Dibuho ni Matthew Niel J. HebronaILANG hakbang na lang at makakapasok na ako sa kuwarto mo. Ilang hakbang na lang at makikita na kitang muli matapos akong kumawala sa mundo mo. Ngunit bago ko pa man naihahakbang ang aking mga paa, hindi ko na mapigilan ang pag-iyak. Hindi kita dapat iniwan.

Kung ibang pasyente lang sana ang nasa loob ng kuwarto, hindi na ako mag-aalinlangan pang pumasok. Bilang nars, responsibilidad kong siguraduhing maayos ang kalagayan ng pasyente ko. Pero bakit hindi ko magawang pumasok sa kuwarto mo para kamustahin ka? Kung hindi pa ako tinawagan ni Ate para sabihin na nasa ospital ka, hindi ko pa malalaman ang kalagayan mo.

“Kamusta na siya, Ate?” Agad kong itinanong sa kanya, paglabas niya sa kuwartong kinalalagyan mo.

“Stage four na raw ang kanser sa baga ni Papa,” umiiyak na sinabi ni Ate. “Pero ayaw niyang magpa-chemo.”

Lalo akong binagabag ng mga sinabi ni Ate tungkol sa iyo. Bakit nawalan ka na ng pag-asa? Bakit ayaw mo nang lumaban upang mabuhay? Hindi ka naman ganyan dati.

“Gusto ka niyang makita, Cassandra.”

Hindi ako makasagot. Patuloy lang ako sa pag-iyak. Hindi ko alam kung kaya kong makita kang nakaratay sa kama at nanghihina. Hindi man naging maganda ang pagsasama natin noon, hindi ko naman ginustong magkaganyan ka.

* * *

Nakakapagod maging anak mo!

Kung may mapagpipilian lang ako, matagal na akong umalis sa mala-impyernong “mundo” mo kung saan suspendido lahat ng karapatan. Pati ang paglilibang ko, hindi mo pinalagpas.

Katatapos ko lang sa isang linggong pagkuha ng pagsusulit at pagdu-duty sa ospital para sa finals ng first semester nang magpaalam ako sa iyong lumabas kasama ng mga kaibigan ko. Pagod na pagod ako ng mga panahon na iyon. Nakaka-drain talaga ng utak mag-aral ng Nursing lalo na kapag hindi mo naman talaga gusto ang kursong ito. Alam mo namang painting ang gusto kong kuning kurso dahil iyon ang hilig ko. Pero talagang pinagpilitan mong mag-nursing ako dahil dito kamo “tayo” kikita ng maraming pera kung sakaling makapagtrabaho ako sa Amerika. Sa awa ng Diyos, nasa ikatlong taon na ako at hindi pa naman nalalagay sa probation. Consistent dean’s lister pa rin ako na siyang lalong nagpapasaya sa iyo.

“Pa, nagyayaya po ‘yung classmate ko, magna-night swimming po kami sa Sabado, puwede po ba akong sumama?” sabi ko sa iyo sa pag-asang papayagan mo akong umalis ng bahay dahil sembreak naman.

“Hindi. Mas mahalaga ‘yang pag-aaral mo. Mag-review ka na lang,” sabi mo sabay inom sa katitimpla ko pa lang na kape para sa’yo. “Paki-abot nga iyong dyaryo.”

“Pero Pa, tapos na naman ang finals namin at sembreak na naman po. Sige na.“

“Hindi nga puwede. Walang magbabantay dito sa bahay!” Bumalik ka sa pagbabasa ng dyaryo. Wala na akong nagawa kundi magtungo sa aking kuwarto.

READ
A Thomasian couturier to the stars

Bad trip! Bihira lang naman ako umalis ng bahay! Halos buong buhay ko, inilaan ko sa pag-aaral at pagsunod sa mga kagustuhan mo. Nagpapaalam naman ako ng maayos. Isang gabi lang ang hinihiling ko sa’yo. Isang gabi upang makalimutan kong kasama ko sa iisang bubong ang isang “hari” na tulad mo. Mabuti nga hindi ako tumatakas tulad ng ginagawa ng mga kapatid kong matagal nang nasusuka sa pag-uugali mo.

Kung alam ko lang, kailangan mo lang naman ng utusan dito sa bahay kaya’t hindi mo ako pinayagan. Ako na lang kasi ang kaya mong bolahin at utusan sa aming magkakapatid. Sina Ate at Kuya kasi, matagal nang nagsawa sa paghahari-harian mo rito sa bahay. Kung iisa-isahin ko sa iyong harapan ang mga hinanakit ng mga kapatid ko, kulang pa ang oras na ginugugol ko sa pagdu-duty sa ospital. Siguro nga’y napakamanhid mo.

“Cassandra, iligpit mo itong tasang pinag-inuman ko ng kape. Bilisan mo.” Sigaw mo na umaalingaw-ngaw sa buong kabahayan.

Ilalagay mo na lang sa lababo ang tasang ginamit mo, kailangan mo pang mang-istorbo ng iba. Hinugasan ko ang tasang ginamit mo. Kung sana, sa bawat pagsabon ko sa tasang ginamit mo’y nasasabon rin ang maduming kalooban mo, ayos na sana. Kung sa bawat banlaw na ginagawa ko’y naaalis din ang kahipokritohan mo, sana wala nang magiging problema. Sana.

“Aba’y tanghali na’t nakahilata pa rin iyang Kuya mo. Gisingin mo na siya kung hindi bubuhusan ko siya ng kumukulong tubig. Hanapin niya kamo ang Ate niyong naglamiyerda na naman.”

Nagtungo ako sa kuwarto ni Kuya. Hindi naman nakasarado ang pinto kaya’t pumasok na ako. Ang sarap ng tulog niya, humihilik pa. Wala pang isang oras siyang natutulog. Kauuwi lang niya galing sa trabaho. Graveyard shift kasi si Kuya sa pinapasukang call center. Nakakaawa naman kung gigisingin ko siya kaagad. Umupo na lang ako sa tabi niya.

Mukhang hindi mo yata naiintindihan na kagagaling lang nung tao sa opisina. Kumayod ng magdamag para may maibigay sa iyong pera. Hindi ba’t ikaw naman ang pumilit kay Kuya na pumasok sa call center para lumaki ang sinusuweldo niya? Sayang lang ang pagiging lisensiyadong titser niya. Ikaw naman ang pumilit na kumuha siya ng education sa kolehiyo ‘di ba? Ang labo mo talaga!

“O, Cassandra, nariyan ka pala,” nagising si Kuya nang umupo ako sa kanyang kama.

“Sorry Kuya, na-istorbo ko ang pagtulog mo. Si Papa kasi, pinapagising ka. Hanapin mo raw si Ate, kahapon pa hindi umuuwi e.”

“Hindi pa nasanay si Papa,” sagot ni Kuya.

Kahit na wala pang sapat na tulog, tumayo na si Kuya’t nagbihis ng pang-alis upang sundin ang inuutos mo.

Dalawang araw nang hindi umuuwi si Ate. Hindi ka na ba nasanay? Nasa kolehiyo pa lang si Ate, madalas na siyang naglalayas. Hindi lang naman siya, pati si Kuya, ilang beses ding nagtangkang umalis sa bahay na ito. Pero nadadaan mo sila sa pagmamakaawa mo. Babait ka pagkabalik nila pero makalipas ang isang linggo, balik ka na naman sa paghahari-harian mo. Kesyo kailangan naming pagtuunan ng pansin ang pag-aaral, matuto ng mga gawaing-bahay at kung anu-ano pa. Naiintindihan naman namin iyang mga bagay na iyan. Ang nakakainis lang, ang lakas ng loob mo na sabihan kaming matutong mabuhay ng walang inaasahan pero ikaw itong hindi marunong sumunod sa sarili mong mga patakaran.

READ
Papal visit to Holy Land, a 'pilgrimage of peace'

Ikaw nga diyan, pahila-hilata lang sa maghapon, magpapatimpla ng kape, magbabasa ng dyaryo sa umaga, matutulog sa tanghali, magkakalikot ng sasakyan sa hapon at matutulog ng maaga sa gabi. Naturingan kang tatay pero si Mama ang nagpakahirap sa London para lang mapag-aral kaming magkakapatid. Kung hindi lamang sana binawian ng buhay si Mama limang taon na ang nakalipas, makikita sana niya kung anong klaseng ama ka at baka sakaling hindi ganyan ang pakikitungo mo sa amin.

Nang mamatay si Mama, nagbago ka na. Kung hindi ka umiinom gabi-gabi, umaalis ka naman ng bahay nang hindi namin alam. Minsan, nang umuwi ng gabi si Ate galing sa paggawa ng thesis sa bahay ng kaklase niya, nakita ka niyang may kasamang babae sa loob ng owner-type jeep natin habang gumagawa ng milagro. Hinintay ni Ate hanggang sa makauwi ka pero nang tanungin ka niya, itinanggi mo iyon. Naririnig ko ang pagtatalo niyong dalawa.

“Kitang-kita ng mga mata ko, Pa. Naghahalikan pa kayo nung babae mo sa sasakyan natin. Huwag ka nang magmaang-maangan.”

Pumasok si Ate sa kuwarto namin at umiyak ng umiyak. Doon nagsimula ang pagrerebelde niya sa iyo.

“Cassandra, magluto ka na ng pananghalian. Bilisan mo!”

Bumaba ako para magluto ng sinigang, ang paborito mo. Ulam na nanonoot sa asim habang pinakukuluan, parang ang umaasim na pakikitungo naming mga anak mo sa iyo habang tumatagal. Sana’y sa ginagawa kong pagpapalambot ng karne sa pamamagitan ng pagpapakulo rito ay lumalambot din ang puso mo sa ginagawang pabor at sakripisyo naming magkakapatid para sa iyo. Ngunit talaga yatang hindi ka na magbabago. Pero kahit na naiinis na ako sa iyo, hindi ko pa rin magawang lagyan ng lason ang pagkain mo. Kahit ano kasing mangyari, ikaw pa rin ang Papa ko.

“Ang mga kapatid mo, nagkampihan na yata at hindi na bumalik!” Umaalingaw-ngaw ang boses mo sa buong kabahayan kinabukasan. Sira na naman ang araw ko pero galit man ako sa iyo, nagtimpla pa rin ako ng kape at ibinigay ko na sa iyo ang dyaryo. Iyon kasi ang aking nakasanayan. “Mabuti’t mabawasan ang tao sa pamamahay ko.”

Nagpanting ang mga tainga ko sa narinig ko. Pamamahay mo? Hindi lang naman ikaw ang nagpundar ng bahay na ito. Bunga rin ito ng pagsasakripisyo ni Mama. Ipinagpalit niya ang makasama tayo upang magsilbi sa ibang tao at kumita ng mas malaking pera sa ibang bansa nang matanggal ka sa pagiging pulis mo dahil nahuli kang nangongotong. Kaya’t huwag mong maangkin ang pamamahay na ito!

READ
'We are a tax-exempt institution'

Napakasuwerte nila Kuya at Ate at hindi ka na nila makakasama. Isang walang pusong diktador na hindi matinag kahit ilang people power na ang magdaan upang pababain ka sa puwesto. Mapalad din si Mama dahil wala na siya sa mundong ito upang maranasan ang mamuhay kasama ka sa ganyang kalagayan. Mapalad sila, hindi tulad ko.

Pero maghintay ka lang. Sa oras na makapasa ako sa board exam, iiwanan na rin kita tulad ng ginawa ng mga kapatid ko. Tulad nila, pagod na rin akong maging anak mo.

* * *

Pinahid ko ang mga luha sa pisngi ko at saka napabuntong-hininga. Alam ko naman na darating ang pagkakataong magkikita tayong muli pero hindi ko inaasahan na sa ganitong sitwasyon.

Kasama si Ate, pumasok ako sa kuwarto mo. Natutulog ka kaya’t umupo na lamang kami sa sopa sa tabi ng higaan mo. Pinagmasdan ko ang iyong pagmumukha. Ang laki ng pinagbago mo. Namayat ka. Mababakas din sa iyong noo ang katandaan. Ibang-iba ka na sa “haring” aking nakasama noon. Napansin ni Ate ang aking pagkabagabag.

“Hindi ka ba makapaniwala sa kanyang pagbabago?” pasimula ni Ate. “Ako rin noong una hindi makapaniwala. Noong bumalik ako matapos ng ilang taon sa bahay dala ang aking anak, akala ko papalayasin niya ako. Ewan ko ba kung dahil sa anak ko o dahil sa sakit niya pero nang makita niya ako, buong-puso niya akong tinanggap.”

“Ganoon ba…si Kuya naman, kamusta na?”

“Si Matt? Bumalik na siya sa pagtuturo,” sagot ni Ate sabay tingin sa suot niyang relos. “Papunta na rin siya dito. Hanggang alas-singko lang ang klase niya.”

“Bumalik na rin ba siya sa bahay?”

“Mahigit isang taon na rin ang nakalipas nang bumalik siya sa bahay,” sabi ni Ate. “Ikaw lang talaga ang hinihintay niya.”

Agad kaming nagyakapan ni Kuya nang dumating siya. Ilang saglit pa’y nagising ka na.

Hindi ka nagsalita. Ngumiti ka lamang habang tumulo naman ang luha mo. Ganap na kasayahan ang naramdaman ko. Ngayon ko lang nakita na umiyak ka. Hindi nga kita nakitang umiyak noong mamatay si Mama.

“Patawad…patawad…” Patuloy ka pa rin sa pag-iyak.

“Sshh. Kalimutan na natin iyan, Pa. Ang importante, nagbalik na po ako.” Niyakap kita. Nakita kong lumuluha rin sina Ate at Kuya.

Nakakatawang isipin na pagkatapos ng nakakapagod nating paglalakbay papalayo sa isa’t isa, heto tayong dalawa at ng aking mga kapatid, muling magkasama.

Sa wakas, pupuwede na tayong makapagpahinga.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.