MAITUTURING bang kabutihan ang pagtulong kung bakas na bakas naman ang umaalingasaw na motibo sa likod nito?
Ang tinutukoy ko ay ang “pagpapabango” ng mga oportunistang nabansagan pa man ding public servants ilang buwan bago ang halalan.
At nakapagngingitngit na sinamantala pa nila ang paghagupit ng habagat noong isang linggo, na sanhi ng paghihinagpis ng maraming Pilipino! Hindi sila magkamayaw sa pamamahagi ng relief goods at tulong pinansiyal sa mga nasalanta, na wala sanang kaso kung hindi sa kabi-kabila nilang media exposure sa telebisyon at radyo.
Pansin n’yo bang tila hasang-hasa sila sa mga talumpati upang hikayatin ang publiko na magpaabot ng kanilang tulong? At pagkatapos, ano? Tatatakan nila ang tulong ng sibilyan na ipinadaan sa kanila upang palabasin na sa kanila galing ang mga ito, tulad ng isang patok na larawan sa Facebook na nagpapakita ng relief goods—pati plastik ng bigas ay hindi pinalagpas!—na tadtad ng sticker ng mukha ng isang politiko?
Kamakailan din, kumalat sa Facebook ang retratong tarpaulin na may isang politiko na tila inaangkin ang isang programang pagtulong ng Unibersidad sa nasasakupan niya. Bukod sa eleksiyon sa susunod na taon, ano pa ba ang mayroon kaya laganap ang kabaluktutan ng “serbisyong pampubliko”? Nasaan na ba ang Anti-Epal Bill?
Ang nakalulungkot, umaani pa rin ng simpatya ang mga politikong ito. Hindi naman sa tinututulan ko ang pagtulong nila sa kapuwa Pilipino, unang-una dahil tungkulin nila ito. Ang tinutuligsa ko ay ang mapanlinlang na pagtulong, tulad ng pag-aangat ng sariling bangko sa gitna ng trahedya upang ipakilala ang sarili para sa susunod na halalan.
Lalo namang dapat ikondena ang mga gawain ng ilang politiko na naisiwalat ng mga investigative programs kung saan ginagamit ang nakalaang pondo para sa relief operations ng pamahalaan sa pagtulong, ngunit kalakip naman ng mga relief goods ang pangalan ng politiko.
Tunay na katangi-tangi ang kagandahan ng “utang na loob” ng mga Pilipino, ngunit dapat suriin ng taumbayan kung sino ang nararapat na paglaanan nito.
Huwag sana nating hayaan na gahasain at dungisan ng mga mapagsamantalang public servant ang busilak na katangiang ito ng mga Filipino.
Para naman sa mga politiko, hindi kinakailangang ibalandra ang mukha at pangalan upang kilalanin ng taumbayan ang kakayahang ninyong mamuno. Hindi ba’t ang tunay na pagtulong, gaano man kaliit o kalaki, ay hindi nag-aasam ng anumang kapalit?
Ngunit, hindi naman ito gawain ng lahat ng politiko sa bansa. Mayroon din namang iba na tumutulong sa kapuwa na hindi naghahangad ng anumang kapalit. Sila ang mga taong bukal sa kalooban ang pagbabahagi ng kung ano ang mayroon sila.