TULAD ng mga nakaraang taon, magdadaos ang Kagawaran ng mga Wika ng kulturang pagtatanghal sa Agosto 29 upang ipagdiwang ang buwan ng wika.
Ayon kay Prop. Maria Susana Gualvez ng Kagawaran ng mga Wika, “masasaksihan sa (mga) palabas na ito ang natatanging kalinangang Pilipino sa larangan ng sining at ang husay ng Tomasinong mag-aaral sa iba’t-ibang aspeto ng pagtatanghal.”
Idinagdag din ni Gualvez, na kakaiba ang kulturang pagtatanghal ngayong taon dahil dire-diretso ang takbo ng palabas hindi tulad ng nakaraang taon kung saan mayroong papasok na emcee pagkatapos ng isang presentasyon at magbibigay ng introduksyon sa sususunod na pagtatanghal.
“(Noong nakaraang taon), nagmukhang variety show bagamat cultural show siya dahil puto-putol,” wika ni Gualvez.
Dala ang temang, “Wikang Filipino: Mahalagang Salik sa Pagpapahayag ng Karapatang Pantao,” layunin ng mga nasabing pagtatanghal na mailahad ang kasaysayan ng lahing Filipino at maipakita ang pagbabago ng pamumuhay ng mga Pilipino sa paglipas ng panahon.
Dagdag pa rito, layunin din ng mga pagtatanghal na maibahagi ang mga bagay na tunay na pinahahalagahan ng mga Pilipino sa kanilang buhay at mabigyang interpretasyon ng mga Tomasinong mag-aaral ang iba’t ibang buhay Pilipino.
Hinati sa tatlong bahagi ang palabas ayon sa unang tatlong layunin na nabanggit.
Sa unang bahagi, binigyang-diin ang pagbabalik-tanaw sa kasaysayan. Habang nakatuon naman ang ikalawang bahagi sa “pagbabagong-bihis ni Juan de la Cruz.” Samantalang nakatuon sa “pangarap ni Juan” ang ikatlong bahagi.
Bukod sa kulturang pagtatanghal, nagdaos din ng poster-making contest ang Kagawaran ng mga Wika.
Bilang gantimpala, mag-uuwi ng P1000 ang makakakuha sa unang puwesto samantalang P750 ang pupunta sa ikalawang puwesto at P500 naman ang matatanggap ng nasa ikatlo. Bibigyan ng P100 bawat isa sa 12 pang nakapasok sa unang 15 ng patimpalak..
Dala ang temang “Iba’t-ibang Konsepto o Pananaw sa Pagpapahayag ng Karapatang Pantao,” kasalukuyang naka exibit ang mga trabaho ng mga nagsilahok. Tatakbo ang exibit hanggang Agosto 30. Teodoro Lorenzo A. Fernandez