PINANGUNAHAN ng isang kalahok mula sa Ikalawang Ustetika Palihang Pampanitikan ang mga Tomasinong nagsipagwagi sa ika-22 Gawad Ustetika Patimpalask Panitikan na ginanap noong Disyembre 16.

Iginawad ang Rector’s Literary Award (RLA) kay Samuel Raphael Medenilla, kasalukuyang nasa ikalawang taon sa kursong Journalism sa Faculty of Arts and Letters (Artlets), para sa kaniyang maikling kuwentong “Overpass.”
Naging kalahok si Medenilla sa taunang palihan ng Varsitarian noong Setyembre ng nakaraang taon.

Ibinibigay ang RLA sa mga kalahok na nagwagi ng unang gantimpala sa anumang kategorya na nagpakita ng Katolikong pananaw ng grasya at pagkaligtas sa kanilang akda.

Tinatalakay sa “Overpass” ang kuwento ng isang mag-aaral na nakakita ng isang bangkay sa overpass at kung paano nito pinaalala ang kaniyang namatay na ama. Ayon kay Medenilla, na tinanghal din bilang Kuwentista ng Taon, isinulat niya ang kuwento matapos makakita ng isang pulubing nakahiga sa overpass sa España.

“Tinatalakay sa aking kuwento kung papaano mauunawaan ang sarili sa pamamagitan ng pagkakasangkot sa mga problema ng lipunan,” ani Medenilla.

Samantala, iginawad naman ang ikalawang gantimpala sa kategoryang Katha kay April Camille Banzon ng AB-Communication Arts para sa kwentong “Pahabol.” Si Banzon ang nagwagi ng RLA noong nakaraang taon para sa akdang “Supling ng Liwanag.”

Nakamit naman ng unang taong mag-aaral ng Communication Arts na si Kathleen Grace Nicanor ang ikatlong gantimpala para sa kaniyang kathang “Yosigaril.” Kinilala naman bilang karangalang-banggit si Jaymar Castro, ikatlong taong mag-aaral ng Communication Arts, para sa kuwentong “Minsan Namatay ang Pag-ibig.”

Walang itinanghal bilang Fictionist of the Year, subalit nakuha naman ni Benedict Parfan, kasalukuyang nasa ikaapat na taon sa kursong Journalism, ang ikalawang gantimpala sa kategoryang Fiction para sa “The Kangaroo Conspiracy,” na patungkol sa buhay ng isang babaeng may obsessive-compulsive disorder. Ito na ang pangatlong taong beses na nagwagi si Parfan sa Ustetika. Nagkamit siya ng mga gantimpala sa mga kategoryang Fiction at Katha noong 2004 at sa Tula naman noong 2005.

READ
Benjie Reyes' innovations in wood

Nakuha naman ni Miguel Camus, nasa unang taon ng kursong Architecture, ang ikatlong gantimpala para sa kaniyang akdang “The Inheritance.” Kinilala naman bilang karangalang-banggit si Ronald Allan Benusa, ikaapat na taong mag-aaral ng kursong Literature, para sa kuwentong “She With The Burden of Synagogues.”

Ipinagkaloob naman ang titulo bilang Makata ng Taon kay Artlets Amie Regine Co, nasa ikatlong taon sa kursong Philosophy para sa koleksiyong Mga Metro at Patintero, isang koleksiyon ng mga tulang tumatalakay sa paglutas sa mga problema sa buhay.

“Nangingibabaw na tema ang tungkol sa mga distansyang kailangang tawirin para mabigyan na ng hangganan ang mga hindi matapos-tapos na mga laro (sa buhay),” ani Co.

Muling nagkamit ng pagkilala si Nicanor nang makuha niya ang ikalawang gantimpala sa kategoryang Tula para sa akdang Saliw, habang nakuha naman ni Mark Cezar Sucgang ng College of Commerce ang ikatlong gantimpala para sa koleksiyong Si Eagleman at ang Kaniyang Breakfast at Iba Pang Tula.

Itinanghal naman si Alessandra Rose Miguel bilang Poet of the Year para sa kaniyang koleksiyong Because The Sea is Never a Perfect Metaphor. Nasa ikaapat na taon sa kursong Journalism, kasalukuyang punong patnugot si Miguel ng The Flame, ang opisyal na pahayagan ng Faculty of Arts and Letters.

“Tumatalakay ang aking koleksyon ng mga tula sa mga pangyayaring ating kinakaharap sa buhay tulad na lamang ng mga suliranin sa wika, kasarian at pamilya,” ani Miguel.

Dagdag pa niya, “itinuturing kong isang hamon sa aking sarili ang aking pagkapanalo upang mapatunayan ko na nararapat nga sa akin ang gantimpalang ito.”

Muling nagwagi si Parfan nang makuha niya ang ikalawang gantimpala sa kategoryang Poetry para sa akdang Sparks. Napunta naman kay Artlet Keith Bryan Cortez, ng kursong Literature, ang ikatlong gantimpala para sa koleksiyong Dedications and Other Replicas. Kinilala naman bilang karangalang-banggit si Frederic Dimzon, nasa ikaapat na taon sa kursong Literature, para sa koleksiyong “Always Your Image.”

READ
No ID strap, no entry

Samantala, itinanghal naman si Chuck Smith bilang Essayist of the Year para sa kaniyang sanaysay na “Scenes From A Defunct Opera” na tumatalakay sa pagkahumaling ng kaniyang ina sa mga artista. Ikalawang beses nang nanalo si Smith sa Ustetika, mula nang magwagi siya ng ikatlong gantimpala sa parehong kategorya noong 2005 para sa akdang “Duende, Deadlines and One Thousand Golden Buddhas.”

Ani Smith sa Varsitarian, nagpapahikayat sa kaniya ang dalawang ulit niyang pagkapanalo sa Ustetika upang higit na magtuon sa pagsusulat ng sanaysay.

“Kung patuloy man akong magsusulat, mas itutuon ko ito sa mga sanaysay dahil noon pa ako sumusubok ng ibang mga genre pero mukhang dito ako nagtatagumpay nang kaunti,” ani Smith.

Muling nagwagi si Cortez matapos niyang makuha ang ikalawang gantimpala sa kategoryang Essay para sa akdang “Jude.” Ibinigay naman kay Mark Joseph Delgado, nasa ikatlong taon ng College of Commerce, ang ikatlong gantimpala para sa sanaysay na “The Lady of the Fans,” habang kinilala naman bilang karangalang-banggit si Ana Kristine Valenzuela ng AB Literature para sa akdang “Topamax Girl.”

Sa kategoryang Sanaysay naman kinilala si Artlets Khristine Joy Pulumbarit ng kursong Journalism bilang karangalang-banggit para sa akdang “Isang Tapak sa Panahon at Isa sa Kawalan ng Wakas.” Walang nagwagi ng una, ikalawa at ikatlong gantimpala sa kategoryang ito.

Tumanggap ang lahat ng mga nagsipagwagi ng cash prizes at sertipiko. Ginawaran ng mga glass trophy ang mga nagkamit ng unang gantimpala, samantalang binigyan naman ng mga medalya ang mga nanalo ng ikalawa at ikatlong gantimpala.

Pamantayan sa kagalingan

Ayon sa mga hurado, ginamit nilang batayan sa mga akda ang mahusay na paggamit ng wika, malalim na kaisipan sa pagtalakay ng mga paksa, maayos na daloy ng pagsasalaysay at ang pagiging totoo ng tinig ng awtor.

READ
Sa telon ng kasaysayan

Sabi ni Roel Manipon, isa sa mga hurado sa kategoryang Essay at dating katuwang na patnugot ng Varsitarian, gumanda ang kalidad ng mga inilahok na akda sa kategoryang ito.

“Nagkaroon ng pag-unlad sa kalidad ng mga inilahok na akda dahil hindi lamang nagsasalaysay at nagtuturo ang mga ito. Ipinakita rin sa mga akda ang maingat na paglapat ng istraktura at istilo sa pagsulat,” ani Manipon.

Kabaligtaran naman ang nangyari sa Sanaysay. Ani Michael Coroza, isa sa mga hurado sa kategoryang ito at dating katuwang na patnugot ng Filipino ng Varsitarian, wala sa mga isinumiteng sanaysay ang may “mataas na pagtugon” sa mga may-akda sa kanilang mga paksa. Iminungkahi ni Coroza na magdaos ng palihan ang pahayagan para sa mga guro ng Unibersidad upang malinang ang kanilang kasanayan sa mga alintuntunin ng sanaysay. Aniya, makatutulong ito sa kanila upang “makapagtuturo sila ng mahusay na pagsulat ng sanaysay sa mga estudyante.”

Samantala, sinabi ni Añonuevo, hurado sa Tula, na higit na pinansin nilang mga hurado sa kategoryang ito ang pagiging “malikot” mag-isip ng mga makata sa halip na ang uri ng paksang tinatalakay ng makata.

Kabilang sa mga naging hurado sa ika-22 Gawad Ustetika sina: Roberto Añonuevo, Teo Antonio, at Frank Rivera (Tula); Carlomar Daoana, Raymund Garlitos, at Victor Emmanuel Carmelo Nadera, Jr. (Poetry); Eros Atalia, Abdon Balde, Jr., at Edgar Samar (Katha); Dean Francis Alfar, Florentino Hornedo, at Angelo Lacuesta, (Fiction); Reynaldo Candido, Jr., Arthur Casanova, at Michael Coroza (Sanaysay); at Oscar Campomanes, Marra Lanot, at Roel Hoang Manipon (Essay).Kasabay rin sa gabi ng parangal ang paglunsad ng Ustetika Folio, isang kalipunan ng mga akda ng mga nagwagi sa patimpalak mula 2001 hanggang 2005. Ruben Jeffrey A. Asuncion at Richard U. Lim

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.