HINDI BAGO ang pagkakaroon ng ROTC ng mga kababaihang estudyante sa kolehiyo. Minsan nang naipatupad ito sa kasaysayan ng Unibersidad.

Ika-15 ng Hulyo, 1985 nang maibalita ang pagpapatupad sa pagsasailalim ng mga babae sa programa ng ROTC. Magsasanay sila sa wastong pagmartsa, pagsaludo nang may tamang tindig at tamang pustura.

Nagsilbing hudyat ng katuparan ng programa ang paglulunsad ng pitong estudyante bilang kauna-unahang babaeng kadeteng Tomasino. Opisyal na naging miyembro ng UST Golden Corps of Cadets ang mga nabanggit na mag-aaral. Ito ang kauna-unahang pagkakataon sa loob ng 49 na taon na nagkaroon ng kababaihan ang naturang corps.

Inilunsad ang programa bilang pagsunod sa Presidential Decree No. 1706 ni Pangulong Marcos, na mas kilala bilang National Service Law (NSL). Bahagi ang NSL ng law enforcement program ng pamahalaan na naglalayong turuan at hikayatin ang mga kabataan na makibahagi sa pagpapatupad at paggalang sa batas. Ang programang ito ay isa mga kailangang kunin ng isang mag-aaral bago makapagtapos.

Sa kolehiyo, isinasaad ng NSL ang 54 oras na pagsasanay-militar, 50 oras ng pag-aaral at 120 oras na paglilingkod sa kapwa.

Katulad sa nagaganap sa kasalukuyan, tumanggap din ng mga batikos ang programang NSL noon. Nagprotesta ang mga militanteng samahan ng mga mag-aaral. Ayon sa kanila, propaganda lamang ng gobyerno ang NSL upang kontrolin ang mga kabataan at itulad ang mga Unibersidad sa mga paaralang pangmilitar. Inihalintulad nila ito sa programa ni Adolf Hitler sa mga kabataang Aleman noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Bagama’t inulan ito ng protesta, ipinatupad pa rin ito ng UST.

READ
Main Building 'slowly deteriorating'

Tomasalitaan

Kapid (pu.) – bagay, angkop.

Ang suot mong damit at sumbrero ay kapid sa panahon.

Sanggunian

The Varsitarian, July 15,1985. Tomo 57, Blg. 2

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.