HANGAD ng lahat ng tao ang kaginhawahan. Ngunit minsan, sa kagustuhang makamit ito, nagagawang kumapit ng iba sa pagsusugal.
Umikot sa katotohanang ito ang mundo ng isang inang kubrador, na siyang pamagat ng pelikula ni Jeffrey Jeturian. Hindi pa man isinasalang sa mas malalaking sinehan sa Maynila, umani na ang Kubrador ng parangal mula sa New Delhi International Film Festival at Moscow International Film Festival.
Sa panulat ni Ralston Javier, tahasang inilantad ng pelikula ang kalakaran ng jueteng at ang mga sari-saring panlipunang suliraning kaakibat nito, tulad ng kahirapan at katiwalian sa gobyerno. Nakatuon ang kuwento kay Amy (Gina Pareño), isang kubrador na nakikipagsapalaran sa ilegal at mapanganib na mundo ng pagkoleka ng mga taya sa jueteng. Ibinahagi sa loob ng mahigit dalawang oras na pagsasalaysay ang pakikipagbuno ni Amy sa masisikip at nakakahilong eskinita upang makahanap ng mga tataya. Sa kabila ng kahirapan, nanatili ang likas niyang pagkatao bilang isang relihiyosa at mapagkawang-gawang kaibigan. Masiyahin pa rin ang kanyang disposisyon at nakakatuwa rin ang pagpili niya ng mga numerong suwerte sa taya, gaya ng “13-29” sa namatayan at iyakan at “8-15” sa bata at bayag.
Nagtapos ang kwento sa Araw ng mga Patay matapos magkasakit at muntikang makulong si Amy. Sa mga araw na iyon, kapansin-pansin ang maraming beses na pagpaparamdam ni Eric (Ran del Rosario), ang yumaong sundalong anak ni Amy, na patuloy na umaalalay sa ina.
Naipakita rin ng pelikula kung paano kumilos nang patago ang mga kabo (tagapamahala ng mga taya) at kubrador ng jueteng. Kabilib-bilib ang pagtakas ng mga kabo sa tuwing may “kalaban,” na nabigyang diin sa eksena ng paghahabol ng pulis mula eskinita hanggang mga bubungan ng mga barung-barong.
Ayon kay Pareño, naging madali para sa kanya ang pagganap kay Amy. Kumuha talaga ang direktor ng totoong mga kubrador ng jueteng para sa mga eksena ng bolahan.
“’Yung mga tumatayong kubrador, kalahati roon totoong mga kubrador—babae, lalaki, matanda,” ani Pareño sa Varsitarian. “Sila iyong mga nakukulong sa Camp Karingal kapag nagkakahulihan.”
Eye-opener
Nagmistulang salamin ng nakapanlulumong sitwasyon ng lipunang Pilipino ang buhay ni Amy. Ayon kay Jeturian, hinubog ng lipunan ang katauhan ng kubrador.
“Isang representasyon si Amy ng ordinaryong Pilipino, na kahit dukha, nakakayanang mabuhay sa gitna ng paghihikahos,” ani Jeturian sa Varsitarian.
Itinuturing ng direktor na angkop ang paggamit ng isyu sa jueteng bilang sentrong paksa ng pelikula. Marami sa atin ang batid na ilegal ito, ngunit marami rin ang walang malay kung bakit ito ilegal.
“Ipinapakita ng pelikula ang nakakaawang kalagayan ng mga kababayan nating mahihirap at kung paano sila nagiging biktima ng sugal na hindi man lamang nila nalalamang mas lalo silang naghihirap dulot nito,” aniya.
Inilantad din sa ilang eksena ang mga pagtaya ng hepe ng pulisya kapalit ng piyansa ni Amy at ang pagbibigay ng lagay ng operations treasurer na si Mang Poldo (Johnny Manahan) sa mga opisyal ng gobyerno at Simbahan.
“Sa iba’t ibang paraan, binubuksan ng Kubrador ang ating mga mata sa mas malinaw na larawan ng kabaluktutan ng ating sistema,” pahayag ni Jeturian.
Bukod sa panlipunang isyu, naipakita ng Kubrador ang kahalagahan ng pananampalataya sa isang kapit-sa-patalim na pamumuhay.
“Pananampalatya lamang ang nagbibigay ng lakas sa mga tulad ni Amy na ipagpatuloy ang buhay, isang bagay na puwedeng kapitan sa panahon ng kagipitan,” ani Jeturian.
Sa simula ng pelikula, ipinakita si Amy na nagdarasal sa harap ng isang maliit na altar sa kaniyang dampa, kumpleto pa sa kandila at rosaryo. Ipinagdarasal ni Amy sa bawat umaga na huwag siyang mahuli habang nangungubra ng taya.
“Maaaring tayong mga Pinoy ganoong ka-cool tungkol sa jueteng dahil naging bahagi na ito ng ating pamumuhay,” ani Pareño. “Pero sa loob-loob natin, hindi natin malaman kung maayos ba ito, kahit na ganoong kagaan lang ‘yung pagdala natin sa isyu.”
Nakatakdang ipalabas ang Kubrador sa ika-16 ng Agosto sa 12 sinehan sa Metro Manila. Positibo ang pananaw ng prodyuser ng pelikula na si Joji Alonso dahil na rin sa tiwala niya sa de-kalidad na pagkakalikha ng pelikulang ito.
“Ipinagmamalaki kong nakagawa kami ng isang pelikulang may kalidad at katotohanan. Nilikha ito ng isang grupong naniniwalang kailangan na ng pagbabago sa ating sistema at panahon na para isakatuparan ito,” ani Alonso.