MAIHAHAMBING ang tagumpay sa iba’t ibang klaseng tugtog. Mayroong mabagal na tila nakakaantok at mayroon din namang mabilis na para bang may kung anong hinahabol. Gayunpaman kung musika at tagumpay din lang ang pag-uusapan, tiyak na hindi magpapahuli si Ernesto Lejano.
Huling bahagi ng dekada ’50 nang magtapos sa Conservatory of Music ng Unibersidad si Lejano. Dahil sa kanyang angking galing, nabigyan siya ng pagkakataon na mapagyaman ang kanyang kaalaman sa ilalim ng pagtuturo ni Jose Cubiles ng Royal Conservatory, sa Madrid.
Sa Madrid, nagpamalas na agad ng kanyang talento si Lejano. Itinaguyod niya ang lahing Pilipino sa larangan ng musika nang kanyang makamtan ang Cultura Hispanica award, ang pinakamataas na karangalan sa konserbatoryo, at ang Premio de Virtuosisimo.
Hindi naglaon, sa gulang na 26, nakatanggap ng scholarship si Lejano mula sa Music Promotion Foundation of the Philippines. Kasabay nito, binigyan din siya ng Fullbright grant ng Eastmann School of Music sa Rochester, New York. Taong 1961, nang matapos ni Lejano ang kanyang kursong Master of Music Literature (Piano Performance major).
Matapos makamit ni Lejano ang kanyang master’s degree, kumuha siya ng Doctor of Musical Arts in Performance and Pedagogy degree sa Eastmann School of Music. Doon, naging bahagi siya ng Eastmann-Rochester Orchestra sa ilalim ng direksyon ni Dr. Howard Hanson.
Bilang isa sa mga pangangailangan sa kanyang doctorate degree, sumulat si Lejano ng mga cadenza para sa piano concertos ni Wolfgang Amadeus Mozart. Natapos niya ang kanyang kurso noong 1965.
Naging makulay ang karera ni Lejano. Naging full-time propesor siya sa University of Alberta sa Edmonton, Canada. Bukod doon, nakasama siya sa Edmonton Symphony at naging soloist nito noong 1970-71 concert season.
Nagtanghal sa iba’t ibang sikat na lugar sa magkakaibang bansa si Lejano. Noong 1987, ginawaran siya ng pamahalaan ng Alberta ng Lifetime Achievement Award (Excellency category).
Tumanggap din siya ng Outstanding Filipinos Overseas Award mula sa tanggapan ng Pangulo at sa Kagawaran ng Turismo.
Nagpasa rin ng isang resolusyon ang Kamara de Representantes ng Pilipinas upang bigyang-pugay ang mga kontribusyon ni Lejano sa larangan ng musika, noong Marso 2000.
Pumanaw si Lejano sa gulang na 67 noong Pebrero 2000. Apat na taon matapos niyang mawala, isang patimpalak sa pagtugtog ng piano ang inilunsad ng Unibersidad bilang pag-alala sa kanya at sa pagdiwang sa National Arts Month.
Sa tagumpay na nakamit ni Lejano sa kanyang tanang buhay, siguradong isang masayang awitin ang kanyang inaawit nasaan man siya ngayon. Natapos na niya ang kanyang obra-maestrong ginawa siyang imortal—ang kanyang mga naiambag sa larangan ng musika at ang mga karangalan na ibinigay sa bansa.
Tomasalitaan:
Buhalhal (pu.) – magastos; maaksaya
Halimbawa: Buhalhal – Buhalhal talaga si Isko! Binibili niya lahat ng kanyang magustuhan kahit mahal at walang katuturan.
Sanggunian: The Varsitarian (vol. 42, no.16), at www.mb.com.ph