Ang lihim at aral mula sa ‘V’

0
1236

HIGIT pa sa pagsusulat, pagdidibuho, pagkuha ng retrato at iba pang kuwalipikasiyong makikita sa call for applicants ang hinahanap ng pahayagang The Varsitarian.

Hinahanap ng ‘V’ ang mga taong matatag ang loob at mayroong taglay na kagalakan upang matuto ng mga bagay na higit pa sa kasalukuyang saklaw ng kanilang kaalaman. Hindi dahil wala kang ibang alam maliban sa mga nasabing talento, hindi ka na maaaring matuto o magkusang magpaturo.

Nararapat na bukas ang isipan ng kung sinumang nais makapasok dito kung paano anyayahan ang iba’t ibang mga kompanya upang maging sponsor sa mga patimpalak at paunlakan ang mga tanyag na manunulat upang maging hurado o tagapagsalita sa mga seminar o workshop. Hindi pa kasama rito ang pagbubuhat ng mesa, upuan at iba pa upang ayusin ang venue ng iba’t ibang extra-editorial activities.

Kukunin din nito ang iyong oras at pagod na maguudyok sayong ilaan ang 24 na oras sa isang araw sa tamang paraan upang walang minutong masasayang para sa pag-aaral.

Hindi tahanan ang ‘V’ ng mga batang patatahanin ang pag-iyak. Maaaring umiyak, ngunit bawal magpalunod sa sariling luha. Bagkus, isa itong newsroom na mayroong pagpapahalaga sa deadlines, malinaw na komunikasiyon sa pagitan ng mga patnugot at kanilang mga manunulat, at pagsunod sa mga nakasaad sa konstitusiyon ng pahayagan at ng Unibersidad.

Hindi tatagal nang siyam na dekada kung mahihinang loob ang nagpapatakbo sa V, at isang pribelehiyo ang mapabilang sa mga piling mag-aaral na pagsilbihan ang Unibersidad sa pamamagitan nitong pahayagan.

Isang malihim na pahayagan ang Varsitarian. Iba’t iba ang dating nito sa iba’t ibang staffers. Marahil depende ang paratang sa tibay ng dibdib ng pinagmulan nito.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.