SA MATA ng mga mananakop, simbolo ng kawalan ng sibilisasyon ang ladlad na dibdib ng mga Pilipinang katutubo. Ngunit sapat ba itong dahilan upang sakupin ang ating bansa at samantalahin ang hubad na katawan ng mga primitibo?

Ilan ito sa mga puntong tinalakay sa ikalawang bahagi ng serye ng lektura ng mga Filipino-American na manunulat at iskolar noong Hulyo 27 sa UST Library Conference Hall. Inihandog ito ng Department of Languages, Literature and Philosophy, Department of Humanities, Arts and Letters Literature Society, at ng Varsitarian.

Tinalakay ni Prof. Nerissa Balce-Cortez, na nagtuturo ng Comparative Literature sa University of Massachusetts-Amherst, ang paksang, “A Filipina’s Breasts and the Erotics of Empire.” Nagtamo si Balce ng doctoral degree sa University of California-Berkley gamit ang kanyang saliksik sa parehong usapin.

Ginawang halimbawa ni Balce ang kaso ni Nena Ruiz, isang Filipina sa Estados Unidos na inalipin at minaltrato ng kanyang mga dayuhang amo. Naipanalo ni Ruiz ang kaso noong 2004. Isa umano itong kongkretong halimbawa ng nagpapatuloy na mababa ang pagtingin ng mga dayuhan sa mga Filipina, na nag-ugat sa mga retrato ng hubad na dibdib ng mga katutubong Filipina na kumalat noong panahon ng giyera ng mga Amerikano at Pilipino.

Ipinakita noong 1902 sa librong Our Islands and Their People as Seen in Camera and Pencil ni Jose de Olivares, ang mga larawang nagpapakita ng paghamak sa sinasabing pagkahubad ng mga Filipina. Sa bawat kopyang nagkakahalagang $15.00 noon, hatid nito sa mga dayuhan ang ideyang tama ang kolonyalismo.

Sa obserbasyon ni Balce, kapag ginamit ang salitang “Filipina” bilang “search word” sa Internet, pangunahing resulta ang mga mail-order-bride sites at sari-saring pornographic sites.

READ
Pagkakaisa para sa karamihan

“Nagbubunga ng mas maraming uri ng pornograpiya sa Internet ang salitang ‘Filipina’ kaysa sa ano pa mang nasyonalidad o lahi. Dala pa rin ang duming kumapit sa mga lente ng dayuhang kamera, matapos madungisan ang pangalan ng mga Filipina 100 taon na ang nakalipas,” aniya.

Naging bahagi na ng tradisyong “pornotropic” (pornographic and tropic) ang mga retrato ng kababaihang walang saplot. Ipinapakilala nito ang mga taong galing sa eksotikong rehiyon bilang mga walang pinag-aralan. Halimbawa ang mga litratong nagpapakita sa mga Filipina bilang mga babaeng hindi marunong ngumiti at may pagkamuhing nasasalamin sa mata. Subalit ayon kay Balce, nagangahulugang nilalabanan at tinutulan lamang ng mga babaeng ito ang pagpasok ng mga dayuhan. Ipinakikilala sila bilang mga taong walang saplot, walang sibilisasyon at nangangailangan ng pagbabago. Naging object sila ng pornograpiya sa lumang panahon at ginawang katwiran ng pananakop ng mga Amerikano.

Doble kara

Samantala, ibinahagi ng Fil-Am na manunulat na si Marrianne Villanueva ang kanyang mga kuwento at akda sa unang serye ng lektura noong Hunyo 15 sa Tanghalang Teresita Quirino sa UST Graduate School.

Nominado si Villanueva sa National Book Award ng Manila Critic’s Circle para sa kalipunan ng maikling kuwentong Ginseng and Other Tales from Manila noong 1990, habang inilabas niya noong nakaraang taon ang Mayor of the Roses. Naging patnugot siya ng antolohiyang Going Home to a Landscape at umani ng nominasyon sa O. Henry Literature Prize sa Estados Unidos para sa kuwentong Silence noong 1999.

Para kay Villanueva, isang bentahe ang pagiging Fil-Am sa kanyang pagsusulat dahil sa hamong maibigay ang kuwentong isinusulat niya sa dalawang kultura.

READ
Si Noemi, si Blanca at ang kalsada

Sa Mayor of the Roses, detalyadong isinulat ni Villanueva ang isang kathang kuwento na batay sa mga peryodikong nababasa niya sa Pilipinas ukol sa isang babaeng nagahasa ng isang makapangyarihang alkalde na hango sa tunay na insidente noong 1993 na tinaguriang “Calauan Incident.” Ipinakita sa kuwentong ito ang mabagal na pag-usad ng hustisya dulot marahil ng pagkaganid ng ilang makapangyarihan sa bansa.

“Maaring mga negatibong bagay ang mga naisulat sa mga maikling kuwento ko, ngunit ayon sa aking mga dayuhang mambabasa, paraiso pa rin ang tingin nila sa ating bayan. Sa paglalahad ko, nakikita nila ang bahagi ng paraiso na dapat mabago,” ani Villanueva.

Sinusulat ngayon ni Villanueva ang kanyang unang nobela habang nagtuturo ng panitikan sa Foothill College ng Notre Dame de Namur University sa San Francisco, Estados Unidos. J. J. Arceo at Marc Laurenze C. Celis

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.