02 Agosto 2013, 5:23 p.m. – HINIKAYAT ang mga Tomasino na maglaan ng animnapu’t pitong minuto ng paglilingkod sa kapwa bilang pagkilala sa animnapu’t pitong taong paglilingkod sa mga mahihirap ni Nelson Mandela, dating pangulo ng South Africa.

Sa kanyang mensahe sa pagbubukas ng traveling exhibit na nagpupugay sa mga nagawa ng dating pangulo sa Tan Yan Kee Student Center lobby kaninang umaga, inilarawan ni Fr. Herminio Dagohoy O.P., rektor ng UST, si Mandela bilang isang taong may prinsipyo na ipinaglaban ang kanyang paniniwala kahit na ang kapalit nito ay ang kanyang kalayaan.

Hinamon naman ni Agnes Nyamande-Pitso, ambassador ng South Africa sa Pilipinas, ang mga Tomasino na magkaisa sa pagtulong sa mga taong nangangailangan.

Always look next to you who has fallen, pick them up. Because if you don’t, you’ll be a nation full of selfish people, a nation that does not have good citizens, a lost nation,” ani Pitso.

Inihalintulad din ni Pitso si Mandela sa pambansang bayani na si Jose Rizal dahil pareho silang sumisimbolo sa pag-asa sa buong mundo.
“Mandela is to South Africa and the rest of the world what Rizal was in the Philippines and still is. He’s your symbol of hope,” aniya.

Ang exhibit, na nagpapakita ng mga retrato ni Mandela sa kanyang mga paglalakbay, ay pinamunuan ng embahada ng South Africa kasama na ang United Nations Information Center. Ito ang ikatlong pagtatanghal ng exhibit, na magtatagal hanggang sa ikalima ng Agosto. Sunod naman nitong pupuntahan ang Unibersidad ng Pilipinas – Diliman at ang SM Aura.

READ
Ex-budget secretary: 'What pork abolition?'

Kasalukuyang binabantayan ng mundo ang kundisyon ni Mandela, na nasa ospital mula pa noong Hunyo dahil sa sakit sa baga.

Si Mandela ang pinakaunang South African black president na nanungkulan noong 1994 hanggang 1999. Maliban sa kanyang mga proyekto kontra kahirapan, kinilala si Mandela sa buong mundo dahil sa kanyang kampanya laban sa apartheid o ang dating polisiya ng diskriminasyon sa mga itim sa South Africa. Ginawaran din siya ng Nobel Peace Prize noong 1993.

Ang pagtatanghal ng exhibit ay alinsunod sa pagdiriwang ng “Nelson Mandela International Day” tuwing ika-18 ng Hulyo, kaarawan ni Mandela, na itinakda ng isang resolusyon ng United Nations noong 2009. John Joseph G. Basijan

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.