid, dapat na gamitin sa komunikasyon ang wika ng bayan para magkaunawaan.”
Kung talagang nais ng mga Pilipino na magkaroon ng pagkakaunawaan hindi lamang sa mga hukuman kundi sa buong bayan, nararapat lamang na payabungin ang paggamit ng wikang nagbubuklod sa ating lahat bilang isang lahi.