PITONG buwan na ang lumipas mula nang maganap ang Wowowee stampede sa Philsports Arena na ikinamatay ng 71 katao at ikinasugat ng 800 iba pa. Pinalitan ng mga eksena ng sigawan at hagulgol ang dapat sanang masayang pagdiriwang ng unang anibersaryo ng programa.
Ngunit ngayon, tila walang bakas na may nangyaring masaklap dahil bumalik na sa dati ang pagtangkilik ng mga tao sa naturang game show at mga katulad nito. Tuloy-tuloy pa rin ang pagpila sa labas ng mga istasyon upang makalahok sa mga palaro. Walang patid ang pamimigay ng mga premyo sa mga maralitang kalahok na pinalad na maunang sumagot sa mga tanong.
Para sa ating mga kababayang mahihirap, hindi nakakasagabal ang mga aksidente upang sumali sa mga game show na nangangako ng agarang lunas sa kahirapan. Lalo na sa panahon ngayon na tumataas ang halaga ng mga bilihin, pati na ang mga bayarin sa kuryente, tubig, at pag-aaral ng mga anak. Sino ba naman ang tatanggi kung limpak-limpak na salapi, bahay at lupa, sari-sari store showcase, at motorsiklo ang kapalit matapos makipag-unahang makasagot sa mga tanong.
Pinangarap ko na ring sumali sa isang game show. Sa isang banda, bunga ito ng mga pagbibiro ng aking mga kapamilya at kaibigan. Ngunit hangad ko ring manalo ng gantimpalang ilang libong piso. Kagaya ng iba nating kababayan, nais kong sumubok ng isang madaling paraan upang magkaroon ng pera. Subalit, hindi ko ito naisakatuparan dahil kulang ang aking oras upang subukan ito.
Naalala ko tuloy ang kuwento ni Lolita Bergado, isa sa mga nasawi sa stampede, na aking nabasa sa I Report ng Philippine Center for Investigative Journalism. Sinabi ng kanyang asawang si Mang Peryo, na noong nabubuhay pa si Aling Lolita, nais na nitong maghanap ng perang panustos sa mga pangangailangan ng kanilang pamilya. Kailangan pa nilang bayaran ang kanilang bahay na nagkakahalagang P9,000, 10 taon mula nang kanilang binili ito. Bukod pa rito, kailangan ding bayaran nang hulugan ang tricycle na pampasada ng asawa. Binalak ni Lolita ang pagsali sa Wowowee dahil ito raw ang makakatulong sa kanila na umahon sa kahirapan.
Kung sa bagay, higit na madali ang pagsali sa mga game show kaysa sa magbanat ng buto para sa sahod na hindi lalagpas ng P200 bawat araw. Pipila ka lamang sa labas ng iyong paboritong istasyon, at hintaying bigyan ka ng mga production assistant ng coupon bago makapasok sa loob ng studio. Tungkol sa mga ordinaryong bagay ang mga tanong, uunahan mo lamang ang iyong kalaban na masagot ito ng tama. Kung minsan, hindi na nga ito kailangan. Sa Deal or No Deal, dapat matapang ang loob mo sa pagtaya kung anong maleta ang pipiliin. Sa huli, kapag sumali ka sa mga game show, makikita at makakamayan mo pa ang iyong mga paboritong artista, tulad ni Kris Aquino o ni Willie Revillame.
Ngunit, panandalian lamang ang ganitong uri ng kasayahan at hindi dapat labis na bigyang-pansin. Kapag naglaho na ang mga palakpakan at nagamit na ang premyong naiuwi mula sa palaro, kailangang kumayod na naman upang matustusan ang mga pangangailangan sa araw-araw at sa mga taon pang darating. Nakakatakam ang mga premyong inaalok ng mga game show sa atin, ngunit dapat isaalang-alang na higit pa ring mahalaga ang tiwala sa sariling sikap at kakayahan. Sa huli, ang ating mga sarili naman ang may huling pasiya kung aayos na ang kalagayan natin, hindi sa pagsagot ng simpleng tanong o pagpili ng tamang maleta.
Kinakailangang paiigtingin pa ng pamahalaan at ng pribadong sector ang mga livelihood training program upang bigyan sila ng trabaho. Dahil, higit na mainam kung matututo tayong maging game sa trabaho at ipaglaban natin ang ating karapatan dito. Ruben Jeffrey A. Asunción