Dibuho ni Matthew Neil J. Hebrona BILANG pinakamatandang Katolikong unibersidad sa Asya, marami nang pinagdaanang anibersaryo ang Unibersidad ng Santo Tomas. Isa sa mga ito ay ang ikapitong gintong anibersaryo nito noong 1961.

Upang ipagdiwang ang ika-350 taon ng pagkakatatag nito, naglunsad ng mga aktibidad ang bawat kolehiyo at mga organisasyon sa loob ng Unibersidad sa pamumuno ng Central Board of Students at ng faculty club na may layuning maipalakalap ang impormasyon tungkol sa nasabing anibersaryo sa publiko.

Ayon kay Fr. Fidel Villaroel, O.P., ang dating punong archivist ng UST, bagama’t sinumulan ng Unibersidad ang paghahanda sa nasabing okasyon isang buwan bago ang mismong araw ng anibersaryo sa Abril, hindi ito naging kasing engrande ng paghahanda para sa ika-400 anibersaryo ng UST sa 2011 na nagsimula pa noong taong 2000.

Apat na araw sinuspendido ang pasok sa Unibersidad nang Marso, upang mabigyan ng pagkakataon ang mga estudyante at mga propesor makilahok sa paghahanda sa anibersaryo.

Isang misa ang ginanap na nagsilbing simula noong Marso 4 na ipinagdiwang ni Rev. Fr. Ciriaco Pedrosa, O.P., Bise-Rektor ng Unibersidad na dinaluhan ng mga estudyante, propesor at mga alumni at nagsilbing simula ng pagdiriwang.

Samantala, sinundan naman ito ng pagbubukas ng iba’t ibang proyekto ng bawat kolehiyo at pagtatanghal ng mga katutubong sayaw ng mga estudyante na dinaluhan ng mga diplomatikong opisyal ng mga embahada at konsulado sa Maynila.

Natapos ang nasabing araw sa pamamagitan ng pagdaraos ng isang piging na dinaluhan ng mga 5,000 alumni ng UST kung saan naging panauhing pandangal ang ika-apat na Tomasinong pangulo ng Commonwealth na si Sergio Osmeña at ang alumnus na Alkalde ng Maynila na si Arsenio Lacson.

READ
Truth in Media shines in Cinemalaya

Samantalang, isa demonstrasyon ng pagsasanay ng mga kadete ng Reserved Officers Training Cadets ang ginanap sa Grand Stand nang sumunod na araw, na sinundan naman ng isang konsiyerto ng UST Conservatory of Music kasabay ng Manila Symphony Orchestra kung saan unang ipinarinig ang bagong bersyon ng UST hymn.

Ayon kay Villaroel ang nasabing taimtim na bersyon ay nagmula sa ginanap na pambansang pantimpalak ng Unibersidad kung saan nagwagi sina Julio Esteban Guita para sa musika at si Jose Maria Hernandez naman para sa titik ng awit.

Noong Marso 6, isang pinintang larawan naman na naglalaman ng iba’t ibang mga makabuluhang eksensa sa kasaysayan ng Unibersidad tulad ng pagdating ng mga Espanyol sa Pilipinas at ang pagkakatatag ng Unibersidad ang tinanghal sa UST gymnasium.

Isang Kastilang dula, “The Feast of King Baltasar,” ni Calderon de la Barca ang itinanghal naman ng Aquinas Dramatic Guild noong Marso 7 sa kaliwang patyo ng Mainbuilding. Katangi-tangi ang nasabing palabas dahil ito ang pinaka unang dula patungkol sa sakramento na itinanghal sa Unibersidad.

Bagama’t nanumbalik na muli ang mga klase sa Unibdersidad nang Marso 8, nagpatuloy ang pagdiriwang hanggang sa dumating ang mismong araw ng anibersaryo noong Abril 28. Maraming kilalang tao ang nagpabigay ng kanilang pagbati sa nasabing pagdiriwang, kabilang na ang dating pangulong si Carlos P.Garcia, arsobispo ng Maynila na si Rufino Santos, at ang Papal Nuncio na si Salvatore Saiino. Ngunit ang pinaka sikat na personalidad na bumati sa Unibersidad ay ang Santo Papa na si John XXIII na kabilang sa liham ng pagkilala sa kahihirang na bagong rektor ng Unibersidad na si Fr. Juan Labrador, O.P. Sa kanyang pitong pahina na mensahe na nakasulat sa wikang latin, tinawag ng Santo Papa ang Unibersidad bilang ang nagliliwanag na ilaw ng Kristiyanong karunungan at tanggulan ng Kristiyanong sibilasyon.

READ
Doring Agcang

Iba’t ibang pantimpalak ang isinagawa tulad ng “350 Jubilee Literary Contests” sa literatura at “Know UST Contest” na bukas sa mga boyscouts ng UST. Kabilang din dito ang mga kumperensiya tulad ng “Aquinas to Einstein: From Philosophy to Physics” at “Aristotole to Aquinas: A Historical Perspective” at mga karagdagang dula tulad ng “Cavalleria Rusticana,” “The Genius,” at “Sorry Wrong Number.”

Upang maipakita din ang tunay na diwa ng anibersaryo, isang medalya na may disenyo ng imahe ng tagapagtaguyod ng Unibersidad na si Fr. Miguel de Benavidez, O.P. sa harap at opisyal na tatak ng UST sa likuran na gawa sa bronse ang iminungkahi ni Angel Nakpil, dating dekano ng College of Architecture and Fine Arts, na ibenta ng Unibersidad sa mga estudyante at pakultad bilang mga natatanging alaala ng pagdiriwang.

Ginamit din ang mga nasabing medalya sa paggawad ng UST sa mga piling alumni at mga estudyante ng Unibersidad bilang parangal sa mga paligsahan at para sa kanilang mga kontribusyon sa agham at sining sa katapusan ng nasabing pagdiriwang.

Tomasalitaan:

Batol (pandiwa)- sumagot nang pagalit o pahiyaw.

Halimbawa: Pinagsabihan siya ng kanyang guro dahil sa kanyang pagbatol sa kanyang kaibigan habang sila ay natatalo.

Sanggunian:

The Varsitarian Tomo: 33 Blg.3 Marso 1961

The Varsitarian Tomo: 34 Blg.4 Abril 1961

The University of Santo Tomas in the Twentieth Century ni Josefina Pe.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.