BUNSO kung maituturing sa ating mga pambansang pagdiriwang ang Buwan ng Panitikan ng Filipinas (BPF) ngayong Abril na isang malaking hakbang sa pagpapayabong ng pambansang pagpapahalaga sa ating literatura at mga manunulat.
Sa kasalukuyan, ikalawang taon pa lamang nito sa bisa ng Proklamasiyon Bilang. 968, s. 2015, na nilagdaan ni Pangulong Benigno Aquino III alinsunod sa probisiyon ng Konstitusyon na dapat payabungin ang kasaysayan, kultura at sining ng bansa.
Inilarawan ng Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si Virgilio Almario ang selebrasiyon bilang pagkakataon upang “bigyan ng espesyal na pagtingin at pagmamalasakit ang panitikan ng Filipinas pati na ang mga awtor [ng bayan].”
Binigyang-diin naman ng direktor ng Center for Creative Writing and Literary Studies (CCWLS) ng Unibersidad na si Cristina Pantoja-Hidalgo na saklaw ng pagdiriwang ang lahat ng uri ng panitikan na nasusulat sa higit isandaang wika ng Filipinas.
“Ang buwan ng panitikan ay hindi lang naman para sa panitikan ng Filipino kundi sa panitikan ng Filipinas,” aniya. “It is actually a celebration of the literatures in the Philippines in all the languages.”
Dagdag pa niya, mahalaga ang ganitong uri ng pagdiriwang lalo na sa mga developing countries na malimit makalimutan ang kahalagahan ng kultura at sining sa pangangailangang unahin ang ekonomiya, negosyo at siyensiya.
Abril ang napiling buwan upang idaos ang pagdiriwang dahil sa pagtitiyap ng mga makasaysayang pangyayari tulad ng kapanganakan ni Francisco “Balagtas” Baltazar noong Abril 2, 1788 at ng International Book Day o Dia de Libro.
“Malaking pagdiriwang sa Europa ang Dia de Libro lalo na sa Espanya kung saan nagbibigayan pa ng rosas,” ani Almario. “Idinaraos ito dahil sa death anniversary nina Shakespeare at Cervantes.”
Nakamamanghang pumaloob din sa buwan ang World Intellectual Property Rights Day na ginunita rin sa bansa sa pamumuno ng Intellectual Property Office, Instituto Cervantes de Manila, National Commission for Culture and the Arts, Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at National Book Development Board.
Magugunita rin sa buwan ang anibersaryo ng kapanganakan at kamatayan ng mga ina at ama ng panitikan na sina Emilio Jacinto, Paciano Rizal, Nick Joaquin, Edith Tiempo at Bienvenido Lumbera.
Kultura ng pagbabasa
Malaki rin ang gampanin ng BPF sa pagpapalaganap ng kultura ng pagbabasa sa mga mamamayan lalo na sa mga kabataang nakalilimot nang magbuklat ng libro.
Binanggit ni Almario na pangunahing layunin ng pagdiriwang ang gamutin ang kawalang-interes ng mga Filipino sa pagbabasa.
“Marami sa atin, kahit edukado, ay hindi [na] nagbabasa ng libro o dyaryo,” ani Almario. “Hindi umaabot sa isang milyon ang sirkulasiyon ng dyaryo habang isang libo naman ang literary books. Hindi kumikita ang imprenta at industriya sa paglalathala ng libro.”
Nais rin niyang himukin ang mga mambabasa na kilalanin ang kanilang mga manunulat.
“Ang mga awtor natin, hindi masyadong kilala,” aniya. “Katulad ko, hindi naman ako makikilala kung hindi ako national artist eh. Mas kilala ang mga komiks writers, ‘yong ibang artist o painters kasi mas napo-promote sila ng media.”
Samantala, kinakitaan naman ng kakulangan ni Hidalgo ang sistemang pang-edukasiyon sa bansa na sanhi ng baluktot na pagtingin ng kabataan sa kasaysayan at katamaran sa pagtuklas ng nakaraan.
“‘Yung mga history book hindi pa nare-rewrite,” batid niya. “Ang nakalagay about martial law, puro positive. We tend to forget the intellectual heritage. It is everybody’s responsibility to take care of the rich heritage.”
Kinakitaan naman ng kabutihan ng premyadong manunulat at guro na si Joselito Delos Reyes ang pag-usbong ng makabagong anyo ng panitikan sa panahon ng teknolohiya tulad ng spoken word at mga kuwentista sa Facebook.
“Gamitin ang social network dahil ito ang pinaka-accessible at pinaka-interactive ngayon,” aniya. “Wala na munang value judgment kung maganda o pangit ang nababasa, ang mahalaga, mayroon. Kapag dumaming lalo, magkakaroon na ng pagkakataong makapamili, saka pa lamang titining, magiging mapagnilay at gaganda.”
Panitikang Tomasino
Isa sa mga naging paghahanda para sa BPF ang personal na pag-anyaya sa mga unibersidad na may writing centers tulad ng CCWLS ng Unibersidad na sinuklian naman nito ng pagiging lokasiyon ng ilang programa ng KWF tulad ng USTingan.
Ipinagmamalaki naman ni Hidalgo ang mahabang kulturang pampanitikan ng Unibersidad na nagbunga ng mga mahuhusay na manunulat na hinubog ng Faculty of Arts and Letters na kilala noon bilang “Philosophy and Letters.”
“In the 1960s, my classmates were all writers,” gunita niya. “Doon talaga nag-e-enroll ang mga gustong maging manunulat, journalists and poets.”
Datapwat naging masigla sa mahabang panahon, tumamlay ang panitikan bunsod ng malakas na censorship sa panahon ng batas militar bago muling nabuhay sa pamumuno ng isa sa mga haligi ng panitikan sa bansa na si Ophelia Alcantara Dimalanta.
“UST administration has always been aware that we have that rich tradition,” ani Hidalgo, “which is why CCWLS was established to begin with, [pero] parang nag-wane din noong nag-retire si Ophelia Dimalanta.”
Sa kabila ng mga pagsubok, patuloy na sinisikap ng institusiyon na mas lalong pagyamanin ang panitikan sa kampus sa pamamagitan ng paghikayat sa mga baguhang manunulat na lumahok sa kanilang mga workshop.
“[Our] mandate is to try and restore the literary culture that existed for a very long time in UST,” wika ni Hidalgo. “We’re trying to nurture young writers while providing peer support for all writers. We [also] want to strengthen the MA program and we want to have an undergrad program, [and] eventually, a Ph.D.” Bernadette A. Pamintuan