SA KAUNA-UNAHANG Cinemalaya Film Festival noong Hulyo 12-17 sa Cultural Center of the Philippines (CCP), nabigyan ng pagkakataon ang mga indie filmmakers na ipakita ang kanilang mga obra sa publiko at magkaroon ng oportunidad na magkamit ng parangal sa paligsahang ito.

Isang proyekto ng CCP, Film Development Council of the Philippines at University of the Philippines Film Insitute, layunin ng Cinemalaya na mahikayat ang mga baguhang filmmakers na gumawa ng orihinal na pelikulang nagpapakita hindi lang ng pagkamalikhain ng mga Pilipino kundi maging ang lipunang kinagagalawan nito.

Pinakamahusay na maikling pelikula ang Mansyon ni Joel Ruiz, patungkol sa kalagayan ng mag-asawang namasukan sa isang mansyon. Dahil sa naatasang magbantay ng bahay ang mag-asawa nang umalis ang kanilang mga amo, hindi napigilan ng mga ito na sandaling lasapin ang karangyaan na siya ring nagbalik ng kanilang dating magandang pagsasama na binago ng kahirapan. Sandali nilang natikman ang sarap ng yaman bago pa sila nahuli at napatalsik sa mansyon.

Samantala, nanalo para sa pinakamahusay na direksyon ang Babae ni Sigrid Andrea Bernardo, pinakamahusay sa dulang pampelikula si Pam Miras para sa Blood Bank at isang natatanging parangal, ang Philippine Star Special Jury Prize, ang iginawad kay Lawrence Fajardo para sa Kultado.

Sa kategoryang full-length feature, nakuha ng Pepot Artista ni Clodualdo del Mundo ang parangal para sa pinakamahusay na pelikula. Ipinakita ng Pepot Artista ang pagkahumaling ng tao sa pinilakang-tabing. Isiniwalat din ang pagkahlig ng Pinoy sa kasiyahan bagkus ng matinding problema sa lipunan.

Nanalo naman para sa pinakamahusay na direksyon si Rica Arevalo para sa ICU Bed #7, pinakamahusay na dulang pampelikula ang Big Time ni Mario Cornejo at Monster Jimenez. Iginawad kay Michiko Sy Yamamoto ang GMA Special Jury Prize para sa pelikulang Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros.

READ
Multi-million hospital vestibule and doctors’ clinics completed

Layunin ng Cinemalaya Film Festival na tumuklas, makahikayat at parangalan ang mga ginawa ng mga Filipino filmmakers na nagpapakita ng pagkamalikhain at malayang kaisipan ng mga Pilipino. Layon din nito na mapaunlad ang industriya ng pelikulang Pilipino sa pamamagitan ng mga bagong filmmakers.

Ilan pa sa mga Pilipinong nagpamalas ng angking galing sa indie film si Ditsi Carolino sa kanyang dokumentaryong Bunso, na itinanghal sa International Documentary Film Festival sa Amsterdam, Netherlands.

Nagwagi naman ng Silver Digital Award sa ika-28 Hong Kong International Film Festival si Jon Red para sa pelikulang ASTIGmatism.

Ang pagsibol ng indie films

Sa isang forum ng Cinemanila, nagkaroon ng hinala ang direktor at festival organizer na si Tikoy Aguiluz na magiging daan ang digital video technology upang mapabago sa filmmaking sa bansa.

At dahil nga sa mataas na halaga ng paggawa ng pelikula, maraming bata at baguhang filmmakers ang gumamit ng digital filmmaking upang makagawa ng mura ngunit magandang palabas. Ilan sa mga umusbong na filmmakers mula sa digital filmmaking, na mas kilala ngayon bilang independent o “indie” films at alternative films, sina Jon Red (Still Lives, Astig), Nonoy Davidas, Ed Lejano , Chuck Escasa (Motel), Ellen Ongkeko-Marfil (Angels), Milo Paz (Taxi ni Pilo), Cris Pablo (Duda), at maging ang beteranong direktor na si Gil Portes (ID).

Dahil sa tema at nilalaman, lumalabas sa mainstream ang indie films upang makapaghatid ng pelikulang “non commercial” na may kalidad. Sa taong 2003, sumikat ang mga pelikula gaya ng Magnifico (Violett Films), Homecoming (Teamwork Productions), Babae sa Breakwater (Entertainment Workhouse), at Crying Ladies (Unitel Pictures).

READ
Journalese goes online

Minsan nang naipamalas ng mga “indie” films na may kinalalagyan sila sa industriya ng pinilakang-tabing sa mga pelikulang gaya ng “Santa Santita” at “Ebolusyon ng Pamilyang Pilipino” na nagkamit ng iba’t ibang parangal sa mga film festival sa bansa. Kaya naman, dagsa ang mga independent filmmakers ngayon na nagbabaka-sakaling maging isa rin sa hinahangaang palabas ang kanilang pelikula.

Ang indie films at ang indie filmmaker

Sa pag-usbong ng indie films sa bansa, nagkaroon ng alternatibong paraan ng pagpapalabas ng pelikula. Nagkaroon din ng pagkakataon ang mga filmmakers na umalis sa mainstream at patunayang hindi kinakailangang kilala ang isang production company para sumikat ang pelikula.

Ayon kay Gil Portes, alumnus ng Unibersidad at isang tanyag na direktor, ipinagmamalaki niya ang independent films.

“Karamihan sa aking mga pelikula ang ginawa ko sa sarili kong pagsisikap,” ani Portes. “Ako ang nagtutustos ng sarili kong palabas, mula sa konseptualisasyon hanggang sa pagsulat nito, galing sa aking malikhaing pag-iisip.”

Sa pagdagsa ng indie films, naisasantabi ang komersyalismo sa industriya upang maging mabenta ang palabas. Mungkahi ni Portes sa mga nagnanais na gumawa ng mga independent films na maging totoo sa likha at huwag magpapadala sa uso.

Ngunit, iginiit din niya na para tangkilikin ng masa ang independent films kailangan ding maging ganap dito ang kaangkupan sa lipunan.

“Huwag kayong umasa na susuportahan ng industriya and independent films sapagkat ang komersyal na pelikula ang nais nila,” ani Portes. “Kailangang mapaunlad niyo ang inyong mga sarili gamit ang pagtangkilik ng manonood dahil yun lamang ang tanging paraan upang magtagumpay kayo.”

READ
Rector calls for truth and prayer

“Audience development is the key,” dagdag ni Portes.

Sinabi rin ni Portes na gaya ng Cinemalaya at ng iba pang independent films, bihira ang tumatangkilik at nanonood nito kahit may mabigat na naisin ang direktor na maitaguyod ang independent filmmaking.

Marami man ang nagnanais magdulot ng pagbabago, kakaunti lamang ang nakapapansin nito. Dulot man ng bumabagsak na ekonomiya, kolonyal na pagiisip ng mga Pilipino at komersyalismo, isang problema pa rin sa mga filmmakers ang pagpapalabas ng pelikula na may nilalaman ngunit magiging patok sa masa. Bagaman ito ang kasalukuyang problema ng karamihan sa ating mga filmmakers, marami pa rin ang patuloy na umaalis sa mainstream na pelikula upang makapaghatid ng palabas na may kalidad at pupukaw sa damdaming Pilipino. M.E.V. Gonda

Sanggunian: ncca.gov.ph, Sanghaya:Culture and the Arts

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.