ISINATALUDTOD ni Vijae Alquisola sa kaniyang unang limbag na aklat na pinamagatang “Sa Mga Pansamantala: Mga Tula” (UST Publishing House, 2017) ang pagdanas sa mundo ng mga taong sinusubok ng pasakit ng pag-alis ng kanilang mga minamahal.
Sa koleksiyon ni Alquisola, namukod-tangi ang pagsasalaysay sa karanasan ng isang bata. Pinuri ito ni Allan Popa, dalubguro sa Ateneo de Manila, dahil sa “pambihirang kakayahan nitong iparanas ang karunungan ng isang bata sa kabila ng kasalatan ng kaalaman ng isang bata.”
Binubuo ito ng 49 na tulang hinati sa apat na malalaking bahagi.
Mapapansin din ang kakaibang estilo ng pagkakasulat ng mga tula upang magkaroon ng samo’t saring impresyon na papatok sa panlasa ng mambabasa. Ayon nga kay Genevieve Asenjo, makata mula sa Pamantasang De La Salle, isinakatawan ng koleksiyon “ang paghahanda’t paghahain ng pag-ibig… sa iba’t ibang anyo, iksi’t haba, lasa’t tunog ng wika.”
Nilalaman ng aklat ang ilan sa mga tula na kabilang sa kaniyang nagwaging koleksiyon sa Don Carlos Palanca Memorial Awards noong 2014, gayon din ang mga nailathala sa iba’t ibang antolohiya at pampanitikang dyornal katulad ng Tómas.
Ayon naman kay Luna Sicat-Cleto, isang kuwentista at makata sa Unibersidad ng Pilipinas, “umuuwi si Alquisola sa mga payak na karanasan, sa mga paghuhugis ng mga lugar at lunan, [at] sa pagbabalik ng lasa sa mga nakalimutan at kinalimutan.”
Pinatutunayan ang pag-uugnay na ito sa pamamagitan ng mga tulang tulad ng “Bahay-bahayan,” “Trip to Jerusalem,” at “Horror Train.”
“Sa ganito ko unang natitigan ang takot,
katabi ang ‘di kilalang bata at tatay niya.
…Hindi ako sumigaw o nagtakip ng mata
tulad ng mga batang niyakap ng katabi
na nagtaboy sa pag-amba ng mga pangil.”
– sipi mula sa Horror Train
Hayag din ang paglalaro ni Alquisola sa mga salita. Inisipan niya ng malikhaing ugnayan ang mga pangyayari mula sa kasalatan ng pamumuhay at ang mga bagay at hayop na nagkaroon ng mahahalagang bahagi sa pagkamusmos.
Pamilya at pangingibang-bansa naman ang nangibabaw sa ikalawang bahagi ng aklat. Naging katangi-tangi ang tulang “Pagsubok” sa pagpapakita nito ng kakaibang anyo sa panulaan ng pagkukulang.
Tinimpla at pinalasap ni Alquisola sa ikatlong bahagi ang pait na nararanasan ng mga “napag-iwanan” sa paraan ng paggamit ng konsepto at kagamitan sa pagluluto.
Mapapansin din ang pagpapaloob ng katutubong kulay. Piniga ang lasa ng pinais, pinangat at tamalis sa tulang “Mga Binalot Mula sa Sampaloc, Quezon” upang ipatikim ang lasa ng pagnanais at paglisan. Litaw ang konseptong ito sa mga taludtod na:
“Paano maililigtas sa pagkapanis ang nais?
Paano naibabalot, sarap ng angat?
Kailan nagiging tama, asim ng alis?”
Bunga ng mahusay na pagtula, naipababatid ni Alquisola sa mambabasa ang pakiramdam ng mga taong sinusubok ng paglisan tulad na lamang sa kalagayan ng pamilya ng mga Overseas Filipino Workers o OFW.
Sa tulang “Snapshots” mula sa ikaapat na bahagi ng koleksiyon, ang paglipas ng panahon ang nagiging punto de vista ng tula. Tinatalakay nito ang paglalakbay ng isang anak na nawalay sa magulang sa murang edad, iba ang kasama paglaki hanggang sa natutuhan kung paano tumayo sa sariling mga paa.
Naging hudyat man ng kalungkutan ang pamagat ng koleksiyon maging ang pabalat nitong nakatingala’t bukas-palad na tao, isang uri ng panghihimok ang aklat upang ipabatid sa mambabasa na laging may katapat na kalungkutan ang mga lumilisan.