HIGIT na makapupukaw ng damdamin ang mga pampanitikang akda kung nakasulat ang mga ito sa wikang Filipino.
Ito ang pagpapatunay ng Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si Bienvenido Lumbera sa isang palihan sa Pamantasang Normal ng Pilipinas noong ika-10 ng Disyembre.
“Marami nang kabataan [ngayon] ang sumusulat sa wikang Filipino kahit na nagsimula silang matuto [ng pagsusulat] sa wikang Ingles,” ani Lumbera sa isang panayam sa Varsitarian.
Dagdag pa niya, napupuna na rin ng mga kabataang manunulat na higit silang maaiintindihan ng mga mambabasa kung gagamitin nila ang wikang pang-araw-araw at likas sa karamihan.
Idiniin ng Tomasinong manunulat na mahalaga ang tugon ng mga mambabasa sapagkat nagpapatunay ang mga ito sa antas ng komprehensiyon nila sa mga babasahin.
Sa pagsusulat gamit ang wikang Filipino, higit na lalawak ang maaabot ng kaisipan ng mga pampanitikang akda, aniya.
Bukod pa rito, mas malalim ang nagiging ugnayan ng mga mambabasa sa mga akdang Filipino sapagkat natural ito sa kanilang ginagalawan na lipunan.
“Dapat nating kilalanin ang wika bilang wika ng isang lipunan na hinihiram lamang ng isang manunulat upang magpahayag ng kaniyang karanasan sa ginagalawang lipunan,” ani Lumbera.
Nilinaw niya na hindi niya pinipigilan ang pagsusulat ng ilang mga lokal na akda sa wikang Ingles.
“Hindi ko ipinapayo na ang lahat ng manunulat sa Ingles ay lumipat sa Filipino. May puwang para sa mga manunulat ng Ingles, ngunit hindi ito ang kabuuan ng panitikan na nais nating buuin sa Filipinas,” dagdag pa niya.
Pinamunuan ng The Torch, ang pahayagang pangmag-aaral ng Pamantasang Normal, ang pagtitipon.